Inday TrendingInday Trending
Imbes na Ipambayad ng Gupit ay Marami sa Kalalakihan ang mas Nais Unahin ang Pambili ng Pagkain; Isang Binata ang Magmamagandang Loob

Imbes na Ipambayad ng Gupit ay Marami sa Kalalakihan ang mas Nais Unahin ang Pambili ng Pagkain; Isang Binata ang Magmamagandang Loob

“Oy! Herman, break time mo na,” paalala ni Manuel.

“Sige tatapusin ko lang itong huling tina-type ko, kailangan na kasi ito mamaya ni boss,” aniya saka muling ipinagpatuloy ang trabaho.

Nang matapos ay agad niyang kinuha ang shoulder bag at ang mga papeles na kailangan ng kaniyang boss, at lumabas na sa opisina. Dalawang oras ang kaniyang break kaya kakain na muna siya sa pinakamalapit na kainan at saka gagawin ang kahapon pa naisip na gawin.

Isang barbero ang pamilyang pinagmulan ni Herman, mula sa kaniyang mga lolo pa sa tuhod hanggang sa kaniyang ama’y lahat mga marunong maggupit ng buhok.

Kahapon habang naglalakad siya’y marami siyang nakitang mga lalaking mahahaba ang buhok kaya naglakas loob siyang tanuningin ang isa sa mga ito at napag-alaman nga niyang walang perang panggupit ang dahilan nito.

“Kaysa ipambayad sa maggugupit, ibibili na lang namin ng pagkain, mabubusog pa ang mga anak at asawa ko,” wika ni Kuya Algie, isang traysikel driber.

Ang katwiran naman no’ng isa’y nasanay na itong magpahaba ng buhok kaya hinayaan na lamang. May iba naman na pera talaga ang rason. Mabilis lang naman daw tumubo ang buhok nila, kaya sayang lang ang bayad sa gupit.

Kaya naisip ni Herman na magdala ng gunting, suklay at itim na telang itatakip sa katawan ng kaniyang gugupitan. Ang kaniyang mga kustomer ay traysikel driber na nakausap niya kahapon.

“Talaga ba? Libre mo kaming gugupitan?” hindi makapaniwalang wika ni Kuya Algie.

“Oo nga, walang bayad ito. Pasasalamat lang ay sapat na. Mayroon lang akong isa’t kalahating oras upang gawin iyon, kasi babalik rin ako sa trabaho ko. Pero huwag mag-aalala ang ibang hindi ko magugupitan, kasi babalik naman ako bukas, para kayo naman ang gupitan ko,” nakangiting paliwanag ni Herman.

Agad namang pumila ang mga traysikel drayber upang magpagupit sa kaniya.

Bago dumating ang isa’t kalahating oras ay natapos niyang gupitan ang pito sa mga ito at nangakong babalik kinabukasan.

“Salamat ah! Alam naming mahirap ang gumupit, hayaan mo’t may ihahanda kaming handog sa’yo bukas, kumbaga balik kabutihan sa’yong ginawang pagpapagwapo sa’min,” wika ni Ponse, ang tila leader ng mga ito.

“Naku! Makita ko lang kayong pogi sa gupit ko’y sapat na iyong handog,” ani Herman, saka maya-maya lang ay nagpaalam na sa mga ito.

Kinabukasan ay bumalik siya sa mga kaibigang traysikel drayber at sinimulan ulit na gupitan ang mga ito. Ilang araw rin siyang pabalik-balik sa pinipilahan ng mga ito… minsan ay may mga batang kalye siyang sinasali at mga taong sa lansangan lang nakatira. Hanggang sa matapos siyang gupitan ang lahat.

“Salamat, Herman, napakasimple lang ng iyong ginawa pero sa totoo lang malaking bagay na sa’min ito. Sa totoo lang ay dobleng tipid talaga ang ginawa naming mga ka-toda, kaya imbes na pagupitan pa ang buhok namin ay pinipili na lamang naming ipambili ng pagkain ang kinikita namin aa buong araw,” nakangiting wika ni Ponse.

“Kaya nga panay pakalbo na lang ako para hindi na ako gumastos sa pagpapagupit,” segundang wika ni Jessy.

“Salamat, Pareng Herman,” sabay-sabay na wika ng mga ito.

“Pambawi sa ginawa mo’y nag-ambag-ambag kami para bilhan ka ng meryenda sa araw na ito,” wika ni Algie. “Ilang beses kang bumalik rito para gupitan kami’t wala kang hininging ibang kapalit.

Ito lang ang nakayanan namin, Herman, sana mapasaya ka namin sa huling araw mong gugupitan kami,” dugtong pa nito saka nahihiyang ngumiti habang pinapakita ang meryendang nakayanang bilhin ng tropa.

Agad namang sumilay ang ngiti sa labi ni Herman, nang makita ang iba’t ibang klaseng tinapay at isang pansit bilao. “Naku! Nag-abala pa talaga kayo. Ayos lang naman sa’kin kahit wala kayong maibigay.

Ginusto kong ilibre kayo ng gupit, kasi no’ng nakita kong halos lahat kayo’y mahahaba ang buhok at tila walang balak magpagupit at nang tinanong ko kayo’t sinabi sa’kin ang dahilan ay walang pambayad.

Agad kong naisip na bakit hindi ko gamitin ang kaalaman ko sa pag-gugupit, para magupitan na kayo. Hindi ako mayaman at wala akong kakayahang tulungan kayo pinansyal, pero may talento akong maaari kong ibahagi sa inyo at iyon ay ang papogiin kayo,” aniya saka tumawa.

Agad namang nagtawanan ang mga kaibigang tryasikel drayber. Maya-maya pa’y sinimulan na nilang pagsaluhan ang binili nitong handog para sa kaniya.

Masaya siya dahil bukod sa nakatulong na siya sa kaniyang kapwa’y nagkaroon pa siya ng mga bagong kaibigan. Sabi nga ng marami kung gusto mong tumulong sa iyong kapwa, maraming paraan upang gawin iyon.

Advertisement