Inday TrendingInday Trending

“Abet! Nakaluto ka na ba para sa pananghalian!” sigaw ni Eddie sa kanyang katiwala sa pagmamay-ari niyang karinderya.

“Manong, saglit na lamang po at matatapos na ito!” sigaw naman ng binata habang inihahanda na ang nilutong sabaw.

Paglabas ni Abet ay dagsa na ang mga kustomer na kumakain sa karinderya. Ang iba ay nagkukumahog nang bumili ng gusto nilang ulam at manghingi ng mainit na sabaw.

“Manong, marami na naman tayong kustomer. Sigurado hanggang mamaya na naman iyan,” wika ni Abet.

“Tiyak iyan, kaya ihanda mo na ang iba pang iluluto dahil siguradong hanggang gabi na ang dagsa ng tao sa atin.”

Masarap kasi ang mga lutong pagkain sa karinderya ni Eddie kaya binabalik-balikan ng mga parukyanong gustong mabusog. Siyempre, malaking tulong rin si Abet sa negosyo niya dahil sa sarap nitong magluto. Si Abet lang ang nag-iisang tiga-luto sa karinderya niya.

Mayamaya ay may pamilyar na boses silang narinig.

“Manong, may lutong ulam na po ba?”

“Uy, Oscar, mula nang lumipat ka dito sa amin ay palagi ka nang bumibili ha? Salamat sa pagiging numero unong suki namin! Ano nga palang order mo?” tanong ni Eddie.

“Pabili nga po ng isang order na gulay, adobong baboy, tatlong order na kanin at sabaw. Wala iyon, manong. Masasarap kasi ang luto niyo, e kaya dito ako sa inyo bumibili ng pagkain,” anito.

Nang biglang lumabas sa kusina si Abet at nakita ang lalaki.

“O, ikaw pala, teka, kakabili mo lang kanina ng ulam, kanin at sabaw di ba?” tanong ng binata.

“A, e may kakain pa kasi. Heto na ang bayad ko! Salamat ha!” wika ng lalaki at nagmamadaling umalis.

“Bakit naman biglang nagmadali iyon?” takang tanong ni Eddie.

“Di ko rin alam, manong. Pero, alam mo madalas araw-araw siyang ganyan. Bumubili siya ng kanin at ulam, mayamaya ay bibili na naman siya ulit. Nakakapagtaka,” sabi ng binata.

“E, baka naman iyong pangalawang biniling ulam ay kakainin niya sa gabi,” tugon naman ng amo.

“Hindi, e. Kapag bumibili po kasi siya ng ulam ay maramihan na. Pagkatapos, pagkaraan ng mga ilang oras ay babalik na naman siya para bumili pa ng panibago. Gaya kanina, una niyang binili ay isang order ng nilagang baboy, dalawang order ng kanin at isang order ng gulay tapos ang pangalawa ay isang order ng adobo, gulay, tatlong kanin at sabaw? Sobrang dami naman. Ganoon ba siya kalakas kumain para kainin ang lahat ng iyon? Balita ko ay nag-iisa lang naman siya sa inuupahan niyang bahay kaya imposibleng may ibang kakain ng mga binili niya,” paliwanag ni Abet.

“Kung totoo namang kinakain niya lahat ng mga binili niya ay hindi na ako magtataka kung bakit ganoon kalaki ang pangangatawan niya,” ani Eddie.

Nang sumunod na araw, bumili ulit sa kanila ang lalaki.

“Manong, pabili nga ng isang order ng menudo, tatlong order ng kanin at pakisamahan ng sabaw,” anito.

“Aba, mukhang napapasarap ang pagkain mo, ha? Kaka-order mo lang kanina ng pritong isda, kanin at sabaw di ba?” tanong ni Eddie.

“A, e masarap po talaga ang luto niyo, manong,” tanging naisagot ng lalaki at nagmamadali na namang umalis.

“Abet, Abet!” tawag ni Eddie sa katiwala.

“Bakit, manong?”

“Bumili na naman siya ng isa pang ulam at tatlong kanin, samantalang kakabili pa lang niya kanina,” aniya.

“Di ba sabi ko sa iyo, manong nakakapagtaka. Kinakain ba niya talaga ang mga binibili niya? Saka nag-aalala rin ako diyan kay Oscar kasi kapag naglalakad ay panay ang hingal dahil sa sobrang katabaan. Ganyan na ang kalagayan niya ay nagagawa pa niyang hindi magkontrol sa pagkain,” sabi ni Abet.

“Kailangan nating malaman kung ano ang itinatago ng Oscar na iyan. Kailangan natin maagapan kung totoo ang sinasabi mo na kinakain niyang lahat ang mga binibili niyang pagkain. Kahit ako ay naaawa sa kanyang kalagayan na parang matutumba na sa sobrang katabaan.”

Nagdesisyon ang dalawa na alamin ang lihim ni Oscar kaya nang sumunod na araw, nang bumili ulit ito ng pagkain ay sinundan nila ang lalaki. Ang akala nila ay didiretso ito sa inuupahan nitong apartment ngunit mali ang kanilang akala. Kitang-kita nila ang lalaki na pumunta sa ilalim ng tulay na malapit sa daanan ng sasakyan. Pinuntahan nito ang isang pamilya na doon nakatira at doon ibinigay ang biniling mga pagkain. Laking gulat rin ni Oscar nang makita sila na sumunod sa kanya.

“Ngayon alam na namin kung bakit palaging ang dami mong binibiling pagkain. Hinahangaan ka namin, Oscar,” wika ni Eddie.

“Akala namin, ikaw ang kumakain lahat ng binibili mo, e. Nag-aalala kasi kami sa kalusugan mo,” sabad naman ni Abet.

“Matagal ko nang kilala ang pamilyang iyan at matagal ko na rin silang tinutulungan mula nang mawalan sila ng tirahan at hanapbuhay dahil sa ginawang demolisyon dito sa tulay. Hindi na rin makakapaghanapbuhay ang padre de pamilya nila dahil baldado na siya. Ang tanging kumakayod na lamang sa kanila ay ang ina na nagtitinda ng basahan. Maliliit pa ang kanilang anak kaya hindi pa makatulong sa mag-asawa. Araw-araw ko silang dinadalhan ng pagkain, malaking tulong na iyon sa kanila. Kulang pa nga ang ginagawa ko sa ginawa nilang pagligtas sa buhay ko nang minsang muntik na akong holdapin ng masasamang loob. Ipinagtanggol nila ako sa kawatan. Mula noon ay tumatanaw na ako ng utang na loob sa kanila. Sa simpleng pagbibigay ko ng makakain ay masaya na akong nakakatulong sa kanila,” hayag ni Oscar.

May mabuting dahilan pala si Oscar para bumili ng maraming pagkain sa karinderya ni Eddie. Mula noon ay naging katulong na ng lalaki ang mag-among Eddie at Abet sa pagbibigay ng makakain sa pamilyang nakatira sa ilalim ng tulay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement