Inday TrendingInday Trending
Pakiramdam ng Babae ay Wala Siyang Silbi sa Mundo; Isang Magandang Sorpresa Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Pakiramdam ng Babae ay Wala Siyang Silbi sa Mundo; Isang Magandang Sorpresa Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Nagising si Mildred sa tunog ng kaniyang telepono. Hindi na niya tiningnan kung sino iyon. Iritable niyang sinagot ito.

“Hello?” pupungas-pungas na bungad niya sa tumatawag.

“Mildred? Nagte-text ako, hindi ka naman sumasagot,” masiglang bungad ni Ashley, isa sa mga malalapit niyang kaibigan.

“Natutulog ako kaya hindi ako nasagot. Bakit ka napatawag, Ash?”

Hindi na niya napigilan ang bumahid na inis sa boses niya. Kagabi lang kasi ay kasama niya sa inuman si Ashley, at alam nito na puyat siya at may hang-over pa. Hindi niya maintindihan kung bakit siya nito ginigising nang ganoong oras.

“Mahalaga lang kasi. Sorry, Mildred,” anito.

Siya naman ang nakonsensya sa pagtataray sa kaibigan. Pilit niyang kinalma ang sarili.

“Ano ‘yan? Sabihin mo na nang makabalik na ako sa pagtulog,” malumanay na udyok niya sa kaibigan.

Nanumbalik ang sigla sa boses nito.

“Kasi gusto kong kunin ang serbisyo mo. Mag-organize ka naman ng party para sa kakilala ko,” pakiusap nito.

Isang event organizer si Mildred. Marami na siyang karanasan sa pag-oorganisa ng kasal, kaarawan, anibersaryo, at kung ano-ano pang okasyon.

Wala siyang dahilan para tumanggi, kaya naman agad-agad siyang um-oo sa kaibigan.

“Walang problema. Kailan ang okasyon?” usisa niya.

“Sa susunod na buwan. Birthday. February 21,” sagot nito.

Natigilan siya. Kaarawan niya kasi ang araw na iyon.

“Ash, birthday ko ‘yun. Nalimutan mo ba?” Nanumbalik ang inis niya sa kaibigan.

Tumawa ito.

“Oo, alam ko. Pero naalala ko kasi ‘yung usapan natin kagabi nung nag-iinuman tayo. Sabi mo ayaw mong mag-birthday kasi tatanda ka na naman, magku-kwarenta ka na, tapos pakiramdam mo wala ka pang nagagawa sa buhay. Kaya naisip ko na bigyan ka na lang ng trabaho sa birthday mo, para naman hindi mo na maisip ‘yung mga ganyang bagay,” mahabang paliwanag nito.

Napailing na lang siya sa paliwanag ng kaibigan. Kung minsan talaga kasi ay kakaiba ito mangatwiran at mag-isip.

Pero hindi niya maikakaila na may punto ito. Sa huli ay pumayag na rin siya nais ng kaibigan.

“Mabuti na nga ‘yun na may ginagawa ako, kesa magmukmok ako sa bahay. Kung magtrabaho ako, kikita ako,” sa loob-loob niya.

Naging nakasisiya para sa kaniya ang pag-oorganisa ng party para sa kakilala ni Ashley. Elegante kasi ang party na nais nito, isang istilo na gusto niya.

Ang sabi pa ni Ashley ay huwag siyang magtipid, at gawing maganda at perpekto ang lahat, kaya naman tuwang-tuwa siya. Bilang isang event organizer kasi ay iyon ang kasiyahan niya.

Bago pa dumating ang okasyon ay handang-handa na si Mildred. Maayos na ang lahat, at sigurado siyang hindi siya mahihiya sa kliyente na ni minsan ay hindi niya pa nakilala.

Nang sumapit ang okasyon, maaga pa lang ay naroon na siya sa lugar kung saan gaganapin ang okasyon. Nais niya kasi na maging perpekto ang lahat.

Nagulat siya nang isa-isang dumating ang mga bisita. Kilalang-kilala niya kasi ang mga ito!

Naroon ang kaniyang pamilya at ilang malalapit na kaibigan.

At ang pinakanakakagulat sa lahat ay dumating din ang mga bata mula sa isang ampunan na madalas niyang bisitahin.

Nang tapunan niya ng gulat na sulyap si Ashley ay ngumiti lang ito at nagpatuloy sa pag-eestima ng mga bisita.

Nang magkaroon ng pagkakataon ay nilapitan niya ang kaibigan.

“Para kanino ba ang party na ‘to?” usisa niya.

Nagkibit balikat lamang ito bago ngumiti.

