Inday TrendingInday Trending
Kinasusuklaman Niya ang Panganay na Kapatid Dahil sa Pagiging Istrikto Nito; Bakit Iyak Siya nang Iyak sa Inamin ng Kanilang Ina?

Kinasusuklaman Niya ang Panganay na Kapatid Dahil sa Pagiging Istrikto Nito; Bakit Iyak Siya nang Iyak sa Inamin ng Kanilang Ina?

Malalaki ang bawat hakbang at nagmamadali si Jesan na marating ang opisina ng kaniyang panganay na kapatid na si Janus. Nanginginig siya sa galit at gigil na gigil na siyang masuntok ito.

“Sir, hindi po pwedeng pumasok, nasa meeting po si Sir Janus,” pigil ni Sandra, ang sekretarya ng kaniyang kapatid.

Ngunit hindi man lang pinansin ni Jesan ang babae at dere-deretsong tinumbok ang pintuan ng opisina at pabalibag itong binuksan, dahilan upang magulat ang lahat ng tao sa loob.

Nang makita siya ni Janus ay agad itong nagpaalam sa mga ka-meeting at sinabing sa susunod na araw na lamang ipagpatuloy ang usapan nila. Sumang-ayon naman ang mga ito at isa-isang nagsilabasan.

Nang masigurong sila na lamang dalawa ang nasa loob ay humarap sa kaniya si Janus at hindi na nagpatumpik-tumpik si Jesan na suntukin nang malakas ang mukha ng kapatid. Sa gulat ay nawalan ito ng balanse at natumba sa sahig.

“Hanggang kailan mo ba balak manipulahin ang buhay ko, kuya!” inis na wika ni Jesan, matapos suntukin at paduguin ang labi ng kapatid.

“Hangga’t alam kong hindi mo pa kayang tumayo sa sarili mo, Jesan.” Mahinahon ngunit may riing sambit ni Janus, pinahid ang dugo sa labi at tumayo nang tuwid.

“Bente-tres na ako! Matanda na ako para protektahan at pasunurin sa mga gusto mo!” singhal niya sa kapatid.

Naalala niya noong bata pa lang siya’t binatilyo pa ang kapatid niya. Sa tuwing nagkakasala siya’y agad siyang pinapalo nito at pinaparusahan. Isa sa hindi niya makakalimutan ay ang sinabu nitong maging matapang, dahil wala itong ibang kakampi kung ‘di tanging ang kaniyang sarili lamang. Sa gano’ng paraan siya pinalaki at dinisiplina nito.

Kaya lumaki siyang may galit sa kapatid, dahil para sa kaniya’y hindi na makatarungan minsan ang ginagawa nito. Minsan pa nga’y hinihiling niya na sana hindi na lamang niya ito naging kapatid. Ngunit nagbago ang lahat ng makausap niya kanina ang kaniyang inang may sakit na demensiya.

“Itong pagkain na ito para ito kay Janus, at ito naman ang para sa bunso kong si Jesan,” anang kaniyang ina.

Itinatabi nito ang pagkaing para sa kanilang magkakapatid. ‘Di hamak na mas marami ang parteng itinabi nito kay Janus, kaysa sa kaniya, kaya nakaramdam siya ng pagka-inggit sa ginawa ng ina. Kahit may sakit na ito sa kalimot, hanggang ngayon ay si Janus, pa rin ang paborito nitong anak.

“Bakit naman mas malaki ang kay Janus kaysa kay Jesan?” tanong niya. May himig tampo.

Tumingin sa kaniya ang ina halatang hindi na naman siya naaalalang siya mismo ang anak nitong si Jesan.

“Kasi hijo, nakagawa na naman ng kasalanan ang bunso kong anak na si Jesan, kaya paniguradong gutom na gutom ngayon ang panganay kong anak na si Janus,” sagot nito.

“B-bakit naman?” takang tanong niya.

