Inday TrendingInday Trending
Laglag ang Balikat ng Binata nang Ipahiya Siya sa Buong Klase ng Kaniyang Guro; Dapat ba Niyang Paniwalaan ang Masasakit na Sinabi Nito?

Laglag ang Balikat ng Binata nang Ipahiya Siya sa Buong Klase ng Kaniyang Guro; Dapat ba Niyang Paniwalaan ang Masasakit na Sinabi Nito?

Laglag ang dalawang balikat ng binatilyong si Mario habang naglalakad pauwi sa bahay nila. Ang lungkot-lungkot niya at pakiramdam niya’y gumuho ang buo niyang mundo kanina noong sinabihan siya ng kaniyang maestro na si Mr. Rodriguez ng b*bo at walang alam sa buhay, sa harapan pa mismo ng mga kaklase niya.

Gusto niyang umiyak at magmukmok, ngunit ayaw namang tumulo ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nahihiya siya at pakiramdam niya’y wala na siyang mukhang mahihirap bukas sa klase. Para tuloy gusto na lamang niyang huwag pumasok sa paaralan na paniguradong hindi naman siya papayagan ng kaniyang mama at papa.

“Oh! Mario, nariyan ka na pala, anak,” anang kaniyang ina, na abala sa kusina. “Magmeryenda ka na.”

“Salamat, ‘ma,” aniya saka nagmano at deretsong naglakad sa itaas, sa kaniyang silid.

Labis man na nagtaka ang kaniyang ina ay hindi na lamang nito pinansin ang anak na lalaki. Nagpatuloy ito sa ginagawa, upang matapos ang nilulutong meryenda.

Nagbibihis si Mario nang marinig niya ang katok sa may pintuan, inakala niyang ang mama niya lang iyon upang yayain siyang bumaba at kumain na ng meryenda, kaya pinagbuksan niya ito at nagulat sa hindi inaasahang panauhin.

“Kuya, laro tayo.”

Anang maliit na batang nakikiusap ang mga matang nakatingin sa kaniya. Gusto niyang bumusangot at singhalan ito pagkatapos ay paalisin at ibalibag pasara ang pintuan, ngunit agad ring nagbago ang isip nang mapagtantong wala namang nagawang kasalanan ang kaniyang bunsong kapatid na si Marian, kaya nararapat lang na hindi niya ito dapat idamay sa kaniyang galit.

“Kuya, dali na oh,” anito.

Ngumiti siya saka marahang tinanguan ang cute na kapatid saka pinapasok sa loob ng silid.

“Ano ang lalaruin natin, Marian?” tanong niya sa kapatid at tinabihan ito sa pag-upo.

Bago sumagot ay ikinalat na muna nito ang mga laruan sa sahig at saka itinuro ang mga iyon isa-isa.

“Ito po, kuya, laro tayo nito,” ani Marian. “Bili sa’kin ni mama kanina, sabi niya dapat daw alamin ko kung ano ang mga ito,” anito saka naghanap ng ituturo. “Ano ‘to?”

Inosenteng tanong ni Marian saka turo sa letrang A, na may nakasulat na salitang ‘apple’. Ngumiti si Mario at saka mahinahong sinagot si Marian kung paano bigkasin ang itinuro nito. Tulad ng inaasahan ay ginagaya naman nito kung ano ang sinasabi niya. At sa bawat letrang natututunan nito’y pumapalakpak ito at tuwang-tuwa, kaya natutuwa na rin siya sa pagtuturo rito, dagling nakalimutan ang iniisip na problema’t hinanakit kanina.

“Kuya, ang talino mo, kasi alam mo ang mga ito,” ani Marian.

Buong paghangang pahayag nito sa kaniya. Sa paningin ng kaniyang kapatid, siya ang pinakamatalinong nilalang sa buong mundo. Sa mga mata ni Marian, hindi niya nararamdaman na mahina ang ulo niya, gaya ng sinabi ni Mr. Rodriguez sa kaniya kanina sa klase.

“Kuya, gusto ko paglaki ko, kagaya mo, maging matalino, para alam ko na rin basahin ang mga nakasulat dito,” ani Marian.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Mario sa sinabi ng kapatid. Itinaas niya ang kaniyang kamay at bahagyang ginulo ang buhok nito. Humagikhik naman ito sa ginawa niya, kaya mas lalong nawala ang lungkot na kanina lang ay nararamdaman niya sa buong sistema.

“Balang-araw, matututunan mo rin ang lahat ng iyan. Balang-araw mas magiging matalino ka pa kaysa kay, kuya, Marian,” nakangiting wika ni Mario.

Matamis na ngumiti si Marian. Pakiramdam ni Mario ay ang ngiti nito ang pinakakailangan niya ngayon at salamat dahil hindi niya ito itinaboy. Salamat dahil napalitan nito ng saya ang lungkot na naramdaman niya kanina.

“Para sa’kin, kuya, ikaw ang pinakamatalinong tao sa buong mundo,” anito.

Umukit pa ito ng malaking bilog sa hangin kaya mas lalong lumapad ang ngiti niya sa labi. Niyakap na lamang niya ang bunsong kapatid at saka inaya itong bumaba para kumain na sila ng meryendang luto ng kanilang mama.

Ang lungkot na kanina’y lumukob sa kaniya, ngayon ay nawala na. Napatunayan niyang hindi niya kailangang maging napakatalino, dahil alam niya sa sarili niyang hindi naman siya b*bo at walang alam sa buhay. Mali si Mr. Rodriguez sa sinabi nito tungkol sa kaniya. Patutunayan niya iyon at lalo pa siyang magsisikap sa buhay, hindi lang para mapatunayang mali ang guro, kundi para na rin sa kapakanan niya at ng kaniyang pamilya.

Advertisement