
Nilibak ng mga Kapitbahay ang Doktor na Traysikel Lamang ang Ginagamit sa T’wing Pumapasok sa Trabaho; Pagkakaroon nga ba ng Kotse ang Batayan ng Pagiging Matagumpay?
Pauwi na si Arnold sa bahay nila nang mapansing may tila nag-aaway sa kanto kung saan dadaan ang kaniyang traysikel papasok sa bahay nila. Luma na ang traysikel na minamaneho ni Arnold, bale iyon ang ginagamit niyang service, sa t’wing papasok siya sa trabaho at uuwi.
Ilang dekada na yatang ginamit ng papa niya ang tryasikel na ito, pero mukha pa ring bago, dahil inaalagaan ito ng kaniyang ama at tuwing kalahating taong pinapapinturahan, upang hindi man mangalawang.
Kaysa mag-commute araw-araw ay naisip niyang hingin ang traysikel ng kaniyang ama upang mas mapagaan ang kaniyang buhay.
“Annabel?” mahinang usal ni Arnold nang maaninagan ang kapatid na siyang nakikipag-away sa mga hindi niya kakilalang mga kaedad lang din nito.
Agad siyang bumaba sa traysikel upang awatin ang kapatid na nakikipag-suntukan at sabunutan sa iba pang babae.
“Kapal ng mukha mo! Mukha ka namang pokp*ok!” nanggigigil na wika ni Annabel, habang sinasabunutan ang babaeng kaaway nito.
“Ayos lang kahit mukha akong pokp*ok! At least hindi kami propesyonal na mahirap pa rin,” nang-aasar pa na wika ng kaaway ni Annabel.
“Tama na, Annabel!” awat ni Arnold sa kapatid. “Anong bang nangyari’t nakikipag-away ka rito? Gusto mo bang isumbong kita kay mama at papa?” kausap niya sa kapatid.
“Kasi naman kuya e, sinasabi ng malanding babae na iyan ay mga propesyonal nga raw tayo, pero mahihirap. Kagaya mo kuya, imbes na kotse ang service, traysikel ang lagi mong dala sa t’wing pumapasok ka sa ospital na pinagtatrabahuan mo,” umiiyak na sumbong ni Annabel.
Hindi makapaniwala si Arnold na big deal na pala sa mga tsismosa niyang kapitbahay ang kaniyang dinadalang service sa t’wing siya’y pumapasok sa trabaho. Ano bang mali sa ginagamit niya? Oo, isa siyang General Practitioner o sa madaling salita’y doktor siya.
Ilang taon ang ginugol niya sa pag-aaral ng medisina at nang grumaduate ay agad na nagtrabaho at sa awa ng Diyos ay limang taon na siyang nagta-trabaho at isa na siya sa mga regular doctors.
Malaki naman ang sinasahod niya at kung tutuusin ay kaya niyang bumili ng kotse upang gamiting service. Pero wala rin namang problema sa traysikel, kaya bakit parang isang malaking kasalanan ang ginagawa niya?
“Ano naman kung tawagin nila tayong mga propesyonal, pero mahihirap dahil traysikel lang ang ginagamit natin imbes na kotse, Annabel?” kausap niya sa kapatid pero pinapatamaan niya sa ibang tao na naroroon at nakikiusyuso.
“Maging proud ka pa rin kasi kahit mahirap lang ang mga magulang natin ay nakayanan nilang pag-aralin tayo’t gawing propesyonal, hindi mo kailangang makipag-away sa ibang tao para patunayan ang sarili mo.
Oo mahirap lang tayo, pero wala tayong ibang inaapakang tao. Kaya nating bumili nang sasakyan, pero hindi natin ginawa dahil hindi naman natin kailangang patunayan sa iba na mataas na tayo, dahil napag-aral tayo nila mama at papa. Walang mali sa traysikel na ginagamit ko, alam mo ang mali, Annabel?”
“A-ano kuya?” humihikbing tanong ng kapatid.
“Ang mga utak ng kapitbahay nating ang tataas ng standards para sa ibang tao, pero hindi nila nakikita ang sarili nila!” matigas na wika Arnold. “Hindi por que doktor na’y dapat kotse na rin at mamahalin na ang ginagamit.
Hindi tayo pinalaki ng mga magulang natin upang pagluguran ang iniisip ng iba sa’tin, pinalaki nila tayo upang pagbutihin ang sarili natin habang tayo’y lumalaki. May kotse ka nga at mamahaling gamit, palagi namang sardinas at tuyo ang ulam niyo sa hapag, ay huwag na lang.
Kaya itigil mo na ang pagpapa-apekto sa sinasabi ng ibang tao sa’tin. Tanggapin mo ang masasakit na sinasabi nila, ang mahalaga’y kilala mo ang iyong sarili at wala kang ibang inagrabyado, tapos ang usapan!” mahabang litanya ni Arnold, saka hinawakan ang kamay ng kapatid at pinasakay sa loob ng traysikel.
Hindi basehan ang mamahaling gamit, upang sabihing mayaman ang pamilya niyo. Maraming tao na ang yayaman tingnan pero puro sa utang lang naman pala nanggaling ang pera. Wala sa panlabas ang basehan kung paano niyo masasabing mayaman ang isang tao.
Sa palagay ni Arnold ay mayaman sila dahil nagawa silang palakihin ng mga magulang nila sa tamang paraan at napag-aral sila ng mga ito sa sariling sikap. Sapat upang masabi nilang sila’y mayaman at ipagmalaki sa iba.
Ang pagiging doktor niya’y sapat na upang masabing mayaman ang kaniyang pamilya, hindi man sa pera, ngunit sa pagiging makatao nila.