Ramdam ng Dalaga na May Itinatago ang Kaniyang Ama; Tama ba ang Masama Niyang Hinala Rito?
“Po? Sigurado po kayo?” hindi makapaniwalang tanong ni Marissa sa kausap niyang empleyado ng bangko.
“Opo, Ma’am. Ayon po sa datos namin, umutang po ang tatay niyo ng singkwenta mil noong nakaraang buwan,” sagot nito.
Ipinakita pa sa kaniya ang ilang dokumento na pawang pirmado ng kaniyang tatay bilang patunay.
Natahimik siya habang pinoproseso ang nalaman. Wala kasi siyang ideya kung bakit umutang ang tatay niya gayong hindi naman nila iyon kailangan. Sa pagkakaalala niya, maayos naman ang takbo ng maliit nitong negosyo at kung kailangan naman nito ng pera, pwede naman itong magsabi para magawan niya ng paraan. Kaya’t palaisipan sa kaniya ang ginawa nito.
“Mukhang hindi niyo rin po alam ang dahilan, Ma’am?” tanong nito nang mabanaag ang kaniyang reaksyon.
Ngumiti siya saka nahihiyang tumango.
“Ayos lang po. Sa tagal-tagal naman po ng panahon na naging kliyente namin siya, hindi naman po siya naging pabaya kahit kailan,” dagdag nito.
Pilit siyang ngumiti. Alam niya naman iyon, pero hindi niya maiwasan mag-isip ng kung ano-ano.
Nag-aalala siya sa posibilidad na tama ang kaniyang iniisip.
Nang makalabas ng bangko, imbes na bumalik sa trabaho ay nagpasya siyang umuwi para puntahan ang ama. Gusto niya kasing malaman ang dahilan kung bakit nito nagawang umutang ng ganoon kalaking halaga at kung saan nito gagamitin ang pera.
Sumilip siya sa maliit na tindahan na pinapatakbo nito. Hindi niya namataan ang ama kaya ang tagabantay na si Jong ang tinanong niya.
“Naku, hindi ko po alam, Ate Marissa. Maaga po siyang umalis, may pupuntahan daw,” kwento nito.
Pasimple niyang nilibot ang tingin sa tindahan. Walang nabago doon, at walang nadagdag kahit kaunti.
“Kumusta nga pala ang negosyo? Nalulugi ba tayo?” usisa niya, determinadong malaman ang totoo.
“Hindi naman po. Sa katunayan mas maganda nga po ang kita namin ngayon. Mukhang nakikilala na ‘tong tindahan natin dahil dumadami na ang kustomer,” masayang pagbabalita nito.
Napabuntong hininga na lang siya saka napagpasyahang sabihin dito ang totoong bumabagabag sa kaniya. Malaki naman ang tiwala niya rito dahil ito ang palaging kasama ng tatay niya sa araw-araw
Naisip niya ang gulat sa mukha ng binatilyo bago ang pag-aalala. Alam niya na pareho sila ng naiisip.
“Sa tingin mo ba bumalik na naman siya sa dati niyang bisyo?” tanong niya.
Ito naman ang napabuntong hininga.
“Ayaw ko po sanang magsalita nang masama, pero posible po na bumalik na naman po siya sa pagsusugal. Madalas po iyong umaalis nitong mga nakaraang araw tapos gabi na kung umuwi. Kapag tinatanong ko, hindi naman ako sinasagot,” pahayag nito.
Tila may kumurot sa puso ni Marissa. Alam kasi niya kung gaano kahirap ang buhay nila noong lulong na lulong sa sugal ang ama. Dumating sa punto na halos maubos na ang mga gamit nila sa bahay dahil lang binebenta ito para tustusan ang bisyo.
Kinailangan niyang magtrabaho nang matindi para muling makapundar. Sa awa naman ng Diyos, nakumbinsi niya itong magbago. Nakabawi sila at nakapagtayo pa ito ng maliit na negosyo.
Akala niya ay ayos na ang lahat pero mukhang babalik na naman sila sa dati.
