Inday TrendingInday Trending
Nainis Siya sa Ginoong Um-overtake sa Kaniya; May Matindi Pala Itong Kinakaharap na Pagsubok

Nainis Siya sa Ginoong Um-overtake sa Kaniya; May Matindi Pala Itong Kinakaharap na Pagsubok

Gusto palagi ng ginang na si Issa na mabilis siyang makapunta sa mga pinupuntahan niyang lugar. Bukod sa siya lang ang tanging nagbabantay at nag-aalaga sa kaniyang mga anak dahilan para lagi siyang magmadali tuwing naiiwan niya ang mga ito nang mag-isa sa bahay, mayroon pa siyang ugaling pagkamainipin na nagbibigay talaga sa kaniya ng matinding inis sa tuwing siya’y naiipit sa trapiko o kapag may humarang na sasakyan sa dinadaanan niyang kalsada. Isa kasi siyang negosiyante dahilan para halos araw-araw ay nasa kalsada siya upang i-deliver sa kaniyang mga mamimili ang mga produktong ibinebenta niya.

Siya ay labis na naiinis at pakiramdam niya’y tinatapakan ang pagkatao niya tuwing may umo-overtake sa kaniyang sasakyan, imbes na palampasin niya na lamang ito, binubusinahan niya ito nang napakalakas at matagal upang mainis din ito. May pagkakataon pa ngang lumalabas pa siya ng sasakayan tuwing naiipit siya ng trapiko upang pagsalitaan ang drayber na nag-overtake sa kaniya.

Ito ang dahilan para halos araw-araw siya ay may nakakaaway sa kalsada na labis na ikinababahala ng kaniyang panganay na anak na madalas niyang kasama sa kaniyang mga biyahe.

Isang araw, habang nasa biyahe silang mag-ina, abala sa pagbibilang ng mga produktong dala-dala niya sa sasakyan ang kaniyang anak. Tahimik lang siyang nagmamaneho noon habang nililinga-linga sa itaas na salamin ang anak dahil siya’y natutuwa sa kasipagan pinapakita nito sa kaniya.

Kaya lang, habang tinitingnan niya ito sa salamin, bigla na lang may isang sasakyang um-overtake sa kanilang sasakyan dahilan kaya siya’y biglang napapreno at nawala sa kaniyang konsintrasyon. Katulad ng nakasanayan niya, agad niya itong binusinahan nang napakalas dahil sa inis na nararamdaman niya.

Hindi pa siya roon nakuntento at kaniya pang binaba ang salamin ng bintana niya nang makatapatan niya ito sa trapiko.

“Sino ka sa inaakala mo, ha? Ikaw ba ang hari ng kalsada para mag-overtake ka na lang nang mag-overtake? Hindi mo ba naiisip na baka maaksidente ka ng mga inosenteng tao?” sigaw niya sa ginoong nagmamaneho.

“Pasensya na, miss, nagmamadali lang ako,” malunanay na tugon nito.

“Pasensya? Paano kung naaksidente kami? Masasagot ba ng pasensya mo ang bill namin sa ospital? Saka para sabihin ko sa’yo, nagmamadali rin ako!” inis niya pang bulyaw dito.

“Miss, pasensya ka na talaga. Wala akong ganang makipagtalo ngayon,” mahinang sabi nito saka isinara ang bintana ng sasakyan.

“Wow! Napakabastos mong tao! Sana, mabangga ka ng rumaragasang trak mamaya!” sigaw niya pa saka niya na rin itinaas ang kaniyang bintana.

Dahil sa labis na pagkainis, nang may madaan silang convenience store, siya’y agad na nagpunta roon upang bumili ng maiinom. Ngunit pagkapasok niya sa loob nito, nakita niyang nakaupo sa tapat nito ang ginoong kanina ay ikinaiinisan niya. Abala ito sa pakikipag-usap sa selpon kaya siya’y nakaisip ng paraan para ito’y gantihan.

Sasadyain niya sana itong sipain para lang mawala ang inis niya nang bigla niyang marinig ang sinabi nito sa kausap sa selpon.

“Pasensya na, mahal, mukhang hindi talaga ako makakaabot. Sobrang trapik dito at wala akong magawa para mapabilis ang pagdating ko riyan. Ihalik at iyakap mo na lang ako kay bunso bago siya tuluyang ipadala sa morgue,” iyak nito na talagang nakapagpatigil sa kaniya.

Ang inis na nararamdaman niya rito ay biglang napalitan ng awa at pangongonsenya dahilan para ipahiram niya rito ang kaniyang panyo.

“Nakikiramay po ako, sir. Pasensya na po kayo sa inasal ko kanina. Kaya pala kayo nagmamadali ay dahil sumakabilang buhay na ang anak niyo,” sabi niya pa rito, imbes na siyang makatanggap ng sagot dito, lalo lang itong humagulgol habang yakap-yakap ang bagong biling teddy bear na dala nito na siguro’y para sa yumao nitong anak.

Doon niya labis na napagtantong katulad niya, may kaniya-kaniya ring problemang binibitbit ang bawat taong nakakasalamuha niya sa kalsada. Ngayon niya naunawaan na hindi siya ang sentro ng mundo at ang tanging kailangang umuwi ng sariling bahay.

Nang mapansin niyang hinang-hina na ang ginoo at pakiramdam niya’y hindi na nito kayang magmaneho, pinagmaneho niya ito hanggang sa bahay nito upang bahagyang makatulong.

Naudlot man ang pagdedeliver niya ng mga produkto, lumuwag naman ang pakiramdam niya nang masiguro niyang ligtas itong nakauwi.

Dito na niya ipinangako sa sarili na kahit kailan, hindi na niya hahayaang mag-init ang ulo niya nang dahil lang sa problema sa kalsada dahil maaaring ang makasagutan o makabangga niya ay isang taong may kinahaharap na malaking pagsubok sa buhay.

Advertisement