“Malalaman mo rin mamaya. I-welcome mo muna ang mga darating pang bisita,” anito.

Wala siyang ibang magawa kundi ang sundin ang sinabi ng kaibigan.

Ilang saglit lang ay mga katrabaho naman niya ang dumating.

Nang pumatak ang alas otso ng gabi ay umakyat si Ashley sa entablado.

“Maraming salamat po sa inyong pagdalo. Narito po tayong lahat upang ipagdiwang ang buhay ng isang taong malapit sa ating lahat. Ang kaibigan at kapamilya natin na si Mildred…” pagsisimula nito.

Umugong ang malakas na palakpakan. Naghiyawan ang mga bisita nang tumapat sa kaniya ang maliwanag na ilaw. Hindi malaman ni Mildred ang gagawin dahil sa labis na pagkabigla. Hindi niya inaasahan na may plano pala ang mga ito na sorpresahin siya!

Muling nagsalita si Ashley.

“Ang sabi ni Mildred, pakiramdam niya ay tumatanda lang siya, pero pakiramdam niya ay wala pa siyang nagagawa sa buhay. Alam naman natin na hindi totoo ‘yun, hindi ba?” tanong ni Ashley sa magdla.Isang malakas na “Tama!” ang umalingawngaw.

“Kaya naman papatunayan natin kay Mildred na isa siyang biyaya sa buhay natin,” nakangiting wika ni Ashley bago tinawag ang pangalan ng ilan sa mga bisita para umakyat sa entablado.

Kasama roon ang kaniyang ina, kapatid, ang batang ampunan na si Des, ang katrabaho niya na si Grace.

Ang mga sunod na sinabi ng mga ito ay labis na nagpaluha kay Mildred.

“Napakabait ni Ma’am Mildred. Hindi niya ni minsan nalimot na magbahagi ng biyaya. Parati akong may bonus kapag malaki ang kinita namin sa isang proyekto,” nakangiting kwento ni Grace.

“Ni minsan po hindi kami naubusan ng pagkain sa bahay-ampunan. Ang sabi pi ni Sister, dahil daw po ‘yun sa walang sawang pagbibigay si Ate Mildred para sa aming mga nasa ampunan,” kwento naman ng batang si Des.

“Si Ate Mildred, ni minsan ay hindi nagdamot. Hindi siya nag-aatubili na bigyan ako kahit minsan, pero kapag sa sarili niya ang tipid-tipid. Sana ‘wag mo nang gawin ‘yun, Ate. Dahil lahat ng meron ka ay alam kong pinaghirapan mo,” litanya naman ng kapatid niya.

“Anak, malaki ang pasasalamat ko sa’yo. Maaasahan ka sa lahat ng oras. Mapagbigay ka sa iba, lalong-lalo na sa amin na pamilya mo. Parati kong nagdarasal na sana ay lumigaya ka, anak,” emosyonal namang mensahe ng kaniyang ina.

Tila lolobo ang puso ni Mildred sa saya. Hindi niya kasi inakala na ganoong pala ang impluwensya niya sa buhay ng mga ito.

“Maraming salamat sa inyo… Sa pag-aabala. Labis niyo akong napasaya,” aniya sa mga bisita.

Matapos ang mahabang iyakan, sumunod ang walang humpay na sawayan, kantahan, kainan, at kwentuhan. Pawang masaya ang bawat isa.

Namataan si Mildred ang pasimuno ng magandang sorpresa na iyon—si Ashley. Nais niyang pasalamatan ang kaibigan.

“Sana ay ‘wag ka nang malungkot, Mildred. Oo, tumatanda na nga tayo, pero marami kang natulungan,” ani Ashley.

“Salamat! Ito na ang pinakamasayang birthday ko,” naluluha, ngunit galak na galak na pasasalamat niya sa kaibigan bago ito niyakap nang mahigpit.

Ngunit natigagal siya nang may maalala.

“Ash, kung surprise party pala ito, sino ang magbabayad?” takang tanong niya sa kaibigan.

Sumeryoso ito.

“Hindi ko ba nasabi? Ikaw ang magbabayad…” nakangiwing sagot nito.

Napanganga siya.

“Ano? Wala siyang ganoong kalaking pera!” nanlalaki ang matang bulalas niya.

Unti-unti itong napangisi bago ito tuluyang napahalakhak.

“Biro lang! Kami na ang bahala! Wala kang babayaran ni singko,” natatawang bawi ni Ashley.

Nakahinga siya nang maluwag bago pabirong hinampas ang braso ng kaibigan.

“Lukaret ka talaga! Muntik na ako himatayin rito, ha!” aniya.

Isang malakas na halakhak lang ang isinagot nito.

Advertisement