
Pinilit ng Dalaga ang mga Magulang na Magbakasyon Dahil sa Inggit; Isa Pala Itong Malaking Pagkakamali
“Grabe nga ‘yung dagat doon, sis! Sobrang ganda. Kita niyo naman yata sa posts ko, ‘di ba?”
“Oo! Kita ko nga ‘yon, girl. Iyong akin ba nakita ninyo? Ang ganda ‘di ba?!”
Pagmamayabang ng mga kaklase ni Nita habang siya naman ay tahimik na nakaupo sa isang tabi. Kunwari ay hindi niya naririnig ang pag-uusap ng mga ito.
“Eh, ikaw ba, Nita? Saan kayo pumunta noong bakasyon? Bakit wala ka atang posts?” tanong ng isa sa kaniyang mga kaklase.
“Siguro wala kayong pera kaya wala kayong pinuntahan ‘no?” tatawa-tawang pangungutya ng isa pa niyang kaklase.
“Hindi ah! Busy lang mga magulang ko sa tindahan. Pero, sa susunod na buwan aalis daw kami sabi sa akin ni mama. Sikreto lang natin, ha? Magugulat kayo kung saan kami pupunta!” pagmamayabang na tugon naman ni Nita sa mga ito pagkatapos ay agad na lumabas.
Pagkauwi ay agad na nagtungo si Nita sa likod ng kanilang bahay kung saan naroon ang kaniyang mga magulang na abala sa pag-aayos ng mga gulay na kanilang tinitinda sa palengke.
“Oh, anak, nandito ka na pala. Ang aga mo yata?” malambing na tono ang sumalubong sa nakasimangot na Nita.
“Wala kasi kaming klase sa huling subject, ‘ma. Ahm.. ‘Ma, sabi mo ‘di ba pupunta tayo sa magandang beach sa susunod na buwan? “yong pinakita ko sa’yong litrato?” maligalig na tanong ni Nita sa kaniyang ina.
“’Nak, alam mo namang hindi ganoon kalaki ang benta namin ngayong buwan. Bakit mo pa-“ tugon sana ng kaniyang ina ngunit mabilis niya itong pinutol.
“Hindi pwede! Sabi mo aalis tayo! Matuto kayong tumupad sa sinasabi ninyo!” pagmamaktol ng dalaga at mabilis na umakyat sa kaniyang silid.
Alam ni Nita na hindi naman talaga posible ang kaniyang hinihiling sa mga magulang dahil sapat lamang ang kanilang kita. Ngunit sa bawat buwan na lamang kasi na mayroon siyang hinihiling, nangangako ang kaniyang mga magulang subalit wala pa ni-isa ang natutupad. Kahit na bagong selpon at kompyuter, bigo siyang matanggap kahit pa nangako na ang mga ito.
Nagdaan ang mga araw at ilang linggo na malamig ang pakikitungo ni Nita sa kaniyang mga magulang. Sa bawat araw din, hinahanda na niya ang sarili dahil malapit na siyang mapahiya mula sa mga salitang binitawan niya na sila raw ay magbabakasiyon. Hindi na sana niya ito ipinagmayabang pa sa mga eskwela dahil alam naman niyang malabo itong mangyari.
Isang hapon, mabilis siyang pumasok ng bahay at aakyat na sana sa kaniyang silid nang wala man lang ni-ho ni-ha sa mga magulang.
“Anak, halika dito, may sasabihin kami ng papa mo,” wika ng kaniyang ina. Nang marinig ito, nakayuko siyang umupo sa sofa kung saan naroon din ang kaniyang mga magulang.
“Pupunta tayo sa isang resort sa susunod na linggo!” masayang balita ng kaniyang ina. Nang marinig ito ni Nita, abot tenga ang kaniyang ngiti sa tuwa.
“Yey! Salamat, ‘ma! Salamat, ‘pa! I love you!” nag-uumapaw na pasasalamat at tuwa ang kaniyang ibinalik sa mga magulang at agad siyang umakyat para magbihis.
Nagpasiya ang kaniyang mga magulang na humiram muna ng pera upang makapagbakasyon ang buong pamilya. Kapalit man nito ang ilang buwan na pagkayod, titiisin nila ang hirap at pagod upang mapasaya lamang ang kanilang anak.
Walang araw naman na hindi nagyabang si Nita sa kaniyang eskwelahan. Patuloy ang kaniyang pagbili ng mga magagandang damit upang suotin sa kanilang bakasiyon.
Dumating ang araw ng kanilang pag-alis. Hindi pa man sumisikat ang araw, buhay na buhay na ang dugo ni Nita. Maaga siyang tumulong sa mga magulang sa pagluluto ng mga pagkain at mga gamit na dadalhin. Wala nang ibang nasa isip ni Nita kundi ang magandang dagat na kanilang destinasyon!
Habang nasa eroplano, sa unang pagkakataon ay nakita ni Nita ang ganda ng karagatan na kaniyang sinisilip mula sa bintana. Hindi na siya makapaghintay na lumangoy dito at kumuha ng mga magagandang litrato!
“Magandang hapon sa lahat, nandito na po tayo sa ating destinasyon,” wika ng babae sa eroplano bilang hudyat na malapit na ang kanilang pagbaba sa lupa.
Ilang sandali lamang, bigla na lamang nagdilim ang langit. Kitang-kita ng dalawang mga mata ni Nita at ng ibang mga pasahero ang malakas na kidlat na tumama sa gilid ng sinasakyan nilang eroplano. Hindi pa nagtagal at nagsitayuan na ang mga pasahero nang maramdaman na lumiliyab na ang gilid na bahagi ng eroplano. Lahat ay nagsisigawan, lahat ay nagmamadaling makababa. Subalit isang malakas na pagsabog ang huling narinig ni Nita at tuluyan na siyang nawalan ng malay.
Sa kaniyang pagmulat ng mata, masakit man ang ulo ngunit agad niyang hinanap ang mga magulang mula sa magulong mga tao na nagkumpulan sa ospital. Ilang minuto rin ang kaniyang inilaan ngunit kahit na anong hanap niya, bigo siyang makita ang mga ito.
Hanggang sa umupo siya sa labas ng isang silid at nakita niya ang mga doktor na inilalabas ang katawan ng isang babae na kaniyang nakilala dahil sa singsing nito. Lubos ang kaniyang dalamhati nang malaman na hindi nakaligtas sa pagsabog ang kaniyang mga magulang.
Labis ang pagsisisi ng dalaga sa pagpupumilit sa mga ito. Kung hindi sana siya humiling ng higit pa sa kaya ng mga magulang, marahil sana ay buhay pa ang mga ito at kapiling niya.
Sinundo si Nita ng kaniyang mga kamag-anak. Habang nasa eroplano, lumuluha siyang nakatitig sa karagatan mula sa kaniyang bintana. Hinihiling na sana ay maibalik pa niya ang panahon at oras na wala siyang ibang nais kundi ang makasama muli ang mga mahal na magulang.