Inday TrendingInday Trending
Humanap Siya ng Mayayamang Ninong at Ninang sa Kasal; Inobliga Niya pa ang mga Ito na Magregalo

Humanap Siya ng Mayayamang Ninong at Ninang sa Kasal; Inobliga Niya pa ang mga Ito na Magregalo

Simula nang pumayag ang dalagang si Makaila sa alok na kasal ng kaniyang kasintahan, wala na siyang ibang inisip kung hindi ang mga ninong at ninang na kukuhanin nila sa naturang pagdiriwang.

Sa katunayan, kahit hindi na nila napag-uusapang magkasintahan kung kailan, saan, at kung paano gaganapin ang kanilang pag-iisang dibdib at wala pang pamamanhikang nagaganap sa pagitan ng pamilya niya at pamilya ng kaniyang nobyo, mayroon na siyang nailistang gusto niyang maging ninong at ninang nila sa kasal.

“Mahal, idagdag ko kaya sa ninong natin ‘yong propesor natin noong kolehiyo? Hindi ba’t ang usap-usapan noong mga nakaraang buwan, tumama raw iyon sa lotto? Baka kapag kinuha natin siyang ninong, malaki ang maibigay niyang pera o maganda ang mairegalo niya sa atin!” masaya niya pang sabi sa kaniyang nobyo habang sila’y naglalakad-lakad sa parke.

“Huwag na ‘yon, mahal, nakakahiya naman. Hindi naman tayo parehong malapit sa kaniya, eh,” tanggi nito na ikinakunot ng noo niya.

“Si Ma’am Karen kaya? ‘Di ba ka-close mo ‘yon noong nasa kolehiyo pa tayo? Palagi pa nga kayong nililibre noon ng mga katropa mo, hindi ba? Tiyak, maganda ang maaaring iregalo noon sa atin!” sabi niya pa na ikinakamot ng ulo nito.

“Mahal, ang pagkuha ng ninong at ninang ay hindi lang dahil sa matatanggap nating regalo sa kanila. Dapat ‘yong kukuhanin natin ay talagang maaasahan natin kapag nagkaroon tayo ng problema sa relasyon natin. Paano naman tayo matutulungan no’n, eh, hanggang ngayon, nagbabarangayan sila ng asawa niya kada nag-aaway?” tugon pa nito kaya siya’y nanahimik na lang habang nag-iisip ng mga maaari nilang maging ninong at ninang na mayaman.

Bago tuluyang maiplano ang kanilang kasal, inilatag niya sa kaniyang kasintahan ang listahan ng mga gusto niyang maging ninong at ninang. Nakalista roon ang mga mayayaman nilang tito at tita, mga dati nilang gurong ngayon ay negosiyante na, mga politikong tatakbo sa eleksyon at kung sinu-sino pang mga mayayamang taong kakilala nilang dalawa.

At dahil nga pinaramdam niya sa kasintahan na lahat ito ay gusto niyang maging ninong at ninang, wala na itong nagawa kung hindi ang aprubahan ang kaniyang listahan.

Oramismo, isa-isa niyang pinadalhan ng mensahe ang mga taong ito kasama ng pinadala niyang imbitasyon.

“Mahal, huwag mo silang oobligahing magregalo ng mahal, ha?” paalala ng kaniyang nobyo.

“Oo naman! Bakit ko naman gagawin iyon?” sagot niya.

Kaya lang, ilang araw bago ang kanilang kasal, nang malaman niya ang laki ng halagang mababawas sa ipon nilang magkasintahan, hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili na hindi manghingi sa mga pumayag na maging ninong at ninang nila.

“Ninang, pwede bang refrigerator na lang ang regalo mo sa amin?”

“Ninong, baka naman pwedeng flat screen TV ang iregalo mo sa amin! Iyon na lang ang kulang sa mga gamit namin, eh!”

“Hello po, ninang, pera na lang po ang ipakimkim niyo sa amin, ha? Asahan po namin kayo!”

Ilan lang ito sa mga mensaheng pinadala niya. May kakaunting hiya man siyang nararamdaman bago niya ipadala ang mga mensaheng ito, kinapalan na niya ang kaniyang mukha dahil gusto niyang mabawi ang perang nagastos nila sa kasal.

Ngunit, nang dumating na ang pinakahihintay nilang araw, isang ninong at isang ninang lamang ang dumalo sa kanilang kasal. Sabi ng ibang ninong at ninang sa kaniya, may gagawin daw sila, habang ang iba nama’y may trabaho raw na hindi pwedeng ipagpabukas dahilan upang ganoon na lamang siya malungkot.

“Isang beses lang ito sa buhay ko, bakit naman gan’yan sila sa akin?” iyak niya sa asawa, ilang minuto matapos ang seremonya ng kasal.

“Tatapatin kita, Mikaila, ha? Ang pagkuha kasi ng ninong at ninang ay dapat talagang sinasala. Hindi porque mayaman o mapapakinabangan niyo, kukuhanin niyo na. Dapat ang kuhanin niyo ay ‘yong mag-asawa na may malalim na pagmamahalang kayang-kaya gumabay sa inyong dalawa sa buhay may asawa niyo. Saka hindi ka dapat nang-oobliga ng regalo, hija,” pangaral ng kaisa-isang ninang na dumalo.

“Ayan din po ang sabi ko sa kaniya,” bulong ng kaniyang asawa habang pinapakalma siya.

“Gusto ko lang namang mabawi ang nagastos natin sa kasal kaya humiling ako sa kanila ng mga regalo,” pagtatapat niya na ikinailing ng dalawa.

“Hayaan mo na, ang mahalaga, may isang gagabay sa inyong dalawa. Nandito ako, huwag ka nang malungkot d’yan. Hindi ko man maibigay ang refrigerator na gusto mo, pangakong habang buhay ako, gagabayan namin kayo ng asawa ko,” wika pa nito saka ngumiti sa kaniya na talagang ikinagaan ng loob niya.

Naaapektuhan man ang isa sa pinakaimportanteng pagdiriwang sa buhay nilang mag-asawa dahil sa ginawa niya, malaki naman ang aral na naituro nito sa kaniya na ipinangako niyang hinding-hindi niya na muling gagawin kahit sa anong selebrasyon dumaan sa buhay nilang mag-asawa.

“Ngayon ko lang napagtanto na nakakahiya pala talaga ‘yong ginawa ko, ano?” sabi niya pa sa asawa saka siya nagpasiyang humingi ng pasensya sa mga inobliga niyang magregalo sa kanilang kasal.

Advertisement