
Pinagmalupitan ng Dalaga ang Babaeng Ipinalit ng Kaniyang Ama sa Kaniyang Ina; May Hindi pala Siya Alam sa Kwento ng Nakaraan Nila
Sa labing walong taong pamumuhay ni Sherly sa mundo, kapiling ang kaniyang ama at ina ay naging masaya naman silang magkakasama… ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago na lang bigla, isang araw.
Umuwi si Sherly galing sa eskuwela na magulo ang halos buong bahay. Nakakalat ang mga basag na kagamitan tulad ng baso, pinggan, mga piguring naka-display sa kanilang salas at iba pa. Nakataob din ang kanilang mga mesa’t upuan na animo dinaanan iyon ng bagyo at maririnig sa itaas ang malakas na pagpalahaw ng kaniyang ina…
“Maawa ka sa akin, Fernan, hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko, pakiusap!” naabutan niyang pakiusap ng kaniyang ina sa kaniyang ama habang nakaluhod ito.
“Wala na akong pakialam sa ’yo, Marites! Tigilan mo na ako at hayaan mo na akong maging masaya! Tama na ang ilang taong kasinungalingan mo. Sawang-sawa na ako sa ’yo!” sagot naman ng kaniyang ama sabay tulak sa kaniyang inang nakayapos na sa binti nito.
Dahil sa senaryong nakita ay hindi na nakayanan pa ni Sherly. “Ano po ang nangyayari, mama, papa?” naiiyak na pukaw niya sa kanilang mga atensyon.
“Maghihiwalay na kami ng mama mo, Sherly. Aalis na siya sa bahay na ito kaya magpaalam ka na sa kaniya,” mariing sagot naman ng kaniyang ama.
“P-po?! B-bakit po, papa?” Tuluyan nang naiyak si Sherly sa kaniyang narinig, ngunit pagkatapos n’on ay wala na siyang nakuhang sagot pa mula sa ama. Hanggang sa makaalis na ang kaniyang ina ay hindi man lang siya nagawang paliwanagan ng mga ito kahit anong pilit niya.
Hindi pa man nakakabawi si Sherly sa nangyaring iyon, makalipas lamang ang ilang araw ay nag-uwi na ng babae ang kaniyang ama. Dahil doon ay rumagasa ang matinding galit sa kaniyang damdamin!
“Siya ba ang dahilan kaya pinalayas mo si Mama?! ’Yang babaeng ’yan ba ang sumira sa pamilya natin?!” sigaw niya sa ama.
“Hindi mo naiintindihan ang sinasabi mo, Sherly! Ipapaliwanag ko sa ’yo kapag maayos na ang lahat. Magtiis ka muna, nakikiusap ako sa ’yo, anak!” sagot naman sa kaniya ng ama.
Ngunit hindi patitinag si Sherly. Igaganti niya ang kaniyang ina. Dahil doon ay palagi niyang pinagmamalupitan ang babaeng ipinakilala sa kaniya ng ama bilang Sharon. Gusto niyang gawing miserable ang buhay nito katulad ng nararamdaman nila ngayon ng kaniyang mama.
Ginawa niya ang lahat upang pahirapan ito kahit pa sinusubukan nitong maging malapit sa kaniya… hanggang isang araw ay abutan siya ng ama habang pinahihirapan niya ito.
“Sherly, ano ba ang ginagawa mo sa mama mo?!” sigaw ng kaniyang ama nang makita nitong tinatapunan niya ng inumin si Sharon habang nakaluhod ito at nagpupunas ng sahig.
“Anong mama ko? Kahit kailan ay hinding-hindi ko magiging mama ang babae mong ’yan, papa!” sigaw naman niya pabalik.
“Huli ka na, Sherly, dahil ang totoo ay siya ang tunay mong ina at wala ka nang magagawa para baliktarin ’yon!” Nabigla siya sa sunod na sinabing ’yon ng kaniyang ama.
“A-ano?!” Hindi siya makapaniwala sa narinig.
“Siguro ay panahon na para malaman mo ang totoo, Sherly… na si Sharon at hindi si Marites ang tunay mong ina.”
“Nangyari iyon noong sanggol ka pa. Noong araw na ipinanganak ka ay ang araw din kung kailan ako naaksidente noon habang papunta sa ospital. Malala ang naging aksidente ko noon na siyang naging dahilan naman ng pagkawala ng alaala ko. Nagising akong nasa tabi kita, pati na rin si Marites at binabantayan ninyo akong dalawa. Ipinakilala ka niya sa akin bilang anak ko, habang siya naman daw ang aking asawa. Simula noon ay namuhay tayo na parang isang tunay na pamilya, kahit ang totoo ay hindi naman pala… dahil si Marites, pati na rin ang mga magulang ko ay plinano ang lahat upang mapaglayo nila kami ng ’yong inang si Sharon. Ayaw kasi ng mga lolo at lola mo sa tunay kong asawa kaya nila ginawa ’yon. Noong isang linggo lang ay unti-unting bumalik ang alaala ko dahil tinigilan kong inumin ang gamot na ilang taon ding ipinainom sa akin ni Marites, at doon ay nabunyag ang totoo.”
“Bakit hindi ako ipinaglaban ng babaeng ’yan kung totoo nga ’yon?” tanong pa rin ng ngayon ay umiiyak nang si Sherly.
Sa pagkakataon ay si Sharon na ang sumagot… “Ginawa ko ang lahat, anak, kaya lang ay pinagbantaan ako ni Marites na ikaw ang sasaktan niya kung patuloy akong manggugulo. Hindi ko kayang isakripisyo ang buhay mo para lang sa kasiyahan ko, anak, kaya nanahimik ako,” umiiyak namang sagot nito na siyang nakaantig sa puso ni Sherly.
Noong una ay ayaw niya pang maniwala ngunit nang ipakita sa kaniya ng kaniyang inang si Sharon ang lahat ng ebidensyang hawak nito ay naliwanagan siya nang tunay. Dahil doon ay pinagsisihan niya ang lahat ng ginawa niya rito at humingi siya ng tawad na agad naman nitong ibinigay sa kaniya.
Hindi na niya muling nakita pa ang kinalakihang ina, dahil nagsimula na itong magtago sa isinampang kaso rito ng kaniyang ama. Ganoon pa man ay mas naging masaya naman siya sa piling at pag-aalaga ng tunay niyang ina.