
Kinayayamutan ng Babae ang Ulyanin Niyang Ama na Mahilig Maglaro ng Teddy Bear; Mapapaiyak Siya Nang Minsang Inagaw Niya ang Laruan Nito
Isang taon nang naninirahan sa Maynila ang pamilya ni Amy. Mula nang mag-asawa ang babae ay sa siyudad na sila tumira ng kanyang mister na si Raul at dalawa nilang anak na parehong nasa kolehiyo na. Maganda ang trabaho niya sa pinapasukang kumpanya sa Makati bukod pa sa pagiging inhinyero ng asawa niya sa isang kilalang construction firm kaya masasabing nakaririwasa sila sa buhay.
“Ano na naman ba ang problema, Rosa? Kay aga-aga ay iyan agad ang ibubungad mo sa akin,” inis na sabi ni Amy sa kausap niya sa selpon habang nag-aalmusal sila ng kanyang asawa. Bigla kasing tumawag ang caregiver na si Rosa na kinuha niya upang alagaan ang kanyang ama na nasa probinsya.
Nang magpasiya si Amy na bumuo ng pamilya ay hindi na niya isinama ang tatay niyang si Mang Onorio at iniwan ito sa probinsya kung saan siya lumaki. Nang pumanaw ang kanyang ina nang siya ay ipanganak ay ang ama na ang nagtaguyod sa kanya ngunit dahil sa sobrang katandaan at pagiging ulyanin na nito ay pinaaalagaan na lamang niya ito sa caregiver.
“Pakiusap, Rosa, huwag mo naman gawin iyan. Tataasan ko ang suweldo mo kung kinakailangan,” aburidong sabi niya sa kabilang linya ngunit tila buo na ang pasiya ng babaeng caregiver. Sa hinaba-haba ng pakikipag-usap niya rito ay wala rin siyang nagawa hanggang sa ibinaba na niya ang selpon dahil desidido na talaga itong umalis sa trabaho.
“Anong problema, honey?” tanong ng asawa niya.
“Si Rosa kasi, eh, ayaw na raw niyang alagaan si tatay. Magre-resign na raw siya. Hindi na niya matagalan ang kasungitan ni tatay. Palagi raw itong nagpapasaway sa kanya kaya ayun, wala na namang tagapag-alaga ang matanda,” papalatak na sagot niya sabay higop sa tasa na may lamang kape. “Sumbong pa sa akin ni Rosa, ayaw daw inumin ni tatay ang gamot niya at ayaw kumain. Nag-iisip bata na raw at panay ang paglalaro ng teddy bear. Hay naku, kung kailan tumanda ay saka nahilig sa laruan,” dagdag pa niya na ‘di na napigilang himasin ang magkabilang sentido.
“Alam mo ba kung ano ang naiisip kong solusyon, honey?”
Napalingon siya sa mister at hinintay ang sasabihin nito.
“Sa edad na walumpu’t tatlo ay dapat ang pamilya ang nag-aalaga sa tatay mo, walang iba kundi ikaw, kami ng mga anak mo. Wala naman siyang ibang maaaring asahan kundi ikaw na nag-iisa niyang anak. ‘Di ba, sinabi ko sa iyo noon pa na isama natin siya rito sa Maynila, pero ayaw mo naman dahil makakaabala kamo sa atin. Ang totoo, hindi siya abala, honey dahil parang tunay na ama na rin naman ang turing ko kay Tatay Onorio. Kung narito siya sa poder natin ay mas mababantayan natin siya at maaalagaan nang mabuti. Pagtutulungan nating dalawa ang pag-aalaga sa kanya habang naghahanap tayo ng kapalit ni Rosa. Tutulong din sa atin ang mga anak mo kapag hindi sila abala sa eskwela,” sabi ni Raul.
Napangiti si Amy, mabait talaga ang kanyang mister. Hindi siya nagkamali na ang lalaki ang inibig niya’t pinakasalan.
“Sige, kukunin natin si tatay sa probinsya at dadalhin dito. Wala naman akong ibang pagpipilian pa,” napapailing na sagot ni Amy sa asawa.
