Inday TrendingInday Trending
Siya’y Agad na Nagalit nang Malamang Hindi Pumapasok sa Eskwela ang Anak; May Kabutihan Naman Pala Itong Ginagawa

Siya’y Agad na Nagalit nang Malamang Hindi Pumapasok sa Eskwela ang Anak; May Kabutihan Naman Pala Itong Ginagawa

Kahit na may nararamdaman nang sakit sa kaniyang tiyan ang padre de pamilyang si Ruben tuwing siya’y nagbubuhat ng mga mabibigat na bagay sa pabrikang pinagtatrababuhan niya, patuloy pa rin siyang nagbabanat ng buto upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilyang siya lamang ang tanging inaasahan.

Ni minsan, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na magpatingin sa doktor dahil nga kulang pa ang kaniyang sinasahod sa laki ng gastusin nila sa bahay, baon ng kaniyang dalawang anak, at bayad sa kanilang mga utang sa bumbay.

Gabi-gabi man siyang hindi pinapatulog ng kirot na umiikot sa kaniyang tiyan na nagpapanginig sa buo niyang kalamnan, tahimik niya itong tinitiis upang huwag lang muling madagdagan ang kanilang pagkakautang.

Kaya lang, isang araw, nang siya’y utusan ng isa sa kaniyang mga boss na magdeliber ng mga produkto sa paaralan ng kolehiyo na pinapasukan ng kaniyang panganay na anak, siya’y labis na nanghina sa nalamang balita mula sa isang propesor ng kaniyang anak.

“Naku, tatay, pagsabihan niyo po ‘yang anak niyo, isang beses pa lang po yata siya pumapasok sa klase ko. Magtatapos na po ang isang semestre, tiyak na babagsak siya, tatay, kapag hindi pa siya pumasok,” sabi ng naturang propesor na agad niyang ikinagalit.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya agad na magdesisyong patigilin na sa pag-aaral ang anak niyang ito. Pagkadating na pagkadating nito sa kanilang bahay, agad na niya itong sinermunan.

“Akala mo biro ang ginagawa kong trabaho, para magloko ka nang gan’yan? Nagpapakapagod ako mabigyan ka lang ng baon tapos hindi ka papasok sa eskwelahan? Hindi ba sobrang kapal naman ng pagmumukha mo niyan, anak?” galit niyang bungad dito.

“Pasensya na po, papa, hindi na po mauulit,” tangi nitong sagot.

“Talagang hindi na mauulit dahil simula ngayon, hindi ka na mag-aaral at isang buwan kang hindi lalabas ng bahay! Mahirap lang tayo, anak, magpakatino ka sa buhay mo!” bulyaw niya pa rito na ikinaiyak na lamang nito.

Sa sobrang galit niya, muling sumakit ang kaniyang tiyan at dahil nga ayaw niya itong ipaalam sa kaniyang mag-iina, dali-dali siyang nagtungo sa palikuran at doon niya ininda ang sakit na nararamdaman na tumagal ng halos isang oras.

“Papa, ayos ka lang po ba?” pag-aalala ng kaniyang panganay na anak matapos siya nitong katukin.

“Huwag mo akong kausapin! Naiinis ako sa pagkasuwail mo!” sigaw niya pa rito, itutuloy niya pa sana ang panenermon nang makarinig siya ng tunog ng isang ambulansya.

“Papa, halika na, kailangan mo na talagang magpatingin sa ospital,” mangiyakngiyak nitong tawag sa kaniya na ikinagulantang niya.

“Anong ibig mong sabihin? Wala akong sakit! Saka, anong ipapambayad natin sa ambulansyang ‘yan?” natataranta niyang sabi saka na siya nagpasiyang lumabas ng palikuran.

“Gabi-gabi kitang nakikitang nagdurusa sa sakit na hindi mo alam kung ano kaya nagpasiya akong magtrabaho muna kaysa mag-aral, papa. Ito po, nakaipon na ako ng sapat na perang pangpatingin mo sa doktor,” kwento nito.

“Anak, mas importante ang pag-aaral mo!” sabi niya rito.

“Mas importante ka, papa, maaari pa naman akong mag-aral kapag gumaling ka na. Pero kung patuloy akong mag-aaral, baka hindi pa ako nakaka-graduate, wala ka na sa tabi ko dahil sa sakit mo,” iyak nito dahilan para wala na siyang ibang magawa kung hindi ang magpadala sa ospital.

Doon sa ospital napag-alamanan niyang may bato na siya sa apdo, ang rason kung bakit ganoon na lang kung sumakit ang kaniyang tiyan.

“Kailangan na po kayong operahan, tatay, hindi na po ito madadaan sa gamutan,” sabi ng doktor sa kanilang mag-anak.

“Naku, wala po kaming sapat na pera para riyan, dok,” agad niyang sabi saka dali-dali naghanda sa pag-alis.

“Papa, may pera tayo,” sabat ng panganay niyang anak na labis niyang ikinagulat, “Kailan po ba siya pupwedeng maoperahan, dok?” tanong pa nito sa doktor kaya agad nitong inaayos ang iskedyul ng kaniyang operasyon.

Habang kinakausap ng panganay niyang anak ang naturang doktor, tinanong niya sa kaniyang bunso kung saan ito nakakuha nang malaking halaga ng pera.

“Maraming raket ‘yan si kuya, papa. Marami rin siyang napahanga sa dahilan niya kung bakit siya nagtatrabaho kaya nakaipon siya nang malaking halaga ng pera. Bukod pa roon, hindi ka pa man naooperahan, iyong isang amo niya, nangako nang sasagutin ang lahat ng gastusin mo sa ospital,” kwento nito na talagang ikinaluha niya na lang sa sobrang tuwa.

Pagkalapit ulit sa kaniya ng anak niyang ito, hindi na niya napigilan ang sarili niyang hindi ito yakapin. Wala siyang ibang nasabi rito kung hindi, “Salamat, anak!”

Doon niya labis na napagtantong kahit na sila’y kapos sa buhay, maayos niyang napalaki ang anak niyang ito. Ilang araw pa ang nagdaan, tuluyan na nga siyang naoperahan nang walang ginagastos ni piso. Siya rin ay tuluyang pinagpahinga ng kaniyang mga anak habang nagtutulong ang dalawa na punan ang kaniyang mga responsibilidad kasabay ng pag-aaral.

Dito na siya nagkaroon ng pagkakataon na humingi ng tawad sa panganay niyang anak at magpasalamat din sa kabutihang mayroon ito.

“Kung hindi dahil sa’yo, anak, baka anumang oras ngayon, magpapaalam na ako sa inyo. Salamat sa pagsasakripisyo mo,” sabi niya pa rito.

“Gagawin ko lahat para sa inyo, papa,” sagot nito saka siya niyakap nang mahigpit.

Advertisement