Inday TrendingInday Trending
Kinamumuhian ng Dalaga ang mga Nanlilimos sa Kalye; Isang Kwento ng Mag-ina ang Magpapalambot sa Matigas Niyang Puso

Kinamumuhian ng Dalaga ang mga Nanlilimos sa Kalye; Isang Kwento ng Mag-ina ang Magpapalambot sa Matigas Niyang Puso

Napaismid na lang si Esme nang makita niya na inabutan ng kaibigan niya ng pera ang isang namamalimos na matanda.

“Ano ka ba naman, bakit mo binibigyan ‘yun? Hayaan mo sila na magbanat ng buto!” pasimpleng pangaral niya rito.

“Binigyan ko kasi may sobra akong pera,” simpleng paliwanag nito.

Hindi na siya nagsalita, ngunit nanatili siyang nakataas kilay.

Ni minsan kasi ay hindi siya nagbigay sa mga namamalimos, bata man o matanda. Ang palagay niya kasi ay tatamad-tamad ang mga ito, na umaasa lang sa pinaghirapan ng iba.

Naghiwalay silang magkaibigan sa sakayan ng jeep.

“Ingat ka pauwi,” simpleng paalala niya sa kaibigan bago sila maghiwalay.

Biyernes, kaya naman nang mapadaan siya sa Quiapo at natiyempuhan niya na may misa ay naisipan niya na dumaan na rin upang magkumpisal at magsimba.

Nasa kalagitnaan na ang misa noong dumating siya kaya naman makalipas ang mahigit kalahating oras ay naglalakad na siya palabas ng simbahan.

Nang makalabas siya ay agad siyang napasimangot. Nakakita na naman kasi siya ng klase ng tao na pinaka-kinamumuhian niya—ang mga namamalimos.

“‘Te, palimos po,” anang isang bata.

Umirap siya bago ito nilampasan.

Ngunit bago siya makarating sa sakayan ng jeep ay dalawang tao ang pumukaw sa atensyon niya.

Dalawang pulubi ang nakaupo sa isang gilid. Ang matandang babae ay aktibong sinasahod ang marumi nitong kamay sa mga dumadaan, habang ang lalaking tingin niya ay nasa trenta ang edad ay may hawak na isang luma at maruming laruan. Base sa kilos ng lalaki, sa tingin niya ay may problema ito sa pag-iisip.

Napukaw ang atensyon niya dahil tinawag ng lalaki ang matandang babae na “Nanay.”

Nahinuha niya na mag-ina ang dalawa, bagay na mas lalong nagpakulo ng dugo niya.

Hindi niya kasi maiwasang magalit sa matanda, na bigong mabigyan ng magandang buhay ang anak nito. Naisip niya na ang mga gaya nito ay walang karapatan na magluwal ng bagong buhay sa mundo.

Kaya naman imbes na ignorahin ang dalawa ay pinili niya na lapitan ang mga ito.

“Anak n’yo ho?” tanong niya.

Tumango ang matanda.

“Bakit ho kayo namamalimos? Bakit hindi kayo maghanap ng trabaho at itaguyod ang anak niyo?” kastigo niya sa matandang babae.

Nakita niya ang gulat sa mga mata nito. Ngunit ilang sandali lang ay ngumiti ito.

“Alam mo, kung may tatanggap sa akin, hinding-hindi ako tatanggi sa trabaho, lalo na’t kailangan ng anak ko ng atensyong medikal. Pero ikaw ba, kung papasok ako sa bahay niyo bilang labandera, o ‘di kaya ay kasambahay, papayag ka, hija?” marahang tanong niya.

Hindi siyang nakaimik, ngunit alam niya na kung mangyayari iyon, malamang ay ipagtatabuyan niya ang matanda.

“Walang oportunidad para sa aming mga palaboy, hija. Kaya mas lalo lang kaming lumulubog sa lusak…” malungkot na komento ng matanda.

Dahil sa pagkapahiya ay napasulyap siya sa lalaki, na anak ng matanda.

“Kung ganoon, bakit pinili n’yo pang mag-anak at ipasa sa anak niyo ang pagdurusa? Hindi dapat kayo nag-anak!” galit na pangaral niya sa matanda.

Hindi agad nakaimik ang matanda, at nagsimula itong lumuha. Ngunit maya-maya ay nagsimula itong magkwento.

“Sa tingin mo ba ipinanganak ko siya na ganito? Hindi. Nagkaganito kami dahil sa sakit ng anak ko. Sa pagbabalik-balik naman sa ospital, unti-unting naubos ang ipinundar naming mag-asawa. Tuluyan kaming lumagpak noong pumanaw ang asawa ko. Nagkandautang-utang kami, hanggang sa mailit ng bangko ang lahat ng ari-arian namin. Hindi naman ganito ang buhay namin sa umpisa, hija,” pagsasalaysay ng matanda.

Hindi makapaniwala si Esme na may ganoon pala kalalim na kwento ang mag-inang pulubi. Bigla-bigla ay nais niyang bawiin ang mga nasabi sa dalawa.

“Maaaring sa paningin niyo ay pare-pareho kaming mga pulubi. Madumi, tamad, umaasa sa pinaghirapan ng iba, at kung ano-ano pa. Sana ay alalahanin niyo na tao rin kami at may kwento sa likod ng kaawa-awa naming buhay. Kung hindi n’yo kami nais tulungan, sana ay ‘wag n’yo kaming husgahan at agad-agad pag-isipan ng masama. Alam ko na naiintindihan mo, dahil isa ‘yan sa mga bagay na madalas ituro ng simbahan,” pakiusap ng matanda.

Hiyang-hiya siyang humingi ng dispensa sa matanda.

“Pasensya na po. Tama po ang sinabi niyo. Wala akong karapatan na humusga na para bang alam ko ang pinagdaanan niyo…”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay dumukot siya sa bulsa niya at bukal sa loob na nag-abot ng tulong sa mag-inang abot langit yata ang pinagdaraanang pagdurusa.

Ang pangyayaring iyon ang nagbigay daan upang mabuksan ang isip ni Esme sa ukol sa mga nanlilimos.

Kaya naman ipinangako niya na simula noon ay pagtulong, imbes na panghuhusga ang ibabato niya sa mga ito.

Advertisement