Inday TrendingInday Trending
Pinatira ng Babae ang Pamilya ng Pinsan sa Kaniyang Lupa Ngunit Inalipin Naman Niya ang mga Ito; Makalipas ang Maraming Taon ay ang Mag-Anak naman ang Giginhawa

Pinatira ng Babae ang Pamilya ng Pinsan sa Kaniyang Lupa Ngunit Inalipin Naman Niya ang mga Ito; Makalipas ang Maraming Taon ay ang Mag-Anak naman ang Giginhawa

Nagulantang kaya agad na napabalikwas nang bangon sa higaan ang magkakapatid na sina Lorelyn, Tupe, at Jackie dahil sa malakas na kalampag ng batya sa lapag. Pati ang tatay at nanay nilang sina Paquito at Sol ay nagising din sa mahimbing na pagkakatulog.

“Hoy, magsigising na kayo! Anong oras na? Hindi kayo pinapalamon dito para maging tamad!” singhal ng matabang babae na si Chita na kanilang kamag-anak.

“Pasensya na, sobra kasi kaming napagod kahapon eh, kaya napasarap ang tulog namin,” sagot ni Paquito. Sinulyapan ang orasan na nakasabit sa dingding. “Alas kuwatro pa lang naman ng umaga, Chita. ‘Di ba, alas sais pa ang oras ng pagtatrabaho namin?” tanong ng lalaki.

Pinamewangan siya ng babae.

“Aba, Paquito, nagrereklamo ka na? Natatandaan mo ba nung nakiusap ka sa akin na kupkupin ko kayong mag-anak dahil wala kayong matitirhan nang sumabog ang Bulkang Taal? Nawalan kayo ng bahay at dahil ako na lamang ang nag-iisa mong kamag-anak ay ako ang nilapitan mo at heto, tinulungan ko naman kayo. Pinatira ko kayo rito sa bakanteng kubo sa aking lupa nang libre. Tandaan ninyo ha? ‘Libre” ang pagtira ninyo rito at ang tanging pakunswelo ninyo ay ang pagtatrabaho sa aking manggahan. Kaya ayokong makakarinig ng pagrereklamo sa inyo. Mabuti nga at tinulungan ko pa kayo, eh, kundi ay sa kangkungan kayo pupulutin,” mahabang litanya ng kanyang pinsan.

Hindi naman nakakalimutan iyon ni Paquito at ng kanyang mag-iina. Malaki ang utang na loob nila sa babae kaya nga kahit minsan ay lagpas na sa oras ng paggawa ay nagtatrabaho pa rin sila sa manggahan ng walang sahod. Oo, wala silang kinikita sa pagtatrabaho nila kay Chita. Ang dahilan ng babae ay hindi nga sila pinagbabayad ng upa sa tinitirhang kubo at libre ang kanilang pagkain na palaging tuyo, sardinas at isang kilong bigas na pinagkakasya nilang mag-anak sa loob ng isang linggo.

Nang makaalis ang babae ay nagmamadali nang gumayak ang pamilya ni Paquito. Ang asawa niyang si Sol at tatlong anak ay bitbit na ang kanya-kanyang buslo. Dahil wala silang pambili ng kape ay uminom na lamang sila ng maligamgam na tubig na kahit hindi pa sila nakakapag-almusal ay ayos na sa kanilang sikmura.

“O? Tena!” sabi ni Paquito. Magkakasabay na lumabas ang mag-anak sa maliit na kubo at handa na silang magtrabaho sa manggahan.

Ang gagawin nila roon ay buong araw na mangunguha ng mga mangga. Ang mga iyon ay ilalagay nila sa kahon para ibenta. Tumutulong din sila sa iba pang gawain sa taniman. Ang ibang bunga na nahuhulog na sa puno at naglalaglagan ay kanilang pupulutin upang gawing pagkain. Sayang din naman iyon pamatid gutom na rin nilang mag-anak. Hindi nga lang sila maaaring pahuli dahil tiyak na ikagagalit iyon ng switik at madamot nilang kamag-anak na mas gugustuhin pang mabulok ang mga bungang mangga sa lupa kaysa ipamigay.

Sa maghapong paggawa, minsan ay hindi maiwasan na makaramdam ng pagod.

“Ang sakit na ng katawan ko, Paquito,” reklamo ni Sol sa asawa.

“Kaunting tiis na lang at malapit ng mag-alas sais ng gabi at uuwi na tayo,” sabi ng lalaki sa misis na pinunasan pa nito ng pawis sa noo.

Ngunit narinig pala sila ni Chita at agad silang pinagsabihan.

“Anong uuwi? Sinong may sabi na pwede na kayong umuwi? Marami pa kayong mangga na ilalagay sa kahon at idedeliber ‘yan sa Maynila. Bilisan ninyo ang kilos! Kapag hindi ‘yan natapos sa tamang oras ay hindi kayo makakauwi at hindi kayo kakain!” inis nitong sabi.

Nagkatinginan na lang ang mag-asawa at sinunod ang utos ng babae.