Sa pagsundo hanggang sa madala nila ang ama sa bahay ay hindi maalis sa mukha ni Amy ang pagkadismaya. Sa isip niya ay napakalaking abala nito sa kanila. Imbes na pumasok sila sa opisina sa araw na iyon ay lumuwas pa silang mag-asawa sa probinsya para sunduin lang ang ulyanin niyang tatay. Tuwang-tuwa naman ang matanda nang isinama nila ito sa bahay sa Maynila. Nagpapapadyak ito at nagtatatalon sa galak bitbit ang lumang teddy bear na paborito nitong paglaruan.
“Ngayong narito na kayo sa bahay ko ay hindi na uubra sa akin ang pagpapasaway niyo. Pag sinabi kong kumain kayo sa takdang oras at inumin ang inyong gamot ay susunod kayo. Saka bitawan niyo nga ‘yang laruan na ‘yan, ang tanda niyo na naglalaro pa kayo ng ganyan!” saway niya sa ama.
Ngunit imbes na pakinggan siya nito ay tumanggi ito sa gusto niya.
“Hindi mo mailalayo sa akin si Mimay ko. Mahal na mahal ko itong beybi. Hindi mo siya makukuha sa akin,” wika nito na mas lalong hinigpitan ang pagkakayakap sa laruan.
Napailing na lamang si Amy, ulyanin na talaga at isip bata ang tatay niya.
Sa pagtira roon ng matanda ay maganda ang trato rito ng kanyang asawa’t mga anak. Pinagtutulungan ng mag-aama niya na alagaan ang tatay niya kahit makulit ito’t pasaway at kung minsan ay masungit. Samantalang siya na anak nito ay tamad na tamad na asikasuhin ito. Palagi pa niya itong pinagagalitan at pinagsasalitaan ng masasakit. ‘Di rin niya mapigilan ang sarili na saktan ang ama sa tuwing matigas ang ulo nito at ayaw sumunod. Ang pananakit niya rito ay lingid sa kanyang mister at dalawang anak.
Kahit nasasaktan ang matanda ay tila wala naman itong pakialam. Mas abala ito sa paglalaro ng teddy bear. Kadalasan nga ay hindi ito kumakain at mas inuuna pang pakainin ang lumang laruan.
“Sorry Mimay ko ha, kung ito lang ang nakayanan ni tatay. Ayos lang na hindi ako kumain basta busog ka ay masaya na si tatay. Mahal na mahal kita, Mimay ko,” wika nito sa laruan na hinihimas-himas pa iyon sa ulo na animo’y anak ang turing.
Nang gabing iyon ay hindi pa umuuwi galing sa trabaho si Raul at wala naman sa bahay ang mga anak niya dahil nagrerebyu ang mga ito kasama ang mga kaklase. Mag-isa niyang pinapakain ang ama sa mesa.
“Tay, kumain ka na at iinom ka pa ng gamot,” naiinis nang sabi ni Amy, nangangalay na kasi ang kamay niyang may hawak ng kutsara upang subuan ito ng sabaw.
“Magpapakabait ka kapag isinama kita sa paglalako ng balut ha? Huwag kang makulit para maraming maibenta si tatay,” kausap ulit nito ang teddy bear.
“’Tay, ano ba?!” sigaw niya dahilan upang mapapitlag ang matanda.
“Psst, huwag kang maingay! Ayaw ni Beybi Mimay ang maingay!” anito.
Sa sobrang inis ni Amy ay bigla niyang inagaw ang hawak na teddy bear ng ama at itinapon iyon sa basurahan.
“O, ayan! Wala na ang buwisit na teddy bear mo, siguro naman ay kakain ka na para makainom ka na ng gamot! Pagdating ng asawa ko at ng mga anak ko’y sila naman ang pagsisilbihan ko para hindi na lang palagi ikaw ang inaasikaso ko! Wala ka nang ginawa kundi perwisyuhin ako, kailan ka ba kasi mamamat*y? para hindi na kita pinoproblema pa!” matatalim na salitang wika niya.
Biglang tumahimik ang matanda. Nangingilid ang luha nito na tumayo sa kinauupuan at lumuhod sa harapan niya.
“Maawa ka na, ibalik mo na sa akin si Beybi Mimay ko! Huwag kang magalit ha? Gusto ko lang naman ibalik mo sa akin si Mimay ko,” pakiusap nito.
