Inday TrendingInday Trending
Pagkasuklam ang Nararamdaman ng Anak sa Kaniyang Ina; Maibigay Pa Niya Kaya ang Hinihingi Nitong Kapatawaran?

Pagkasuklam ang Nararamdaman ng Anak sa Kaniyang Ina; Maibigay Pa Niya Kaya ang Hinihingi Nitong Kapatawaran?

“Karen, please, kausapin mo naman ako, anak!” nakikiusap na wika ni Manilyn sa anak.

Hinintay niya pa talagang lumabas ito sa klase upang masigurong matyempuhan ito at makausap nang masinsinan. Ngunit nang makita siya ni Karen ay nagmamadali ito at lakad-takbong umiiwas sa kaniya.

“Pakiusap, Karen, pakiusap,” humihibi niyang pakiusap sa anak.

Lumingon si Karen sa bawat gilid nito na tila tinitingnan ang paligid kung may mga kapwa-estudyante ba nitong nakatingin sa kanila. Maya maya ay tumango ito at sumama sa kaniya.

Apat ang anak ni Manilyn, si Karen ang panganay na anak, labing apat na taon ito, at ibang kapatid na mas bata ay labing dalawang taon, walong taon at ang pinaka-bata ay tatlong taon pa lang.

“Kumusta na kayo ng mga kapatid mo?”p animulang tanong ni Manilyn sa anak.

Nakatitig lamang si Karen sa kaniya, walang sinasabi ang mga tingin nito, pero halata ang galit at pagkasuklam sa pamamagitan ng ibinibigay nitong tingin sa kaniya.

“Ano bang inaasahan mong isasagot ko sa’yo? Ayos lang kami ng mga kapatid ko. Ayun as usual, si papa pa rin ang nag-aalaga sa’min. Si papa ang kumakayod para mabuhay kaming magkakapatid, si papa ang nag-aalaga, kasi may nanay kami, pero parang wala rin naman. Maayos naman kaming lahat, kahit noong nawala ka, dahil sanay naman kaming wala ka palagi ‘di ba? Ano bang ipinagbago noong nand’yan ka’t buo pa tayo, sa ngayong nakipaghiwalay ka na kay papa?” dire-diretsong litanya ni Karen, dahilan upang mangiyak-ngiyak na yumuko si Manilyn.

“Karen, anak, patawarin mo ako. Patawarin niyo ako ng mga kapatid mo,” humihikbing wika ni Manilyn. “Alam kong hindi ako naging mabuting ina sa inyo ng mga kapatid mo, pero Karen, anak, maniwala ka, pinagsisihan kong lahat iyon.”

Umismid si Karen saka muling tinitigan ang ina. “Anak? Anak mo kami, kasi sa’yo kami nanggaling, pero ni minsan hindi ka nagpaka-ina sa’min. Magsisi ka man, sa palagay ko’y huli na ang lahat!” matigas na wika ni Karen.

“Kahit noong buo pa tayo, mas palagi mong kasama ang mga barkada mo sa inuman, kaysa sa’ming mga anak mo. Mas palagi kang wala sa bahay, kasi mas masaya ka kapag mga kaibigan mo ang kasama mo. Ni minsan hindi ko naramdaman na minahal mo kami ng mga kapatid ko. Kaya paano kita tatawaging ina? Kung ang nagpaka-ina’t ama sa’min ay si papa lang,” aniya, puno ng pagkasuklam ang mukha.

Nakaluhod na umiiyak si Manilyn habang panay ang hingi ng tawad. “Anak, mali ako, alam ko ‘yon. Pero sana mapatawad niyo pa rin ako, anak.”

Upang pigilan ang pag-iyak ay pinatigas ni Karen ang kaniyang mukha. Hindi dapat makita ng kaniyang ina ang pagluha niya. Tapos na niya itong iyakan noong panahon na nasa trabaho ang kaniyang ama, kumakayod upang may maipakain at maipagpaaral sa kanila, habang ang kaniyang ina ay nagsasaya kasama ang mga barkada, habang inaatake ng epilepsy ang kaniyang lalaking kapatid na sumunod sa kanya.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa kapatid, kaya tinawagan niya ang kaniyang ina upang makahingi ng tulong, ngunit imbes na mataranta ito at mag-alala sa nangyari sa anak ay sininghalan siya nito at nagalit dahil isa siyang malaking istorbo.

Maliban pa roon ay noong siya mismo ang nagkaroon ng lagnat, imbes na pumirme ito sa bahay at alagaan siya’y mas pinili ulit nitong sumama sa barkada at magsaya. Kaya kahit nanghihina ay napilitan siyang alagaan ang sarili, pati na ang kaniyang mga kapatid. Ubos na ang luha niya, wala na siyang mailuha para rito.

At ang mas lalong nagtulak sa kaniya upang kamuhian ito’y noong nakita niya ito mimsong niloloko ang kaniyang ama. Hindi na nga ito naging mabuting ina sa kanila, hindi pa ito naging mabuting asawa sa kanilang ama. Kaya mas lalo siyang nagalit sa ina at hindi na niya alam kung paano pa itong mapapatawad. Imbes na ito ang umayos at magbigay liwanag sa buhay nila. Ito ang naging dahilan kung bakit nasira ang pamilya nila.Tumayo siya upang iwanan na sana ang umiiyak na ina nang pigilan siya nito sa braso.

“Anak, patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko sa inyo.” Nakikiusap na wika ni Manilyn.

Hinila ni Karen ang kaniyang braso saka nagsalita. “Hindi ko alam kung may puwang pa ba sa puso ko ang kapatawaran. Pero wala akong ibang hinihiling kung ‘di sana dumating ang araw na kaya ko nang bigkasin ang salitang mama, at mahanap ko na sa puso ko ang hinihingi mong kapatawaran,” aniya.

Hindi niya napigilan ang pagpiyok ng kaniyang boses sa emosyong biglang lumukob sa kaniyang dibdib. Nang tuluyan nang nabitawan ng kaniyang ina ang braso ay agad siyang naglakad papalayo rito at hindi na muling lumingon.

Mahirap magpatawad lalo na kung ang nagkasala ay isa sa mga taong pinaka-importante sa’yo. Ngunit wala siyang ibang hinihiling na sana nga… dumating din ang araw na makapa niya sa kaniyang puso ang kapatawarang hinihingi nito. Hindi para sa ina kung bakit nais niya iyong gawin, kung ‘di para sa sarili niya.

Advertisement