Kahit hirap at pagod na ay tinapos pa rin ng mag-anak ni Paquito ang paglalagay ng mga mangga sa kahon na nakatakdang dalhin sa Maynila. Sila rin ang naglagay niyon isa-isa sa truck kaya nagsisakitan talaga ang mga katawan nila matapos ang kanilang ginawa. Kung tutuusin ay ang ibang trabahador ang dapat na gumagawa niyon ngunit tila pinapahirapan sila ni Chita at pati ang mabibigat na trabaho sa manggahan ay iniuutos na rin sa kanila. Wala talagang awa ang kamag-anak nilang ito.

Pag-uwi nila sa bahay ay patang-pata ang mga katawan nila sa sobrang pagod.

“Tingin ninyo, ganito na lamang tayo habang buhay?” tanong ni Lorelyn sa mga kapatid, kita sa mga mata ng bata ang kawalan ng pag-asa.

“Oo nga eh. Araw-araw na lang ba na palaging ang ulam natin ay tuyo at sardinas? Kailan kaya ulit tayo makakapag-aral? Kailan kaya titigil si Tita Chita sa pagpapahirap sa atin?” himutok naman ni Tupe.

“Aba, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. May plano naman siguro ang Diyos sa pamilya natin. Hindi naman siguro tayo mahirap habang buhay,” sabi ni Jackie.

Ang hindi nila alam ay naririnig pala sila ng tatay at nanay nila.

“Naku, kung anu-ano ang pinagkukuwentuhan ninyo riyan. Kumain na kayo rito. Masarap naman itong tuyo at sardinas na niluto ng nanay ninyo a! ‘Di bale, makakaraos din tayo mga anak, kapit lang,” wika ni Paquito.

“Oo nga mga anak. May awa ang Diyos,” sagot naman ni Sol.

Ngiti lamang ang isinagot ng mga anak.

Makalipas ang maraming taon

“Ang sakit na ng katawan ko,” sabi ni Tupe.

“Tingnan mo itong isang ‘to, hindi ka pa rin nagbabago, napakamareklamo mo pa rin!” natatawang sabi ni Paquito sa nag-iisang lalaking anak.

“Huwag ka na magreklamo, Tupe. Buhatin mo na ang huling kahon ng mga mangga na idedeliver natin sa Maynila,” wika naman ni Lorelyn.

Masaya ang buong mag-anak dahil maganda ang ani nila ng mga mangga sa taong iyon. Bukod sa marami silang orders ay pinapakyaw pa ito ng mga malalaking kliyente nila sa Maynila at maging sa ibang bansa ay nag-e-export na rin sila.

Wala nang mahihiling pa si Paquito, natupad na ang pangarap ng kanyang pamilya na makaahon sa hirap dahil ngayon ay tinatamasa na nila ang maginhawang buhay.

At dahil iyon sa tatlo niyang anak, na sa kabila ng kahirapan at mga pagsubok ay ‘di sumuko. Nagtiyaga ang mga ito na pumasok ng iba pang trabaho bukod sa paggawa nila noon sa manggahan. Sinikap ng mga anak niya na pagsabayin ang paghahanapbuhay at pag-aaral hanggang sa makatapos ang mga ito sa kolehiyo. Nang makapagtrabaho sa Maynila ay ginalingan ng tatlo niyang anak, ginawa ng mga ito na araw ang gabi upang magtagumpay sa kani-kanilang piniling larangan kaya ang resulta, naging magagaling at mahuhusay na propesyonal ang tatlong anak. Ang panganay na si Lorelyn ay isa nang ganap ng doktora, ang bunsong si Jackie ay isa nang abogada at ang ikalawang anak na si Tupe ay isa nang arkitekto na pinasok din ang pagnenegosyo. Pinatunayan ng magkakapatid na hindi habang buhay ay mahirap sila.

Sa kasamaang palad ay nalugi ang manggahan ng kamag-anak nilang si Chita dahil pineste ang mga tanim na mangga sa lupain ng babae kaya bumagsak ang negosyo nito. Naghirap ang babae na hindi matanggap ang kinasapitan kaya nagkasakit ito at kamakailan lang ay binawian ng buhay. Gumawa ng paraan ang magkakapatid upang buhayin ang manggahang naiwan ng malupit nilang tiyahin. Nagtagumpay naman sila na muling palaguin ang taniman ng mangga hanggang sa dumating ang panahon na bumalik ang dating sigla ng negosyo na silang mag-anak ang nagpatuloy. Pag-aari na nila ang manggahan na binili ng magkakapatid sa pamilya ng yumao nilang kamag-anak na si Chita. Hindi lang ang manggahan ang pinamamahalaan nila, nagmamay-ari rin sila ng napakalaking lupain na taniman naman ng mais at tubo na nabili rin nila sa karatig bayan.

“Maraming salamat mga anak,” sabay na sambit ng mag-asawang Paquito at Sol na kapwa matanda na, pinagmamasdan ang tatlong anak na abala sa pag-aasikaso sa kanilang manggahan.

Laging tandaan na huwag susuko sa buhay, laging manalig sa Diyos, maging matiyaga at masipag dahil darating din ang araw na ang lahat ng paghihirap ay mapapalitan din ng ginhawa.

Advertisement