Galing sa isang may kayang pamilya si Elisa, isa siya sa mga hinahangaang babae sa kanilang lugar. Taglay niya ang kagandahan, katalinuhan, at pagkakaroon ng takot sa Diyos. Siya ang kaisa-isang tagapagmana ng kanilang pagawaan ng tela.
Musmos pa lamang ay pumanaw na ang magulang ni Elisa sa isang aksidente noong ang mga ito ay magtungo sa Maynila para sa isang kasiyahan. Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga siya ng kaniyang Inang Cely, ang ina ng kaniyang yumaong ama. Bagamat maagang nawalan ng mga magulang ay lumaking masunurin, mapagmahal, at responsableng bata si Elisa. Lahat ng kaniyang mga kailangan ay naibibigay ng kaniyang Inang at hindi siya kailanman kinulang sa aruga at pagmamahal.
Sa paglaki ni Elisa ay may nakilala siyang batang lalaki na nakatira lamang sa tapat ng kanilang habian, si Apolonio. Isa siyang masunurin at mabait na bata katulad ni Elisa kung kaya’t hindi nagtagal ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa. May mga pagkakataong naglalaro ang dalawang bata sa bukid malapit sa lupaing pag aari ng mga magulang ni Apolonio at doon ay madalas nilang pag-usapan ang kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay.
Magkaibigan ang mga magulang ni Apolonio at ang inang Cely ni Elisa kung kaya’t gayon na lamang ang tiwala nila sa dalawa. Nag-aral ang magkaibigan sa magkaparehong paaralan kung kaya’t madalas na bumisita si Apolonio sa bahay nila Elisa upang sabay silang gumawa ng mga takda at magbasa ng mga aralin.
Hindi mapaghihiwalay ang dalawa sa kahit na anong kasiyahan at okasyon, sa lahat ng mahahalagang pangyayari sa buhay ng isa’t isa ay naroon sila.
Hanggang sa isang araw, dumating si Apolonio sa bahay nila Elisa, bagsak ang dalawang balikat at may dala dalang kahon na puno ng kanilang mga litrato nang magkasama. Luluwas papuntang Maynila si Apolonio kasama ang kaniyang mga magulang upang doon ay magpatuloy ng kanilang nasimulang negosyo. Doon na rin magpapatuloy ng kaniyang pag-aaral ang lalaki.
Hindi na nagkaroon ng mahabang pagkakataon ang magkaibigan upang magpaalam sa isa’t isa. Sa sandali ding iyon ay nakagayak na ang batang lalaki patungong Maynila. Walang nagawa si Elisa kundi malungkot at tingnan ang kanilang mga litrato sa baul na iniwan ng kaibigan.
Makalipas ang ilang taon ay unti unting nawalan ng komunikasyon ang dalawa. Si Elisa ay nakatapos na ng hayskul nang may matataas na marka at siyang kumuha ng kursong abogasya sa isang unibersidad sa kanilang lalawigan. Dahil likas na matalino at mahilig mag-aral ay hindi nahirapan sa kaniyang unang dalawang taon sa kolehiyo ang babae. Sa mga panahong iyon ay nananatili sa kaniyang isipan ang kababata ngunit napawi ito nang makilala niya ang siya niyang naging kasintahan na si Leonardo.
Si Leonardo ay isang magalang at responsableng lalakina nanggaling sa isang pamilyang salat sa yaman. Upang makapag kolehiyo ay nagta-trabaho ito sa gabi bilang pahinante sa isang malaking pamilihan sa bayan. Batid ni Elisa na kung siya itong ipakikilala sa kaniyang Inang Cely ay hindi niya ito matatanggap sa kadahilanang magkaiba ang kanilang mundong ginagalawan, kung kaya’t minabuti ng dalawa na ilihim ang kanilang pag-iibigan.
Naging masaya ang lihim na relasyon ni Elisa at Leonardo. Pagkatapos ng eskwela ay siyang papsyal ang dalawa sa bayan upang doon ay panandaliang magsaya at kumain. Madalas na si Elisa ang sumasagot sa kanilang gastusin dahil batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng kasintahan. Sa kabilang banda ay lalong nagsisikap si Leonardo na makatapos sa kolehiiyo upang maibigay sa dalaga ang buhay na siyang karapat-dapat sa kaniya.
