Palaboy sa Lansangan ang Binatang Ito at Inampon ng Isang Mayamang Lalaki; Ngunit Bakit Kaya Pagrerebelde ang Kaniyang Isinukli?

Palaboy sa Lansangan ang Binatang Ito at Inampon ng Isang Mayamang Lalaki; Ngunit Bakit Kaya Pagrerebelde ang Kaniyang Isinukli?

FamilyHeartbreakingStories

“Palaboy siya noon, pero tingnan mo naman, ang kisig at ang gwapo gwapo na niyang anak ko!” pagmamalaki ni Jerry sa kaniyang mga bisita habang nasa hapag. Ngiti naman ang tugon dito ni Marco upang ipakita ang pasasalamat sa umampon sa kaniya. Nalalapit na ang kaarawan niya kung saan tutungtong na siya sa hustong edad at mawawalan na ng bisa ang dokumento na nagsasaad na si Jerry ang kaniyang legal na magulang.

Walang asawa ito pati mga anak. Kung kaya naman sila lamang ang magkatuwang sa buhay. Subalit hindi tulad ng mga nasa palabas, hindi kailanman naramdaman ni Marco na anak nga ang turing sa kaniya ng kaniyang tatay-tatayan. Kung ikukumpara, para sa kaniya ay mas payapa ang buhay niya noong siya ay nasa lansangan at palaboy-laboy lamang. Dahil noon, lamig at gutom lang ang kalaban niya, ngayon, pambubugbog, mga masasakit na salita at panghahal*y sa kaniya ni Jerry.

“Marco! Marco! Sino may sabing pinayagan kitang mag-aral sa Maynila? Hindi pwede! Dito ka lang sa malapit! Hindi ka aalis sa bahay na ‘to!” pagwawala ni Jerry matapos mabasa ang e-mail ng isang eskwelahan kung saan natanggap daw si Marco upang pumasok sa kolehiyo.

Walang imik ang binata. Nakatungo itong nangingilid ang mga luha sa kaniyang mga mata. Wala siyang magawa kundi sundin ang nais ng amang nagbihis at nagpalaki sa kaniya. Kahit masama sa loob, isusubo niya ang lahat ng mga ito dahil may plano na siyang gawin kapag dumating na ang panahong malaya na siya.

Dumating na ang araw ng kaniyang hinihintay. Nawalan na ng bisa ang dokumento na hawak ni Jerry at sa tingin niya ay pagkakataon na ito upang lumaya sa kamay ng kaniyang malupit na naging ama.

Nang gabi rin na iyon, kinuha ni Marco lahat ng mga mamahalin at mga gamit na mayroon siya na bigay rin ng kaniyang ama. Sa kalagitnaan ng malalim na gabi, dahan-dahang lumabas si Marco ng bahay, tumakbo, sumakay ng sasakyan hanggang sa tuluyan na nga siyang lumayo sa piling ng kinagisnang ama.

Sa Maynila, tinuloy niya ang mag-aral sa kolehiyo na pinili niya. Bayad na kasi ang tuition niya doon gamit ang pera ng ama. Umupa siya ng matutuluyan at nagkaroon ng isang normal na buhay. Nagkaroon siya ng mga kaibigan na dinala siya sa maling landas.

Kasabay ng kaniyang pag-aaral sa Maynila, kaniyang paglayo mula sa ama, ay ang paglayo rin niya sa kaniyang sarili. Natuto at nalulong si Marco sa masamang bisyo. Hindi na rin siya nakakapasok sa klase dahil panay ang sama niya sa mga barkada.

Isang umaga, lasing na lasing pa rin siya dahil umaga na rin siya nakauwi sa kaniyang tinutuluyan. Isang bangungot ang tumambad sa kaniya nang makita ang mukha ni Jerry doon. Nakaramdam siyang muli ng takot ng mga oras na iyon. Dahil sa panlalambot, hindi na niya naisip na tumakbo o tumakas pang muli. Kusa siyang sumama sa ama pauwi sa kanilang bahay.

Nagising si Marco na nasa silid na siya ng kanilang bahay. Sarado ang pinto at hindi siya makalabas. Pilit niya itong hinahampas nang malakas upang bumukas ito subalit bigo siyang magawa iyon. Maya-maya pa ay nagbukas ito ng kusa at pumasok sa silid ang kaniyang ama na si Jerry. May hawak itong patpat na parati niyang ipinapalo kay Marco simula pagkabata nito. Hawak niya rin ito sa tuwing pinagsasamantalahan siya nito.

“Wala kang utang na loob! Pinakain kita! Dinampot kita sa basurahan! Binihisan kita! Tapos ano? Lalayasan mo ‘ko?!”sa bawat salita, kasabay nito ay ang malakas na hagupit sa katawan ng binatang si Marco.

Nang lalapit na ito sa binata, batid ni Marco na gagawin na naman ito sa kaniya ng ama. Ayaw na niya, ayaw na niyang muling maranasan iyon. Gusto na niyang makalayo hindi lamang sa taong ito, kundi sa bangungot na dinala ng taong ito sa kaniya.

Nilakasan ni Marco ang kaniyang loob. Tumayo siya gamit ang natitirang lakas na mayroon siya at dinampot ang gunting sa may lamesa malapit sa kaniyang kama. Puno ng luha ang binata. Takot at nanginginig habang hinaharap ang taong sumira ng kaniyang buhay.

“’Wag ka lalapit. ‘Wag ka po lalapit. Please!” sigaw naman ng binata sa kaniyang ama na dahan-dahang lumalapit.

“Hindi mo kayang gawin ‘yan, ‘nak. Kilala kita… Ako’ng nagpalaki sayo ‘di ba?” tugon nito habang isang dipa na lamang ang agwat.

Subalit nang makalapit pa siya sa binata, agad tumurok ang matulis na guntin sa kaniyang leeg. Patuloy itong ginawa ni Marco habang umiiyak at sumisigaw sa gigil.

Pagkalipas lamang, natagpuan na tulala ang binata sa sulok ng kaniyang silid. Hindi ito makausap at nakatingin lamang sa kawalan. Tuluyan na ngang nawalan ng buhay si Jerry at nang maimbestigahan, lumabas ang totoo na pinrotektahan lamang ni Marco ang sarili.

Nakalaya nga nang tuluyan si Marco sa bangungot na dinala ng kaniyang tatay-tatayan, handa siyang magsimula muli gamit ang kayamanan na ipinamana sa kaniya ng namayapang ama.

More Stories