Inday TrendingInday Trending
Naging Kampante ang Binata sa Buhay at Tinatamad itong Maghanap ng Trabaho at Magsikap; Isang Pangyayari ang Susubok sa Kaniya

Naging Kampante ang Binata sa Buhay at Tinatamad itong Maghanap ng Trabaho at Magsikap; Isang Pangyayari ang Susubok sa Kaniya

“Love, hanggang ganyan ka na lang ba? Tatong taon na mula noong grumaduate tayo, pero hanggang ngayon wala ka pa ring trabaho. Kailan ka ba kikilos at magsusumikap sa buhay? Tandaan mo, hindi na tayo bumabata, Kyle!” inis na litanya ni Sharon, ang kaniyang nobya.

“Magtatrabaho rin ako, love, nagpapahinga lang naman ako sa buhay kasi syempre sobrang stress ang natamo ko noong nagkolehiyo tayo, relax ka lang. At saka mabilis lang makahanap ng trabaho, love, may pinag-aralan ako,” aniya.

Kahit anong sabi ni Sharon sa nobyo ay hindi man lang siya nito pinakikinggan. Tatlong taon na itong nakaasa sa mga magulang at tatlong taon na rin na sa tuwing nagdi-date sila’y kinakailangan pa nitong manghingi ng pera sa mga magulang para may maipambili sila sa kanilang date. Siya na ang nakakaramdam ng hiya sa mga magulang ni Kyle, ngunit ito’y halatang wala man lang pakialam.

“Saan ka pupunta, Sharon? Ngayon na nga lang tayo nagkitang muli, tapos ganyan ka pa? Uuwi ka na agad? Wala ka pa ngang isang oras dito sa bahay,” ani Kyle.

Nilingon niya ang nobyo at inirapan. “Pagod na ako sa buong araw, uuwi na ako. May pasok pa ako sa trabaho bukas,” aniya saka tinalikuran ito.

Mula pa noong unang taon nila sa koliheyo ay naging sila na ni Kyle. Kaya masasabi niyang matagal at matibay na ang pundasyon ng pagmamahalan nila, ngunit nag-iiba na ang kaniyang pananaw ngayon. Anong mapapala niya sa lalaking tamad?

“Nag-away na naman ba kayo ni Sharon kagabi, anak?” tanong ng ina ni Kurt.

Tumango siya. “Oo ma, at gaya na naman ng dati ang pinag-awayan namin, tungkol sa paghahanap ko ng trabaho.”

“Bakit kasi hindi ka na lang maghanap ng trabaho, anak? Tama naman si Sharon, baka oras na para maghanap ka ng trabaho at magsimulang mag-plano para sa kinabukasan ninyo,” payo ng ina.

“Darating rin kami d’yan, ‘ma. Masyado niya kasing minamadali ang lahat. Kung gusto kong magkaroon ng trabaho, makakapagtrabaho naman ako kaagad, dahil may diploma ako, may pinag-aralan ako. Kalma lang siya,” ani Kyle.

Saka kumuha ng isang basong tubig at muling pumanhik sa itaas upang ipagpatuloy ang paglalaro sa computer.

Makalipas ang ilang linggo ay hindi na muling nagparamdam si Sharon sa kaniya, hindi naman kailanman nabahala si Kyle sa hindi pagpaparamdam ng nobya, baka abala lamang ito sa trabaho at isa pa’y ayaw rin muna niya itong makita, tatalakan na naman kasi siya nito at nakakasawa na. Matagal na sila ni Sharon at kampante siyang hindi ito kailanman gagawa ng ikakasira sa relasyon nila, dahil alam niyang mahal na mahal siya nito.

“Kyle, tulong! Si mama, bigla na lang natumba!” sigaw ni Karl, ang kaniyang bunsong kapatid.

Ngali-ngali siyang bumaba at aligagang binuhat ang ina at ipinasok sa loob ng sasakyan upang itakbo sa ospital. Ipinaalam niya agad ang nangyari sa kanilang papa na gaya nila’y nataranta rin at nagmamadaling nagtungo sa kung saang ospital nila itinakbo ang ina.

Nang makarating sa ospital ay agad namang inasikaso ng doktor ang kanilang ina kaya nakahinga silang magkapatid nang sabihin nitong ligtas na ito. Ngunit ang inakala nilang magandang balita ay hindi pa pala tapos… dahil may inamin ang doktor sa kanila tungkol sa tunay na kalagayan ng kanilang ina.

“Lumala na ang c@ncer cells sa matres ng inyong mama, kaya bigla na lang siyang nawalan ng malay kanina,” anang doktor.

Agad na humagulhol ng iyak si Karl sa narinig na masamang balita. Habang natulala namang nakatitig si Kyle sa doktor. Inamin nito na stage 4 na ang c@ncer ng kaniyang mama at binigyan na nito ng taning ang buhay ng ina.

