
Bagot na sa Buhay ang Lola at Hinihintay na Lamang ang Araw ng Paglisan Niya sa Mundo; Hindi Niya Alam na Mababago Pa ang Buhay Niya sa Pagdating ng Apo
Sa kaniyang pagtanda, hindi maiwasan ni Lola Andeng na hilingin sa Panginoon na kunin na sila nang sabay ng kaniyang mister na si Lolo Wilberto.
Tunay nga na kapag tumatanda na ang isang tao ay nagiging sensitibo na. Lalo na’t laging wala ang kanilang anak na si Olga kung saan sila nakapisan. Ang ibang mga anak naman nila ay pawang nasa ibang bansa na at may sari-sarili na ring pamilya.
“Oh, Andeng… halika’t maglakad-lakad tayo sa parke at nang makasagap naman tayo ng sariwang hangin. Hindi iyang lagi kang nakamukmok dito sa loob ng bahay,” anyaya ni Lolo Wilberto sa kaniyang misis.
“Ayoko at masakit ang mga tuhod ko. May iniisip akong malalim, huwag mo akong istorbohin.”
“Aba’y ano naman ang tumatakbo sa iyong isipan?”
“Nag-aalala ako na malapit na tayong sunduin ni San Pedro, sa edad nating ito. Ikaw ay 77 taong gulang samantalang ako naman ay 74. Wala nang dahilan pa para magsaya, kailangan sigurong maghintay na lamang tayo kung kailan kakawitin ni Kam*t*yan ang ating buhay,” saad ni Lola Andeng.
“Hayan ka na naman sa mga alalahaning hindi nararapat pakaisipin, Andeng. Iwaksi mo nga ang ganyang kaisipan. Habang tayo ay humihinga, sulitin natin ang pamamalagi sa daigdig na ito. Aba’y para mo na yatang pinangungunahan ang Panginoon sa kaniyang kalooban?” sansala ni Lolo Wilberto sa kaniyang misis.
“Iyan naman ang katotohanan, Wilberto, at bakit natatakot kang pag-usapan ang bagay na ito? Sa edad nating ito’y hindi na tayo dapat pang nagpapakasaya. Marapat ay ilaan natin ang nlalabing buhay natin sa pagbubulay, o kaya’y sa paglilingkod sa Panginoon. Binabalak ko ngang magbaka-sakaling matanggap ako sa parokya bilang isa sa mga hermana tercera doon. Ikaw rin kaya,” aya ni Lola Andeng sa mister.
“Ano ka ba naman, kung ano-anong iniisip mo. Ang mabuti pa, ihanda mo ang sarili mo dahil magbabalikbayan umano ang apo nating si Sandino mula sa ‘Merika. Nasabi sa akin ni Olga kanina.”
“Ah ganoon ba? Aba’y matagal ko nang hindi nakikita nang malapitan ang apo nating kay pogi na ‘yan. Hala sige at maghanda tayo. Linisin at ayusin natin ang kaniyang matutulugan.”
Hindi na nga nagpatumpik-tumpik ang dalawang matanda at inayos na nga ang magiging kuwarto ng kanilang kaisa-isang apo kay Olga na si Sandino, na matagal nang nasa Amerika dahil doon nag-aaral. Nakikita lamang nila ito sa video call kapag kausap ito ng kanilang anak na si Olga.
Makalipas ang isang linggo ay nakauwi na nga si Sandino.
“Itay, Inay, miss na miss ko na kayo! Marami akong pasalubong sa inyo!” sabik na sabik na sabi ni Sandino sa kaniyang lolo at lola. Itay at inay ang tawag niya sa mga ito. Kay Olga naman ay Mama.
“Sige apo, mamaya na lamang. Kumain ka muna at magpahinga, alam namin na mahaba-haba ang inilakbay mo pauwi,” saad ni Lola Andeng.
Pinisil ni Sandino ang kaniyang ilong.
“Grabe, I’m so back na nga! Nosebleed yata ako sa lalim ng Tagalog ninyo! Well anyway, after I eat this, samahan n’yo po ako sa mall ha. Pasyal tayo,” aya ni Sandino sa kaniyang Itay at Inay.
Miss na miss na nga ni Sandino ang kaniyang Itay at Inay.
“Hello guys, meet my Itay Wilberto and my Inay Andeng… kaway naman kayo sa camera…” sabi ni Sandino. Game na game namang kumaway at nagpa-cute si Lolo Wilberto. Sinaway siya ni Lola Andeng.
“Susmaryosep ka Wilberto at mangilabot ka nga… kulubot na ang mga balat mo, nagpapa-cute ka pa riyan,” wika ni Lola Andeng.
“Tingnan mo itong lola mo, napakaseryoso talaga sa buhay, papangit ka niyan,” paglalambing naman ni Lolo Wilbert.
