Inday TrendingInday Trending
Tinalikuran ng Dalaga ang Kaniyang Pag-ibig Dahil sa Isang Aksidente; Huli na Kaya ang Lahat Para sa Kaniya?

Tinalikuran ng Dalaga ang Kaniyang Pag-ibig Dahil sa Isang Aksidente; Huli na Kaya ang Lahat Para sa Kaniya?

“Chel, sorry na kung hindi kita agad nireplyan sa mga text at tawag mo. Ginagawa ko kasi yung assignment ko sa English at Math eh,” paliwanag ni Vico.

“Hmp, talaga ba?” pag-usisa ni Chel.

“Oo naman, mahal. Saka wala na akong ibang pinagkakaabalahan pa,” sagot ni Vico.

“Chel, ikaw lang ang bukod tanging babae sa buhay ko. Bukod sa nanay, tita, at pinsan ko s’yempre,” nakangising dagdag na paliwanag ni Vico.

“Hmp! Bola!” sambit naman ni Chel.

Si Vico at Chel ay ilan sa mga binata at dalagang mahal na mahal ang isa’t isa na kung minsan ay humahantong din sa away. Isang araw, naitanong ni Chel kay Vico, “Gaano mo ako kamahal?” Ngunit matamis na ngiti at yakap ang naging tugon ni Vico sa tanong niyang ito.

Lumipas ang sampung taon, nakapagtapos na rin sila sa pag-aaral subalit si Vico ay nais ipagpatuloy ang pangingibang bansa para sa magandang oportunidad. Sa kanilang banda, si Chel ay nanatili sa kanilang probinsya at hindi na tumutol pa sa naging desiyon ng binata. Sinuportahan niya na lang ito sa kadahilanang matagal na rin nila itong pinag-usapan.

“Ah, Chel, alam mo namang hindi ako magaling sa mabulaklak na salita pero ang alam ko lang ay mahal kita. Asahan mong pasasayahin at aalagaan kita hanggang sa pumuti ang buhok na’ting dalawa. Sa ngayon, pagpasensyahan mo na talaga at maghihiwalay tayo nang sandaling panahon. Alam mo namang para rin ito sa magandang kinabukasan na’ting dalawa,” buong pagpapaliwanag ni Vico sabay ngiti na puno ng sinseridad.

Matapos masaksihan ang pag-iibigan nilang dalawa noon at hanggang ngayon ay pinahintulutan na rin ng kanilang mga magulang ang pagpapakasal nila sa oras na matapos din ang pangingibang bansa ni Vico ng apat na taon.

Habang papauwi si Chel galing sa trabaho ay isang malagim na aksidente ang nangyari. Bumangga ang minamanehong kotse at kritikal ang kaniyang naging kondisyon.

“Doc, kumusta ho anak ko?” rinig kong tanong ni mama na ngayon ay katabi sa hospital bed.

“Maaari ko po ba kayong makausap nang masinsinan?” tanong ng doktor.

Sa oras na iyon, maging ang doktor ay ayaw iparinig sa pasyenteng nakaratay ang masamang balita niya. Napansin na lamang ni Chel na may kung anong x-ray pang pinapakita at ipinaliwanag ang doktor sa magulang nito na sa huli ay hindi na niya naintindihan pa dahil ang mga talukap sa mga mata ni Chel ay naging mabigat na.

Pagkagising na pagkagising ni Chel ay lubos na ipinaliwanag ng kaniyang ina ang kaniyang kalagayan, ang aksidenteng humantong sa pagkawala ng kaniyang boses. Ang unang pumasok sa kaniyang isipan ay si Vico, ang mapapangasawa niya.

“Bakit nangyari sa akin ito?!!” tanong ni Chel sa kaniyang sarili kasabay ang paghagulgol.

Sa takot ni Chel na sa huli ay hihiwalayan rin siya ni Vico buhat sa naging kalagayan niyang ito, walang pagdadalawang-isip na binalik niya ang singsing. Hindi niya na rin muling sinagot pa ang mga naging text at tawag nito na humihingi ng eksplanasyon. Ang tanging nagawa na lamang niya mula araw hanggang gabi ay ang umiyak nang umiyak dahil sa nangyari.

