Iniligtas ng Lalaki ang Ama ng Binata sa Kapahamakan; ‘Di Niya Inasahan na Siya Naman ang Ililigtas ng Binata Pagkalipas ng Sampung Taon

Iniligtas ng Lalaki ang Ama ng Binata sa Kapahamakan; ‘Di Niya Inasahan na Siya Naman ang Ililigtas ng Binata Pagkalipas ng Sampung Taon

InspiringStoriesSuccess

“Tulong, tulungan niyo ako!”

Pilit na hinahanap ni Paeng ang fire exit ngunit maitim at makapal na usok na nanggagaling sa nagliliyab na apoy ang nakaharang sa kaniyang daraanan. Nahihirapan na rin siyang huminga dahil sa usok na nalalanghap niya.

‘Di inaasahan na biglang nagkaroon ng sunog sa pinagtatrabahuhan niyang pabrika at nahihirapan siyang makalabas sa nasusunog na gusali. Ang ibang trabahador ay nailigtas na ng mga bumbero ngunit siya ay naiwan pa sa loob.

“Kayo na po ang bahala sa akin, Panginoon,” bulong ni Paeng sa sarili habang taimtim na nagdarasal.

Isang boses ang narinig niyang tumawag sa kaniyang pangalan.

“Paeng, Paeng? Nasaan ka, Paeng?” sigaw ng isang lalaki.

“S-si Ranilo ‘yon, ah. R-Ranilo, Ranilo, nandito ako, tulungan mo ako!” sigaw ni Paeng kahit kinakapos na nang hininga.

Agad na nakita ng lalaki ang nanghihinang si Paeng. Inalalayan siya nitong makatayo at maingat nilang tinungo ang fire exit hanggang sa nakalabas na sila sa nasusunog na gusali. Nawalan naman ng malay si Paeng kaya tumulong na rin ang kasamahan niyang si Ranilo na maisugod siya sa ospital para lapatan ng paunang lunas.

Nang imulat ni Paeng ang mga mata ay nakita niya ang sarili na nasa loob ng isang pribadong kwarto.

“Nasaan ako?” sambit niya saka hinimas ang magkabilang sentido dahil medyo kumikirot pa iyon.

Bumungad sa kaniya ang anak na lalaki.

“Papa, papa, ligtas ka na, papa. Narito ka sa ospital,” wika ng anak niyang si Carlo.

Saglit na pumikit si Paeng at inalala ang mga nangyari.

“O-oo, naaalala ko na. Iniligtas ako ni Ranilo. Nasaan siya, anak? Gusto ko siyang makita para makapagpasalamat ako sa kaniya.”

“Siya po ba ‘yung kasama niyo raw po sa trabaho? Kakaalis lang po niya, papa. Kasama po siya nang dalhin kayo rito. Siya rin po ang nagbayad sa ospital. Sabi niya ay wala na raw po kayong dapat na alalahanin,” sagot ng binata.

“Napakabuti ni Ranilo. Hindi niya ininda ang sakit niya sa puso at nagawa pa niya akong mailigtas. Sana ay naabutan ko man lang siya para mapasalamatan sa ginawa niyang pagtulong sa akin.”

“Ang bait po pala niya, papa. Huwag po kayong mag-alala. Makakabawi rin tayo sa kaniya.”

Ang totoo’y mas matagal nang trabahador si Ranilo sa pabrika kaysa kay Paeng. Ilang taon na lang at magreretiro na rin ang lalaki ngunit kahit kailan ay hindi sila nagkaroon ng tiyansa na magkalapit o maging magkaibigan dahil bihira lamang silang magkita sa trabaho. Palagi kasing nasa labas ang lalaki dahil ito ang company driver sa pinapasukan nilang pabrika kaya bihira niya itong makausap, pero magkakilala naman sila at nagbabatian kapag nagkakaroon ng okasyon o kasiyahan sa kanilang opisina.

Sampung taon ang mabilis na lumipas. Hindi na pinagtrabaho ni Carlo ang amang si Paeng sa pabrika. Dahil kumikita na ay binigyan na lamang niya ng perang kapital ang ama na ginamit naman nito sa pagtatayo ng maliit na negosyo.

Maaga sanang uuwi nang araw na iyon si Carlo dahil kaarawan ng kaniyang ama ngunit tinawag siya ng isang nurse at may pasiyente raw na dinala sa operating room.

“Dok, kailangan pong operahan agad ‘yung matandang lalaking pasyente,” nagmamadaling sabi ng babaeng nurse.

Naisip ni Carlo na dapat muna niyang gampanan ang tawag ng tungkulin kaya nagmamadali niyang inihanda ang sarili at pumasok sa loob ng operating room. Laking gulat niya nang makita kung sino ang matandang lalaking pasyente na ooperahan niya. Hindi siya maaaring magkamali, kilalang-kilala niya ang lalaking iyon na nag-aagaw buhay. Iyon ay walang iba kundi si Ranilo. Ang dating katrabaho ng kaniyang ama at ang taong nagligtas sa buhay nito.

“M-Mang Ranilo?!”

Hindi na siya nagdalawang-isip at isinagawa agad ang operasyon nito sa puso. Naging matagumpay naman ang operasyon kay Ranilo at maayos itong nakalabas sa ospital. Labis ang pasasalamat ng lalaki at ng pamilya nito kay Carlo dahil ginawa ng binata ang lahat upang maisalba ang buhay nito. Hindi na rin nagpabayad si Carlo sa naging serbisyo niya. Nagpaabot din siya ng tulong pinansyal para sa mga gamot na kailangang bilhin para kay Ranilo.

Para sa binata ay iyon ang pagtanaw niya ng utang na loob kay Ranilo sa ginawa nitong pagliligtas noon sa kaniyang ama. Masaya naman si Paeng nang malaman ang ginawa ng anak.

“Ipinagmamalaki kita, anak,” sambit ng ama.

“Ginawa ko lang po ang tungkulin ko bilang doktor, ang magligtas ng buhay ng taong nangangailangan. Mas espesyal nga lang po dahil ang aking iniligtas ay ang taong tumulong sa inyo noon. Habang buhay po akong magpapasalamat kay Mang Ranilo dahil hanggang ngayon ay kasama ko pa rin kayo, papa,” sagot ni Carlo sabay yakap nang mahigpit sa ama.

Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay may katumbas na biyaya dahil ang pagtulong sa mga taong nangangailangan ay tiyak na babalik sa anumang paraan.

More Stories