“Aba’y matagal na akong pangit dahil kulubot na ang mukha ko, ikaw rin pangit na dahil hukluban ka na!”
Tawang-tawa naman si Sandino sa nasaksihan.
Kinabukasan, masiglang ipinakita ni Sandino ang kaniyang cellphone sa kaniyang lolo at lola.
“Itay, Inay… hinahanap kayo ng mga subscribers ko, namiss nila ang LQ ninyo kahapon, mukhang mas mapapadalas ang pagsama ko sa inyo sa vlog ko ah,” masayang pagbabalita ni Sandino.
“Ha? Anong subs… sherbs, shubska…” nabubulol na sabi ni Lola Andeng.
“Subscribers, ‘Nay. Iyan ang tawag sa mga taong sumusubaybay sa mga vlogs ko, o parang ipinapakita ko ang daily living ko through videos, you know, iyan ang trend ngayon, Inay. Kaya isasama ko na kayo sa vlogs ko,” wika ni Sandino.
At simula noon ay nagsimula na ngang isama ni Sandino sa kaniyang vlogs sina Lolo Wilbert at Lola Andeng. Paborito nilang isagawa ang mukbang. Dahil na-miss nang labis ni Sandino ang pagkaing Pilipino, iyon ang itinampok nila sa kanilang mukbang.
Araw-araw ay nadagdagan ang subscribers ni Sandino dahil kina Lolo Wilberto at Lola Andeng. Naipalabas ni Sandino ang matagal nang naitagong kakulitan nina Lolo Wilberto at Lola Andeng. Unti-unting nasasanay na ang dalawang matanda sa pagsasalita sa harap ng camera.
“Nakakagood vibes po kayo, ‘Tay Wilberto at ‘Nay Andeng! Naaalala ko po ang mga yumao kong lolo at lola. Continue vlogging po! Thank you, Sandino, for introducing them to us!” sabi ng isang netizen.
“New subscriber here! Nakakatuwa po kayong panoorin! Hindi lang mga bituka namin ang busog sa tuwing nagmumukbang kayo, kundi maging mga puso namin! Kung buhay pa sana ang mga lolo at lola namin, ganyan din sana ang ginawa namin sa kanila!” wika naman ng isa.
“Kabahan ka na Sandino, mukhang kailangan na nila ng hiwalay na channel!” kantiyaw naman ng isa.
Nagsimula na rin ang mga taong nagpapadala ng kung ano-anong bagay at pagkain para kina Lolo Wilberto at Lola Andeng, hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa iba pang panig ng mundo, lalo na ang mga OFW na naiibsan ang lumbay sa panonood sa kanilang vlog.
Ngunit kailangan nang bumalik ni Sandino sa Amerika. Bago siya tuluyang umalis, ginawan niya ng sariling channel ang dalawang matanda, at tinuruan niya si Lolo Wilberto kung paano kumuha ng video gamit ang camera o cellphone.
“Basta mag-video lang kayo, tapos ipadala ninyo sa akin sa email, ako na ang bahalang mag-edit at magpost,” paalala ni Sandino. “Patulong na lang kayo kay Mommy.”
At doon na nga nagsimula ang pagsikat nina Lolo Wilberto at Lola Andeng na tinawag na ‘Wineng LoveTeam’ o katunog ng ‘winning.’
“Nakakataba ng pusong magbasa ng mga mensahe na nakapagbibigay tayo ng kasiyahan at inspirasyon sa ating kapwa, sa pamamagitan ng mga ginagawa natin,” naluluhang sabi ni Lola Andeng.
Dahil sa kanilang kasikatan sa online world ay kinapanayam at naitampok na rin sila sa mga balita at iba pang TV shows. Kabilib-bilib naman kasi talaga na ang mga nakatatanda ay nakasasabay sa mga makabagong kalakaran ngayon gaya ng vlogging. Naipakita ni Lola Andeng ang kaniyang husay sa baking.
“Kung kailan tayo tumanda, saka pa natin naranasan ito,” naiiyak sa galak na sabi ni Lola Andeng kay Lolo Wilberto.
“Anong sabi ko sa iyo? Matuto lang tayong mag-enjoy na buhay tayo, dahil may silbi pa rin tayo kahit may edad na tayo. Sinong mag-aakalang sa edad nating ito ay makapagpapasaya pa tayo ng iba, at sisikat pa tayo?” wika naman ni Lolo Wilberto.
Nagpatuloy ang vlogging ng mag-asawa dahil may bago na silang misyon: ang magpasaya at magbigay-inspirasyon!

Ilang Araw nang Napapansin ng Negosyante ang Pagsipat ng Isang Matandang Lalaki sa Loob ng Kanilang Shop; Kinakailangan Nga Ba Nilang Mag-Ingat?