Wala silang kaalam-alam ni Karl sa nangyayaring sakit ng kanilang ina. Akala nila’y malusog ito at hindi naman halatang may iniinda pala itong sakit.

Apat na araw pa lang sa ospital ang ina ay malaki na ang naging bayarin nila, kaya napilitan si Kyle na maghanap ng trabaho upang tulungan ang ama sa gastusin. Ngunit ang inakala niyang madali ay hindi nangyari.

Sa araw na iyon ay walong kumpanya na yata ang tumanggi sa aplikasyon niya. Gusto niyang umiyak sa nangyayari. Ang buong akala niya noon ay kay bilis lang para sa kaniya ang maghanap ng trabaho dahil tapos siya sa pag-aaral, may diploma siya at isa siyang honor student. Mali pala! Mali pala ang paniniwala niya. Walang binatbat ang grado kung tamad ka sa buhay. Kinakarma na siya sa pagiging mapagmataas niya noon.

Pauwi na siya sa bahay nila, pagod at gutom. Iyon ang nangyari sa buong araw niya— kulelat at dismayado. Nakadaan siya sa isang sikat na kainan at wala sa loob na bigla siyang nahinto dahil sa pamilyar na rebultong kaniyang nakita. At hindi nga siya nagkakamali! Si Sharon nga ang babaeng kampanteng nakaupo sa loob at mag-isang kumakain.

Akmang hahakbang na siya papasok sa restawran ng makita niya ang isang lalaking galing sa kung saan at lumapit sa nobya, sabay halik sa labi nito. Agad na umusbong ang galit at selos niya sa nasaksihan. Pumasok siya sa loob upang komprontahin si Sharon.

Ngunit imbes na matakot, mahiya at humingi sa kaniya ng tawad ay matapang nitong inamin na nobyo nito ang lalaki at matapang na nakikipaghiwalay sa kaniya.

“Hindi ko na alam kung mahal pa ba kita, pero dahan-dahang nawala ang pagmamahal ko sa’yo, noong nakita kong wala kang pangarap sa buhay, Kyle. Ang totoo matagal ko nang inisip na wala na tayo. Matagal ko na ring gustong makipaghiwalay sa’yo at siguro ito na ang tamang oras na iyon. Matagal ka nang nabura dito sa puso ko, at sa araw na ito, Kyle, hindi na ikaw ang nobyo ko,” ani Sharon, saka umalis kasama ang bago nitong nobyo.

Ito na nga yata ang paniningil sa kaniya ng panahon. Kung noon pa siyang nagpursige sa buhay, baka hindi na siya nahihirapang humanap ng pagtatrabahuan ngayon. Kung noon pa siya kumilos at nagsumikap, baka hindi kinailangang itago ng kaniyang mama ang malalang sakit na dinadala nito, dahil nariyan naman siya at makakatuwang nito sa gastusin.

Kung noon pa niya inayos ang buhay, baka hindi sila aabot ni Sharon sa paghihiwalay. Ngayon niya nais na magsisi sa lahat ng pagiging kampante niya noon at ngayon na mukhang huli na ang lahat. Hindi niya napigilan ang pag-agos ng luhang kanina pa nais magsilabasan sa kaniyang mga mata.

Dalawang buwan mula noong na ospital ang kaniyang ina ay binawi na rin ito sa kanila ng Panginoon, kaya labis ang sakit na naramdaman niya. Nalubog sila sa utang dahil sa pagpapagamot nito, kaya mas lalo siyang nagpursige sa buhay. Ilang beses na siyang sumubok mag-hanap ng trabaho, pero lagi siyang hindi natatanggap, ang dahilan ay dahil sa kaniyang edad.

Kaya labis ang naging pasasalamat niya nang may isang kumpanya ang tumanggap at naniwala sa kaniya. Pinagbutihan niya ang kaniyang trabaho at ipinakita ang pagiging masipag. Hanggang sa dahan-dahan silang nakakabawi sa buhay, at dahan-dahan nilang nabayaran ang kanilang nautang.

Naging masyadong kampante si Kyle sa buhay niya noon, dahil ang akala niya’y gano’n lamang kadali ang buhay sa mundo, lalo na’t may diploma siya at pinag-aralan. Pero mali pala siya, dahil hangga’t hindi ka kikilos at magsusumikap sa buhay, walang trabaho ang lalapit sa’yo.

Naging masyadong mataas ang tingin niya sa sarili, saka lamang niya napagtanto ang maling paniniwala noong dahan-dahang tinanggal ng Panginoong Diyos sa kaniya ang mga importanteng tao sa kaniya, kagaya na lang ni Sharon at ng kaniyang ina.

Kung maibabalik lang ang panahon, siguradong itatama niya ang pagkakamaling nagawa sa nakaraan.

Advertisement