Mangiyak-ngiyak na tumingin sa gawi niya ang ina. “Kasi sa tuwing nagkakasala si Jesan, si Janus ang sumasalo sa parusang para sa bunso niyang kapatid. Siya ang binubugb*g ng papa nila, dahil ayaw ni Janus na masaktan ng ama nila ang kaniyang kapatid. ‘Di baleng siya ang napaparusahan nang grabe kaysa maranasan ni Jesan ang bangis ng ama nila,” humihikbing kwento ng ina.

“At bilang isang ina, wala akong magawa upang pigilan sila. Kaya ipinaghahanda ko na lamang ng masarap na pagkain ang kawawa kong anak,” tumatangis na wika ng kaniyang ina.

Hindi na rin napigilan ni Jesan ang humagulhol ng iyak sa mga inamin ng ina. Kaya pala sa tuwing nagkakasala siya’t pinapalo siya noon ng kaniyang kuya ay ilang araw niya itong hindi nakikita. Ang buong akala niya noon ay sumasama ito sa ama nila at sumisipsip, iyon pala’y nawawala ito ng ilang araw upang pagalingin ang sarili sa bugb*g na natamo galing sa kanilang ama.

“Bakit kailangan mong isakripisyo ang sarili mo para sa’kin, kuya? Bakit hinayaan mong kasuklaman kita, dahil ang buong akala ko, isa kang malaking kontrabida sa buhay ko. Bakit wala kang sinabi?!” tumatangis na wika ni Jesan sa kapatid.

Nagtatakang nilingon siya ni Janus. Nagulat ito sa sinabi niya, iyon ang nakikita niyang nakasulat sa mukha nito. Hindi nito kailanman naisip na malalaman niya ang itinatago nito.

“K-kailangan kong gawin iyon, dahil iyon lang ang alam kong paraan upang maprotektahan ka… kayo ni mama,” ani Janus.

“Kasi kung hindi ko ipapakitang dinidisiplina kita, si mama ang tatanggap ng galit ni papa. Upang hindi ka na niya kailangang parusahan, ako na mismo ang umaako sa lahat ng kasalanan mo, para ako na lang ang masaktan niya, para hindi niyo na kailangang danasin ang sakit na nararanasan ko. Kaya kinailangan kong gawin iyon dahil mahal ko kayo,” mangiyak-ngiyak na wika ni Janus.

Mas lalong humagulhol ng iyak si Jesan sa narinig na pahayag ni Janus. Labis niyang pinagsisihan ang mga panahong kinasuklaman niya ang kapatid. Maling-mali pala ang isiping makasarili at gahaman ang kanyang kapatid gayong wala naman pala itong ginawa kung ‘di ang protektahan siya sa sarili nilang ama.

Hanggang ngayong wala na ang papa nila’y pino-protektahan pa rin siya ng kaniyang kuya at hindi siya nito pinapabayaan, kahit na puro sakit sa ulo at pagrerebelde lamang ang ibinigay niya rito. Tunay ngang palaging nasa huli ang pagsisisi.

Wala siyang ibang ginawa noon kung ‘di kasuklaman ang kuya niya, dahil sa mga mali niyang akala. Ang katotohanan naman pala’y siya ang makasarili at pasaway. Lumapit siya rito at niyakap ito nang mahigpit.

“Patawarin mo ako, kuya…” humahagulhol niyang sambit.

Tinapik ni Janus ang balikat ng kapatid saka ngumiti. “Hindi naman ako kailanman nagalit sa’yo, Jesan. Ikaw lang ang nag-iisa kong kapatid, kaya mahal na mahal kita, kahit na ba suklam na suklam ka sa’kin noon.”

Mas lalong umiyak si Jesan sa sinabi ng kapatid. Magbabago na siya! Ipinapangako niya iyon. Simula ngayon ay magiging katuwang na siya nito sa lahat at gaya ng palagi nitong ginagawa’y mas mamahalin niya ang kapatid, dahil tama ito. Dalawa lang silang magkakapatid, kaya dapat lang na magkampihan sila at magtulungan sa lahat ng bagay.

Advertisement