
Tumanggi Siyang Tularan ang Kaniyang mga Magulang Kaya Itinakwil Siya; Iyon pa Pala ang Magiging Dahilan Upang Siya ay Yumaman
“Iska! Hindi mo na naman sinunod ang gusto ko! Bakit mo inamin kay Mr. Gallego na wala ka talagang sakit at hindi tayo nangangailangan ng pangpaopera mo?! Hindi ka talaga maaasahan! Wala kang kwenta!” hiyaw ng kaniyang amang si Teroy kay Iska, pagkapasok na pagkapasok pa lang nila sa pintuan ng kanilang tahanan. Ang kaniyang ina naman ay pumuwesto pa sa harapan niya at pumangewang sa galit nitong ekspresyon!
“Alam mo kung gaano kagiliw sa ’yo si Mr. Gallego dahil wala silang naging anak ng nasira niyang asawa. Bakit hindi mo pa lubos-lubusin ang kabaitan niya sa ’yo?” tanong pa ng kaniyang ina.
“P-pero, Inay at Itay, ayaw ko pong manloko ng tao… ayaw ko pong tumulad sa inyo!” hindi napigilang sagot naman ni Iska nang hindi na niya makayanan pa ang ginagawa sa kaniya ng kaniyang mga magulang.
Buong buhay niya, hindi naman naging mabuting magulang ang mga ito sa kaniya, dahil pinalaki siya ng mga ito sa panloloko nila sa ibang tao. Wala silang permanente at maayos na trabaho dahil mas gusto pa nilang magnakaw ng pag-aari ng iba at manloko ng kapwa para kumita! Maging ang pag-ampon ng mga ito sa kaniya noon mula sa isang bahay ampunan ay hindi para tulungan siya kundi para siya ay magamit nila sa panloloko nila!
Isang buwan na ang nakalilipas mula nang matanggap ang mga ito sa trabaho. Ang kaniyang ama bilang personal na drayber ng amo nilang milyonaryo, habang ang kaniyang ina naman bilang isang kusinera. Napakabait ng amo nilang si Mr. Gallego kahit pa ubod ito nang yaman, lalo na kay Iska, kaya naman talagang hindi kaya ng kaniyang sikmura na makiayon sa kalokohan ng mga magulang niya para lang magatasan nila ito ng pera. Paano kasi ay pinagpapanggap nila siyang may sakit upang magbigay ng tulong pinansiyal si Mr. Gallego at talagang hindi siya pabor doon!
“A, ganoon ba? Ang kapal ng mukha mong bata ka! Matapos ka naming palakihin ng asawa ko, ganiyan pa ang gagawin mo?!” hiyaw sa kaniya ng kaniyang ina pagkatapos ay dumiretso ito sa kaniyang kwarto upang iligpit ang gamit niya! “Kung ganiyan lang din naman ang gagawin mo sa amin, mas mabuti pang lumayas ka na! Wala ka nang pakinabang, palamunin ka pa!” Inihagis nito sa mukha ni Iska ang mga damit niya.
Wala siyang nagawa nang kaladkarin siya ng kinilalang ama palabas ng kanilang pintuan at itinapon siya ng mga ito sa kalye. Iyak naman nang iyak si Iska. Hindi niya akalaing magagawa iyon ng kinalakhan niyang mga magulang sa kabila ng maraming taong pinagsamahan nila.
Ilang araw na namalagi si Iska sa kalye. Gutom, puyat at pagod ang halu-halong nadarama niya kaya naman hindi inaasahang basta na lamang siyang nawalan ng malay sa daan. Nagising na lamang siya sa isang pamilyar na silid, habang nakahiga siya sa isang napakalambot na kama… sa mansyon ng milyonaryong si Mr. Gallego!
“Nabalitaan ko ang ginawa sa ’yo ng kinalakihan mong mga magulang matapos kang tumangging lokohin ako, Iska. Dahil doon ay mabilis kitang ipinahanap sa mga tauhan ko. Mabuti na lamang at natagpuan ka namin bago pa may mangyaring masama sa ’yo, hija,” sinserong sabi sa kaniya ng may edad nang lalaki.
Hindi naman makasagot si Iska dahil sa hiya. Kahit naman kasi hindi siya tunay na anak ng mga nagpalaki sa kaniya ay hindi maikakailang naging miyembro pa rin siya ng kanilang pamilya at naging katu-katulong sa ibang panloloko nila.
“Nasa likod na ng bakal na rehas ang mga magulang mo ngayon, Iska. Wala ka nang dapat ikatakot dahil hindi ka na nila masasaktan pa. Mabubulok sila sa kulungan sa dami ng nagawan nila ng kasalanan,” dagdag pa ni Mr. Gallego, ngunit imbes ay nakaramdam si Iska ng lungkot.
“Mabuti naman po kung ganoon. Kaya lang iniisip ko kung paano na po ako,” naiiyak na aniya sa kausap ngunit isang tapik lamang ang iginawad nito sa kaniyang balikat.
“Huwag kang mag-alala dahil nandito ako para sa ’yo, anak. Sa mga sandaling ito ay ipinapaayos ko na sa tauhan ko ang mga papeles upang malipat ka sa apelyido ko at upang maging legal na anak na kita,” dagdag pa nito na ikinabigla niya!
Sa sobrang tuwa ni Iska ay napayakap na lang siya sa ngayon ay matatawag na niyang amang si Mr. Gallego. Hindi akalain ni Iska na sa isang iglap lang ay magbabago agad ang kaniyang pamumuhay dahil matapos siyang itakwil ng mga magulang niya ay saka pa siya yumaman. Ngunit higit pa roon ay ang kasiyahan niyang sa wakas ay mararamdaman na rin niya kung paano magmahal ang isang tunay na pamilya.