Inday TrendingInday Trending
Matigas ang Puso ng Ama sa Anak na Mas Pinili ang Ina; Magkakaayos Pa Kaya Sila?

Matigas ang Puso ng Ama sa Anak na Mas Pinili ang Ina; Magkakaayos Pa Kaya Sila?

“Hon… parang ‘di mo naman ginalaw ang pagkain mo. Galit ka ba dahil inimbita ko sa hapunan ang anak mo?” tanong ni Gina sabay masahe sa balikat ng asawang si Marcel.

“Simula nang piliin niyang sumama sa ina niyang walang silbi ay pinutol niya na rin ang ugnayan namin bilang mag-ama,” matigas na sabi ni Marcel. Napabuntong hininga na lang si Gina.

Tatlong taon na simula nang pumanaw ang unang asawa ni Marcel na si Betty ngunit galit pa rin ang lalaki dito. Ang pagkakaalam niya sa kwento ay mayroon daw kasing ibang lalaki si Betty habang nasa abroad siya.

Nang malaman ito ng lalaki ay agad itong nakipaghiwalay. Hayskul pa noon ang nag-iisang anak ng mga ito na si Eliza at talagang malapit ito sa mga magulang. Kaya naman nang piliin ni Eliza na sumama sa ina kaysa kay Marcel ay nagalit ito. May bali-balita na may alam din si Eliza sa ginagawang kalokohan ng ina. Labis na nasaktan si Marcel sa pagtataksil ng mag-ina kaya naman kahit nang pumanaw si Betty dahil daw sa sakit ay ‘di man lang ito sumipot sa ospital o kahit sa libing. Dahil doon ay lumalim ang alitan sa pagitan ni Marcel at Eliza. Tatlong taon ang lumipas nang magtagpo sila ni Gina at bumuo ng sarili nilang pamilya.

Awang-awa si Gina kay Eliza dahil bata palang ay naulila na sa ina. Ilang beses niyang kinausap si Eliza at Marcel para magsama na lang sila sa iisang bubong ngunit kapwa may galit ang dalawa sa isa’t isa. ‘Di na malaman ni Gina kung paano pa mapag-aayos ang mga ito. Hanggang isang araw ay tadhana na ang gumawa ng paraan.

Isang hapon na lumabas silang mag-asawa para maghapunan ay nakita nila sa kaparehong restawran si Eliza. Mas nagulat sila sa kasama nito na hawak pa ang kamay nito, walang iba kundi ang lalaki raw ni Betty! Agad namula ang paningin ni Marcel nang makitang tila close na close ang dalawa. Agad siyang pumunta sa table ng mga ito at kinompronta ang anak.

“Ano sa tingin ninyo ang ginagawa niyo?! Eliza? Ano, kagaya ka na rin ba sa nanay mong kaladkarin?! At kabit niya pa ang napili mo!” bulyaw ni Marcel. Mabuti na lang at sila-sila lang ang tao doon ng mga oras na iyon. Sinubukang pigilan ni Gina ang dalawang lalaki ngunit nagpang-abot pa ang mga ito.

“Tama na nga! Hindi kabit ni mama si Kuya Angelo, kapatid ko siya!” sigaw ni Eliza na nakapagpatigil kay Marcel.

“A-anong sabi mo?” tigagal na tanong ng ama.

“Kapatid ko si Kuya Angelo! Hindi siya kabit ni mama, anak niya rin si Kuya Angelo sa pagkadalaga. Nagbuntis si mama noong kabataan niya bago pa kayo magkakilala. Pinaampon niya iyon dahil wala siyang maipambubuhay. Nang makilala ka niya at pakasalan mo siya, natakot siyang sabihin sa iyo ang parteng iyon ng buhay niya dahil natakot siyang baka iwanan mo siya. Natagpuan kami ni Kuya Angelo dahil siya ang naging doktor ni mama nang magkasakit siya nang malubha. Di mo alam ang lahat ng iyon dahil nasa abroad ka at nagtatrabaho! Hindi matiyempuhang sabihin sa iyo ni mama dahil nga lagi kang stressed at lubog sa trabaho. ‘Yung mga magagaling na kamag-anak mo ang bumuo ng chismis tungkol kay mama at Kuya Angelo. Ngunit imbes na pakinggan mo muna kami ay pinalayas mo kaagad siya! Mas mahalaga pa sa iyo ang reputasyon mo kaysa sa amin. Sinubukan ka naming kausapin ngunit matigas ka, sinarado mo kaagad ang puso mo sa amin. Kahit nang pumanaw si mama, ni hindi ka man lang nakasilip. Anong klaseng ama ka?!” tila sumabog na ang damdamin ni Eliza. Gulat na gulat naman si Gina at Marcel sa mga ipinagtapat ng dalaga. Bago pa man siya makahuma ay umalis na ang dalaga kasama si Angelo.

Lumipas ang tatlong araw na ‘di makatulog at makakain si Marcel dahil sa nangyari. ‘Di niya matawagan si Eliza at ‘di niya rin alam kung saan ito nakatira. Hanggang sa nagulat siya nang isang araw ay may ‘di inaasahang bisitang dumating.

“Angelo?” paniniguro ni Marcel.

“Naparito lang ho ako para sa kapatid ko. Galit siya sa inyo kaya ayaw niyang humingi ng tulong, ngunit bilang doktor niya, naisip kong dapat mong malaman bilang guardian niya na may malala siyang karamdaman, at kailangan niya ng agarang donasyon ng kidney,” sabi ni Angelo.

“K-karamdaman? Anong karamdaman?” lubos na pag-aalala ni Marcel.

“Mukhang namana niya kay mama ang sakit na ito,” iyon lang muna ang sinabi ni Angelo.

Walang pagdadalawang-isip na pumunta sa ospital si Marcel upang ibigay ang isa sa kaniyang kidney. Sa laki ng kasalanan niya sa anak at ina nito ay kahit puso ay kaya niyang ibigay mapatawad lang siya nito. Agad na naisagawa ang operasyon na nagsalba sa buhay ni Eliza ngunit pinili ni Marcel na huwag ipaalam na siya ang donor. Siya rin ang nag-alaga sa anak hanggang sa gumaling ito.

‘Di pa rin matanggap ni Eliza nang buo ang paghingi nito ng tawad, ngunit kinalaunan, ‘di tulad ng dati, ay mas naging maayos na ang kanilang relasyon.

Nagpasya si Marcel na unti-unting muling bubuuin ang nagkalamat na relasyon nilang mag-ama. Nanghihinayang man na maraming hinanakit pa ang kailangang mangyari para matutuhan niya ang leksyong iyon, nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos para sa ikalawang pagkakataong ipinagkaloob sa kaniya upang makabawi sa pinakamamahal niyang anak.

Advertisement