Labis na Nasaktan ang Dalaga nang Pumanaw ang Lalaking Iniibig; Isang Bagong Salta ang Nakakuha ng Kaniyang Interes

Nakatulala lang si Eunice habang nakatingin sa punong mangga kung saan nakaukit ang kaniyang pangalan at ang pangalan ng lalaking kaniyang unang inibig, si Joseph. Dito sa lugar na ito kung saan nakatayo ang punong mangga, kung saan nakaukit ang kanilang mga pangalan, ang lugar kung saan nagtapat silang dalawa ng kanilang wagas na pag-ibig sa isa’t isa.

Nagbalik-tanaw ang dalaga sa nakaraan kung saan masaya pa sila ng kaniyang kasintahan. Mga panahong kailanman ay hindi niya na maibabalik pa.

“Mahal, kumain ka pa oh. Masarap itong luto ko,” malambing na sambit niya sa kasintahan habang sinusubo ang niluto nito sa bibig ng binata.

“Hmm… napakasarap nga mahal! Pwede ka nang mag-asawa!” biro naman ni Joseph sa dalaga. Natawa na lang ang dalaga sa sinabi ng kasintahan.

“Bolero,” saad ng dalaga. Kinilig din naman siya sa kaniyang narinig sa binata.

“Oy hindi ah! Totoo nga mahal! Napakasarap ng luto mo. Kaya nga wala na akong planong pakawalan ka eh. Sisiguraduhin kong ikaw ang magiging asawa ko!” masaya at puno ng giliw na pahayag ni Joseph sa dalaga.

“Talaga? Pakakasalan mo ako? Sigurado ka?” seryosong tanong niya sa binata. Alam niyang bata pa sila para isipin ang kasal ngunit gusto niya pa ring malaman ang sagot ng kasintahan. Mahal na mahal niya na kasi ang binata. Agad naman na umayos ng upo ang binata at hinawakan ang dalawang kamay ng kasintahan.

“Pangako, papakasalan kita mahal ko,” pagkatapos sambitin ang mga katagang iyon ay hinalikan siya sa noo ng binata. Tanda ng kaniyang respeto at wagas na pagmamahal sa dalaga.

Advertisement

Napaluha na lamang si Eunice sa mga alaalang naiwan sa kaniya ng lalaking lubos na inibig. Magdadalawang taon na simula ng pumanaw si Joseph dahil sa isang malubhang sakit.

Ikakasal na sana sila noon pero napagdesisyunan ni Joseph na huwag na lamang ituloy ang kasal dahil sigurado namang mawawala rin siya at maiiwang mag-isa si Eunice. Ayaw niyang gawing biyuda ang babaeng minamahal.

Mahal na mahal ni Eunice ang binata kaya kahit na alam niyang iyon ang mangyayari ay gusto niya pa ring ituloy ang kasal. Napapayag niya naman ang binata, ngunit sa huli ay hindi rin kinaya ng katawan ni Joseph kaya hindi natuloy ang kasal.

Dalawang taon na ang nakararaan ngunit parang kahapon lang nangyari ang lahat. Sariwa pa rin ang sugat na kaniyang natamo sa pagkawala ng minamahal. Para bang hindi niya pa rin matanggap na wala na talaga si Joseph at kahit kailan ay hindi na babalik pa.

May mga nagtangkang manligaw rin naman sa kaniya at sinubukang gamutin ang kaniyang sugatang puso, ngunit ni isa sa kanila ay walang nagtagumpay. Tila nanlamig na ata ang puso ng dalaga at tuluyan nang sumama kay Joseph sa kabilang buhay.

Ngunit isang araw ay may bigla na lamang dumating sa buhay ng dalaga na labis na nakakuha ng kaniyang atensyon, si Eric. Bagong salta lamang ang binata sa kanilang lugar. Naging katrabaho niya ito at hindi niya mawari kung bakit tila ba nakikita niya ang yumaong nobyo sa binata.

Gaya ni Joseph ay napakabait din Eric. Pati sa paraan ng kaniyang pagsasalita at pagkilos ay parang si Joseph talaga ang binata.

“Hi, ako nga pala si Eric. Matagal na kitang napapansin dito pero parang hindi ka mahilig makipag-usap masyado ‘no?” pahayag ng lalaki ng magkasalubong sila isang hapon sa opisina.

Advertisement

“Ha? Pasensiya na. Hindi kasi ako masyadong palakaibigan. Ako nga pala si Eunice. Welcome sa company,” paghingi niya ng paumanhin dito.

“Ganun ba? Pwede ba kitang maging kaibigan kung gano’n? Siguro naman okay lang madagdagan ng isa pa ang mga kaibigan mo.” Napangiti naman siya sa biro ng binate. Wala naman sigurong masama kung makikipagkaibigan siya sa binata, tutal ay gusto niya rin naman itong lubusang makilala.

Mabilis na lumipas ang mga araw at mas naging malapit sa isa’t isa sina Eunice at Eric. Napagtanto niyang hindi naman pala ganun kalaki ang pagkakapareho ng binata sa yumao niyang kasintahang si Joseph. Pareho lamang sila ng iilang pag-uugali, paraan ng pagsasalita at kung kumilos. Pero napakarami pa rin nilang pagkakaiba, katulad na lang ng mga paboritong bagay, pagkain at pangarap.

Gayunpaman, hindi pa rin maiwasan ni Eunice na makita si Joseph sa binata. Dumating ang araw na nagtapat ng kaniyang pag-ibig si Eric sa kaniya. Gulong-gulo ang dalaga. Alam niyang mahal niya na rin ang binata, ngunit hindi niya alam kung mahal niya ba talaga ito dahil sa sariling pagkatao o mahal niya lamang ito dahil nakikita niya sa binata ang kaniyang unang pag-ibig na labis niyang minahal.

“Alam kong nakikita mo lang sa’kin ang dati mong pag-ibig kaya nakuha ko ang iyong interes, pero umaasa ako na kahit paano ay may nararamdaman kang totoo para sa’kin. Mahal na mahal kita Eunice, at handa akong tanggapin ka kahit hindi mo pa man tuluyang nakakalimutan ang iyong unang pag-ibig. Tanggap kong panghabambuhay na siyang may puwang sa puso mo. Ayos lang sa akin iyon basta bang ipangako mong mananatili ka sa aking tabi habambuhay. Bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan iyon,” puno ng sinseridad na pahayag ng binata sa kaniya.

Naluha naman siya dahil nararamdaman niya ang labis na pagmamahal nito para sa kaniya. Siguro nga ay oras na para buksan niya ng muli ang puso niya sa pagmamahal.

Binigyan niya ng pagkakataon si Eric, habang tumatagal ay mas napapatunayan niya ang wagas na pagmamahal ng binata sa kaniya.

Napag-alaman niya rin na nakuha pala ni Eric ang puso ni Joseph noong operahan siya. Si Joseph pala ang naging heart donor ng binata. Isa siguro ito sa rason kung bakit nakikita niya ang dating kasintahan sa binata.

Advertisement

Tuluyan na ring nahulog ang kaniyang loob sa binata. Maging si Eric o Joseph man, pareho niyang minahal ang dalawang lalaki. Ngunit sa ngayon ay si Eric ang nasa kaniyang harapan at patuloy siyang minamahal.

Tumagal ng tatlong taon ang kanilang relasyon bago tuluyang lumagay sa tahimik. Masaya silang namuhay kasama ang kanilang mga supling at patuloy na pinapatunayan sa isa’t isa ang kanilang wagas na pagmamahal.