Isang taon matapos ang aksidente ni Chel, ang kaniyang magulang ay lumisan sa lugar kung saan nagsimula ang pag-iibigan nila ni Vico. Kanilang napagdesisyunang manirahan sa Maynila, umaasang makalimot sa lahat ng nangyari at maging masaya muli. Araw ng Sabado ay siyang pagbisita ng kaniyang nakababatang kapatid na si Nica mula sa probinsya nito.

“Ate kumusta ka na? Na-miss kita!” buong galak na tanong ni Nica kasabay ang mahigpit na yakap nito. Sign language lang ang gamit nilang dalawa dahil nga wala nang kakayahang magsalita pa si Chel.

“Ayos lang naman ako, Nica. Ikaw, kumusta ang negosyo sa probinsiya?”

“Naku! Mabuti! Buti rin nga at pinagbigyan pa ako ng pagkakataon ni papa para magbakasyon e!” sagot ni Nica.

“Kung ‘di sana ako naaksidente, makakatulong sana ako sa’yo,” pahayag ni Chel, bakas ang lungkot sa mukha.

“Ate! Ano ka ba? Wala iyon! Para ka namang others! Saka may kinikita naman akong pambili ng luho ko,” pilyang sagot ni Nica.

“Ah… ate, ipinapaabot pala ni Vico” pag-iiba ng usapan ni Nica. Dahan-dahan namang inabot ni Nica kay Chel ang invitation card para sa nalalapit na kasal ni Vico.

Nang hawakan palang ni Chel ang invitation card ay napaupo at napahagulgol na lamang siya sa kaniyang natuklasan. Muli niyang naalala ang pagmamahalan nila ni Vico ngunit ng dahil lamang sa aksidente ay gumuho ang mundo niya. Nawasak muli ang puso niya ng milyong beses sa pagkakataong ito sapagkat ang lalaking minahal at pinagkatiwalaan niya ng buong-buo, ngayon ay ikakasal na sa iba.

Subalit nang muling matapos basahin ni Chel ang invitation card, laking pagtataka niya bakit naka-ukit ang pangalan niya roon.

“You’re invited to the wedding of Vico and Chel…” basa niya muli dito.

Nang tatanungin niya ang nakababatang kapatid sa mga nangyayari ay napahawak muli siya sa kaniyang bibig upang tigilan ang hikbi at iyak sa tuwa ng ang lalaking mahal niya ay nasa harapan niya.

Ang maamo nitong mukha ay muli niyang nasilayan. Nakasuot pa ito ng magarang itim na tuxedo habang sinasabi ang mga salitang nais niyang marinig noon pa man.

Sign language niyang nilahad ang damdamin, “Chel, pinag-aralan kong maigi ang sign language para sabihing mahal na mahal kita” paluhang-luhang saad nito.

“Mula sa araw na ito Chel, sisimulan ko nang tuparin ang mga pangako ko sa iyo noon” dagdag na pahayag nito. Sumunod naman ang pagpasok ng buong pamilya at malalapit na kaibigan nila Vico at Chel.

“Chel, Will you marry me?” buong kaba na tanong ni Vico. Habang nakaluhod sa harapan ng buong pamilya at malalapit na kaibigan nila.

Tango ang naging sagot na lamang ni Chel sa tanong na iyon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari…

Kasabay ang pagsuot muli ng singsing ni Vico sa daliri ni Chel ay ang paggawad ng matamis na halik sa isa’t isa. Tanging pintig ng dalawang puso ang nangingibabaw na ingay kaysa hiyawan at palakpakan ng mga taong nasa paligid nila. Pawang sila lamang ang tao sa mundong ibabaw. Napapikit at laking pasasalamat na lamang si Chel sa Diyos sa mga nangyayari ngayon dahil sa kabila ng mga iyak at hirap niya sa pag-ibig noon, ngayon ay hindi maipaliwanag na kasiyahan ang kaniyang nararamdaman.

Tama nga na ang tunay na pag-ibig ay ‘di kailanman mabibigo!

Advertisement