
Plinano ng Babaeng Pagtagpuin ang Lalaking Manliligaw at ang Nobya Nito; Mapagtagumpayan Niya Kaya ang Binabalak?
Nandito ngayon sa loob ng mall si Jamaica, may inaantay siyang babae, ang kaniyang bagong kaibigan na si Marie, at kakatext lamang nito na nasa loob na rin daw ito ng mall. Nasasabik na siyang makilala at makita ito.
Habang naghihintay sa babae ay tumunog ang kaniyang selpon at nag-text na rin ang kaniyang manliligaw na si Lance, ayon rito ay nakababa na ito ng jeep at tinatanong kung saan siyang banda naghihintay upang ito na mismo ang pupunta sa kinaroroonan niya. Mukhang umaayon sa kaniyang plano ang lahat.
“Hello, Marie, nasaan ka na?” tanong ni Jamaica sa bagong kaibigan.
“Nandito na ako sa loob ng mall, Jamaica, ikaw nasaan ka na?” sagot ng babae.
Sinabi niya kung saan siya banda nakatayo at kung saan ito dapat pumunta. Nang ibinaba niya ang tawag ay saka naman niya nireplyan si Lance, at gaya ng ginawa niya kay Marie, ay gano’n rin ang sinabi niya sa lalaki.
Ang totoo’y parehong walang alam si Lance at Marie sa pina-plano ni Jamaica. Nais niyang magkita silang tatlo upang makita ang magiging reaksyon ni Lance at ng nobya nitong si Marie, ang babaeng kaniyang bagong kaibigan.
Si Lance ang kaniyang manliligaw. Halos isang buwan na itong nanliligaw sa kaniya bago niya nalaman na may nobya pala ito, at iyon ay si Marie. Nagalit siya sa pagsisinungaling ng lalaki, kaya niya ito ginawa. Muntik pa naman niyang sagutin si Lance, kung hindi niya lang nalaman ang kalokohan nito.
Nakaramdam siya ng awa sa nobya nitong si Marie, kaya kinaibigan niya ito at nais niyang ipakita mismo sa dalaga na hindi ito nararapat kay Lance na manloloko, o kahit na sinumang babae ay hindi nararapat sa kung sino mang manloloko!
“Jamaica, sa wakas nagkita rin tayo. Kamuntik-muntikan na akong maligaw,” nakangiting wika ni Marie.
Ngayong nakakausap na niya si Marie, ay napagtanto niyang mabait ito, at sadyang loko lang talaga si Lance upang linlangin ito. Habang nag-uusap sila ni Marie kung saan sila dapat na kumain ay doon naman dumating si Lance na labis ang pagkagulat nang makita silang dalawang magkasama.
“Marie, kilala mo ba siya?” tanong niya sa babae.
Kagaya ni Lance ay labis rin ang pagkagulat nito ng makita ang nobyo.
“Anong ginagawa mo rito, Lance?”
“Ang totoo niyan ay magkikita rin kami rito ni Lance, Marie.” Si Jamaica na mismo ang sumagot sa tanong ng nagtatakang babae. “Manliligaw ko siya, hindi ba’t siya ang boyfriend mo?”
Nang lingunin niya ang lalaki’y namutla ito at hindi alam kung ano ang dapat na gagawin. Ang kasunod na nangyari’y isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ni Lance at galit na boses ni Marie ang sumunod.
“Ang kapal talaga ng mukha mo, Lance! Ilang beses mo na akong niloko at sinaktan pero paulit-ulit pa rin kitang pinapatawad at pinagbibigyan, pero hindi na sa pagkakataong ito! Simula sa araw na ito, Lance, ay tapos na tayo!” gigil na wika ni Marie, saka nagmartsa palayo sa pwesto nila.
Naiwan si Lance at Jamaica, at hanggang ngayon ay hindi makapaniwala sa nasaksihang pagsampal ni Marie sa mukha ng nobyo.
“Ang kapal ng mukha mo! Kailangan pa ba talagang umabot sa ganito, Jamaica!” inis na baling ni Lance sa kaniya.
“Oo, Lance! Dahil sa’ting dalawa ikaw ang mas makapal ang mukha! Kung hindi ko nalaman na may nobya ka pa lang tao, e ‘di nabiktima mo sana ako at wala akong kaalam-alam na may nasasaktan na pala akong ibang babae nang dahil sa’yo!” matigas na wika ni Jamaica.
Naiinis siya sa lalaki at kung pwede lang ay nais niya rin itong sampalin nang ubod ng lakas gaya ng ginawa ni Marie rito, pero hindi na niya ginawa. Ang pagsampal ni Marie kay Lance ay sapat na upang mabawasan ang galit niya sa lalaki.
“Sana matuto kang makuntento, Lance! Sinayang mo lang ang walong taong relasyon niyo ni Marie, dahil lang d’yan sa kalandian mo!” ani Jamaica at tinulak ito saka tinalikuran ang lalaki.
Kahit papaano’y nagpapasalamat pa rin si Jamaica dahil maaga niyang nalaman ang totoong katauhan ni Lance. Hindi na umabot sa sinagot niya ito’t minahal, iyon naman pala’y may ibang babae itong minamahal at may iba siyang babaeng sinasaktan nang wala siyang kaalam-alam.
Upang pambawi sa bombang pinasabog niya sa harapan ni Marie ay humingi siya ng tawad rito, hindi nararapat kay Marie ang ginawa niya pero wala siyang ibang alam na paraan upang ibuking ang kalokohan ni Lance. Napatawad naman siya ni Marie, at simula nga noon ay naging totoong magkaibigan na sila ng babae.
Nararapat lang sa mga lalaking kagaya ni Lance ang maiwanan. Huwag magloloko kung ayaw mong masayang ang relasyong pinaghirapan niyo nang matagal na panahon.