Mas lalo siyang namroblema nang maalala niya na isang linggo na lang ikakasal na siya. Mas lalo siyang mahihirapang bantayan ang kilos ng ama.
“Ate, bakit hindi mo na lang tanungin, imbes na nag-iisip tayo ng kung ano-ano dito?” ani Jong.
Tumango siya. Mas mabuti pa nga nga komprontahin niya na ang ama habang maaga pa para maiwasan ang nagbabadyang problema.
Nang tanungin niya ito kinabukasan, matindi ang naging pagtanggi nito sa bintang niya.
“Kung ganoon, saan niyo po dinala ang perang hiniram niyo sa bangko, Tatay? Mukhang hindi naman po iyon para sa negosyo…” hindi kumbinsidong komento niya.
“Basta, anak! Hindi ko pwedeng sabihin sa’yo pero ‘wag kang mag-alala, kung anuman ang iniisip mo, hindi ‘yan totoo,” pinal nitong sinabi.
Wala man siyang nagawa kundi tanggapin ang paliwanag nito, buong linggo namang hindi nawala sa isip niya ang hinala. Madalas siyang pasikretong tumatawag kay Jong para malaman kung ano ang ginagawa ng ama. Ayon dito, araw-araw pa rin itong umaalis.
Sumapit ang gabi ng kasal niya. Nagdesisyon siyang matulog nang maaga bilang paghahanda nang makarinig siya ng katok sa pintuan.
Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya ang ama na malawak ang ngiti. Kasama nito ang dalawa niyang matalik na kaibigan.
“Anong ginagawa niyo rito? Bakit kayo magkakasama?” takang tanong niya.
“Mamaya na ‘yang tanong! May surpresa kami sa’yo!” sabik na bulalas ng kaniyang Tatay.
Noon niya napansin ang isang malaking puting kahon sa tapat ng pinto niya.
“Buksan mo na, anak,” muling udyok ng kaniyang ama. Tila mas sabik pa itong makita ang laman ng kahon.
Nang buksan niya ang kahon ay bumungad ang wedding gown na pinapangarap niyang bilhin!
Hindi niya iyon nabili dahil pinili niya na maging praktikal at bumili ng mas mura at simple.
Napasulyap siya sa ama. Ngiting-ngiti ito.
“Ito ba ang dahilan kung bakit ka humiram ng pera sa bangko, ‘Tay?” pagkukumpirma niya sa hinala.
“Tinawagan kami ni Tito matapos niyang malaman na hindi mo binili ‘yung gusto mong gown kasi nagtitipid ka. Ang sabi niya, gusto ka niyang surpresahin ng mas magandang gown kaya nagpatulong siya sa aming dalawa,” paliwanag ng kaibigan.
“Ano bang hinihintay mo? Suotin mo na para makita natin!” udyok ng kaniyang Tatay, na agad niyang sinunod.
Nang makita niya ang sarili sa salamin, bumuhos ang luha niya. Hindi niya akalain na makapagsusuot siya ng ganoon kagarbong damit!
Bumaling siya sa ama.
“Pero ang mahal nito, Tatay. Hindi niyo na dapat ‘to binili pa para lang sa akin…”
Bagaman gustong-gusto niya ang damit ay hindi niya pa rin maiwasan na manghinayang.
Ngumiti lang ito.
“Anak, ‘wag mo nang alalahanin pa ‘yun. Kayang-kaya ko na ‘yun bayaran. Napakarami ng naging sakripisyo mo para sa amin, lalo na noong lulong ako sa sugal. Napakabuti mong anak sa akin, kaya gusto ko ring subukan na maging mabuting ama sa’yo. Gusto ko na mapasaya naman kita sa espesyal na araw mo,” anito, na mas lalong nagpaluha kay Marissa.
Niyakap niya ito at doon niya napagtantong gaano man siya kamahal ng kaniyang mapapangasawa, hindi pa rin noon mapapantayan ang pagmamahal ng unang-unang lalaking nagmahal sa kaniya.