“Puny*ta naman, ‘tay! Tumayo ka nga riyan!” aniya sa malakas na tono.
Mas lalong humagulgol sa pag-iyak ang matanda na parang bata.
“Kailangang maibalik sa akin si Beybi Mimay ko! Nawala na sa akin ang pinakamamahal kong asawang si Felicing, hindi ko na kakayanin kung mawawala pa sa akin ang nag-iisa kong anak na si Mimay. Ikamamat*y ko kapag nawala pa sa buhay ko si Beybi Mimay ko na si Amelia, ang pinakamamahal kong anak,” atungal ni Mang Onorio.
Natulala si Amy, nabigla sa kanyang narinig. Ang Amelia na tinutukoy ng ama ay ang tunay niyang pangalan. Bigla niyang naalala na ang Mimay na palaging bukambibig nito ay ang palayaw niya nung nakatira pa sila sa probinsya. Ang palayaw naman niyang ‘Amy’ ay naging tawag sa kanya ng mga ka-opisina niya at ng kanyang mister na si Raul.
“Nasaan ka na Mimay ko, aking Amelia? Bumalik ka na kay tatay, hindi ka papabayaan ni tatay, pinakamamahal ka ni tatay higit pa sa buhay niya,” patuloy na hagulgol ng matanda.
Hindi namalayan ni Amy na pati siya ay naiiyak na rin. Bumalik sa kanyang gunita ang lahat ng sakripisyo sa kanya ng ama. Nang pumanaw ang ina sa panganganak sa kanya ay ang ama niya ang pumasan sa lahat ng hirap. Mula noong nag-aaral pa siya sa elemetarya hanggang sa iginapang nito pati pag-aaral niya sa kolehiyo. Lahat ng trabaho ay pinasok nito, pagkakarpintero, pagiging construction worker, kargador sa palengke, pagtitinda ng balut at iba pang maaaring ibenta, mapagtapos lang siya sa pag-aaral.
Nang maka-gradweyt siya, nakakuha ng magandang trabaho at nagkaroon ng sariling pamilya ay pinabayaan na niya ang sariling ama. Umalis siya sa bahay nila sa probinsya at lumuwas ng Maynila at iniwan doon ang ulyaning ama na ayaw niyang alagaan dahil para sa kanya ay pabigat na ito sa buhay niya na kung tutuusin ay hindi niya mararating ang kinalalagyan kundi dahil sa dugo’t pawis ng kanyang butihing ama.
Natauhan si Amy, bigla siyang nagsisi sa mga masasama niyang ginawa sa taong pinagkakautangan niya ng lahat-lahat at ng buong buhay niya. Nilapitan niya ito at mahigpit na niyakap. Humingi siya ng kapatawaran sa umiiyak niyang ama.
“’Tay, patawad po sa lahat, ‘tay,” sambit niya.
Biglang huminto sa pag-iyak ang matanda. Imbes na kumawala ito sa pagkakayakap niya ay naramdaman niya ang mga bisig nito na yumakap din sa kanya.
“Pinapatawad ka na ni tatay, aking Mimay, aking Amelia. Mabuti naman at nagbalik ka na,” anito.
Lalo siyang napa-iyak sa sinabi ng ama.
“Salamat, ‘tay. Huwag po kayong mag-alala, hindi na ako aalis. Hinding-hindi na kita iiwan,” aniya.
Mula noon ay bumawi na si Amy sa lahat ng naging pagkukulang niya sa amang si Mang Onorio. Pinagtutulungan nilang mag-asawa kasama ang kanilang mga anak ang pag-aalaga sa kanyang ama. Hindi na rin nito hinanap pa ang lumang teddy bear dahil alam niya na panatag na ito na kasama siya at ang kanyang pamilya.
Pakatandaan na mahalin at pahalagahan ang ating mga magulang dahil bali-baliktarin man ang mundo, wala tayo kung wala sila.

Pinatira ng Babae ang Pamilya ng Pinsan sa Kaniyang Lupa Ngunit Inalipin Naman Niya ang mga Ito; Makalipas ang Maraming Taon ay ang Mag-Anak naman ang Giginhawa
