Hambalos at Kurot ang Abot ng Bata sa Inang Maikli ang Pasensiya sa Pagtuturo; Nakapanlulumong Pangyayari Pala ang Dulot Nito

Hambalos at Kurot ang Abot ng Bata sa Inang Maikli ang Pasensiya sa Pagtuturo; Nakapanlulumong Pangyayari Pala ang Dulot Nito

FamilyHeartbreakingStories

“Oh! Anak ka ng—sabing dito ka magsusulat! Kahina-hina ng kukote mo talaga, naku!”

Umagang-umaga ay rinig ang malakas na bulyaw ni Nelia sa walong taong gulang na anak na si Bonji. Sinundan ang bulyaw ng galabog at pagpalahaw ni Bonji mismo. Paano’y nakatikim na naman ito ng malutong na kotong at kurot sa singit nang magkamali sa pagsulat ng pangalan.

“Ilang beses ko na ginawa ‘di mo pa rin kaya?! Ha? Kanino ka ba nagmanang inutil ka?! Walong taon ka na!” sunod-sunod na palo at pag-iyak ni Bonji ang maririnig sa bahay nina Nelia. Sakto namang pagdating ng mister nitong si Roldan.

Madalas pagod mula sa trabaho ang mister kaya pagdating sa bahay ay pagod na’t ‘di na nakikialam sa mag-ina. Ngunit nang maabutan ang pagbubuhat-kamay ng asawa ay hindi na ito nakapagtimpi.

“Makahampas ka naman sa bata, Nelia! Baka imbes na matututo’y mam*tay na iyang anak mo ha!” sabi ng lalaki.

Dati’y wala namang pakialam ang mag-asawa sa pag-aaral ng anak. Parehong may trabaho kasi ang mga ito, dahilan din kung bakit walang umasikaso sa pag-aaral ni Bonji. Nagpatigil-tigil din ito sa pagpasok dahil walang nag-aasikaso noong nasa abroad pa si Nelia. Nang makauwi si Nelia ay doon lang niya natutukan ang pag-eeskwela ng anak.

Nagsimulang i-tutor ni Nelia si Bonji nang marinig ang mga kapitbahay na nagyayabangan sa grado ng mga anak ng mga ito sa eskwela. Gustong makasabay ni Nelia kaya ngayo’y siya mismo ang tumututok sa pag-aaral ng anak. Ngunit dahil maikli ang pasensiya ay puro bugbog ang inaabot ni Bonji rito.

Gabi-gabi ay ganoon ang eksena sa bahay nila. Si Bonji ay pumapalahaw dahil sa dagok ng ina, habang ratatat ang bunganga ni Nelia. Napadaan ang mga batang kasing-edad ni Bonji sa kanila at maririnig ang mga tukso ng mga ito.

“Tingnan mo si Bonji hirap na hirap! Wala nga kasing alam ‘yan sabi ng nanay niya eh!” tawanan ng mga ito. Bulyaw lang din ang sagot ni Nelia upang itaboy ang mga ito. Napayuko na lang si Bonji at napaiyak.

“Mama.. a-ayoko na po mag-aral… masakit na po ang ulo ko,” isang gabi ay nanginginig na sabi ni Bonji.

“Ay naku, Bonji, tigil-tigilan mo ako ha, mas sumasakit ang ulo ko kakaturo sa’yo ‘no! Hindi ka ba nahihiya sa labas na ikaw lang ang ‘di pa marunong magsulat?” bulyaw pa ni Nelia sa anak na may kasama na namang batok.

Makalipas ang ilang araw ay ganoon pa rin ang mag-ina. Habang nagluluto ng hapunan si Nelia sa kusina ay narinig niya ang anak na nasa sala.

“Ma… ang sakit na po ng ulo ko, inaantok na po ako…” sabi ni Bonji. Dahil sa inis ay inilagabog ni Nelia ang takip ng kaldero sabay hawak sa sandok na planong ihampas sa anak. Nagulat siya nang madatnan niya ang walong taong gulang na anak na nakahandusay sa sahig. Akala niya’y nagtutulog-tulugan lamang ito ngunit tuluyang nataranta si Nelia nang kahit anong yugyug niya ay hindi ito magising at putlang-putla pa ang labi.

Nagsisisigaw ang ginang at nanghingi ng tulong sa mga kapitbahay. Mabilis na naisugod sa ospital ang kawawang bata, kasunod pati na ang amang si Roldan na kararating lamang mula sa trabaho. Iyak nang iyak si Nelia dahil sa pag-aalala at pagkabigla.

Ayon sa doktor, mayroon daw palang maliit na tumor sa utak ng bata. Dahilan ito kaya mabagal din itong makaintindi. Gayundin, napalala ang sitwasyon dahil madalas naaalog sa dagok at kutos ang utak nito. Tila ba nabugbog ang ulo nito kaya tuluyan itong nawalan ng malay.

Labis na hinagpis at pagsisisi ang naramdaman ng mag-asawa, lalo na ni Nelia dahil sa sinapit ng anak. Paano niya nagawang pagmalupitan ng ganoon ang anak? Akala niya ay pagdidisiplina ang ginagawa niyang pagbubuhat ng kamay ngunit nakasasama pala ang paggawa niya noon ng sobra sa kalusugan nito.

Galit man si Roldan sa asawa dahil sa sinapit ng anak ay pinilit niyang huwag itong sisihin sa nangyari. Imbes ay inalalayan niya ito sa mahirap na pinagdaraanan nito.

Sa wakas ay dumilat din ang mga mata ni Bonji matapos sumailalim sa operasyon. Todo alaga ang mga magulang nito dito. Si Nelia ay todo iyak habang halos ayaw hawakan ang anak.

“Anak ko, Bonji…” iyak nito. “Patawarin mo si mama sa ginawa ko, a-anak. Sobrang paghihirap ang naranasan mo dahil sa sobrang ikli ng pasensiya ko. Patawad, anak…” sabi nito sabay maingat na niyakap ang bata na gayundin ay iyak nang iyak dahil sa takot.

Totoong pagsisisi ang ipinakita ni Nelia sa kaniyang mga kilos. Matapos ang masamang pangyayari ay naging mas maalaga ito sa kaniyang mag-ama. Bihira na itong sumigaw at hindi na rin nanghahampas o nandadagok. Kaunting nararamdaman lang sa pamilya ay natuto itong mag-alala, hindi tulad noon na bulyaw lang ang sagot nito.

Nagpasya ang mag-asawang ipaubaya sa isang mahusay na tutor ang anak, dahilan para madali rin itong matuto. Nakahabol na sa mga ka-edad nito sa eskwela si Bonji, ngunit mas natutuwa si Neliang makita na malusog na ito ngayon. Tunay ngang ang malupit na pangyayari pa ang nagdala sa kanila na matutong tratuhin ang bawat isa ng may pagmamahal at kalinga.

More Stories