Mahigit isang taon din tumagal ang lihim ng dalawa hanggang sa isang araw ay may nakapagsabi kay Inang Celia tungkol sa kanilang relasyon. Agad nitong kinausap ang dalaga at siyang inutusan na makipaghiwalay sa lalaki. Lubos mang labag sa kalooban ni Elisa ay nagpasya itong kausapin ang binata matapos ang kanilang eskwela kinahapunan.
Noong una ay hindi pumayag ang lalaki ngunit wala itong magawa sa kadahilanang buo na ang desisyon ng dalaga na makipaghiwalay. Lubos na kalungkutan ang inihatid ng paghihiwalay sa dalawa ngunit sa kasamaang palad ay iyon na ang kanilang huling pag-uusap.
Ilang buwan na lamang ayaw magtatapos na si Elisa sa kolehiyo. Habang nag-aaral para sa mga huling pagsusulit ay ipinatawag ni Inang Celia ang dalaga. Ipinarating nito na siya ay ipinagkasundo sa anak ng isang mayamang pamilya mula sa Maynila. Hindi ugali ng dalaga ang hindi pag sang ayon sa mga desisyon ng kaniyang lola kung kaya’t kahit nasa isip pa niya ang lalaking pinakamamahal na si Leoonardo ay pumayag na si Elisa.
Makalipas ang ilang araw ay bumungad kay Elisa ang mala-pistang handaan sa kanilang bahay. Nang itanong ng dalaga kung para saan ang mga paghahanda ay inutusan na lamang siya na mag ayos at magbihis nang maganda. Noong araw na yon ay siya niyang makikilala ang kaniyang mapapangasawa.
Alam ni Elisa na hindi siya magiging komportable sa kahihinatnan ng pagkikitang ito ngunit siya na ring naligo at nag-ayos ang dalaga. Nagsuot ito ng isang simpleng puting bestida at saka na humarap sa noo’y kadarating lamang na mga bisita.
Kapansin-pansin na nagniningning ang mga mata ng binata nang makita nito si Elisa, ngunit mailap ang dalaga kung kaya’t ang lahat ay naupo na sa harap ng hapag. Habang kumakain ay pinag usapan ng mga matatanda ang kasalang magaganap sa dalawa. Matapos ang hapunan aylumabas ng bahay ang dalaga na siya namang sinundan ng lalaki.
“Hindi mo na talaga ako nakikilala, Elisa,” sambit ng binata na siyang ikinagulat ng dalaga. Wala itong maalalang mayroon siyang nakilalang binata bukod sa kaniyang naging kasintahan.
“Ako ito, si Apolonio. Simula ng magpunta ako ng Maynila ay hindi ka nawala sa aking isipan. Araw at gabi ay hindi ka nawaglit sa aking mga panaginip. Simula nang mawala ang Inay at Itay sa pagkasunog ng aming tirahan ay kinupkop ako ng mag-asawang banyagang kasama ko ngayon. Isinama nila ako sa Amerika at doon ako nagpatuloy ng kolehiyo. Ako rin ang ginawa nilang tagapamahala sa kanilang negosyo sa Maynila kung kaya’t hindi na ako nakabalik pa rito sa atin,” ‘ika ng lalaki na siya namang ikina-aliwalas ng mukha ng dalaga.
“Napakadaya mo kung ganon. Dahil sa paglipas ng panahon ay ikaw lamang ang nasa puso’t isip ko. Hanggang sa nakilala ko ang lalaking aking minahal sumunod sa iyo. Sa kadahilanang ako raw ay kailangang ipagkasundo ng Inang sa isang mayamang lalaki ay nakipaghiwalay ako sa kaniya para lamang malaman na iyong aking pakakasalan ay ikaw pala na bigla na lamang umalis. Na hindi man lamang nakapag padala ng kahit isang sulat para sa gayo’y malaman ko ang iyong kalagayan.”
Biglang naipinta ang lungkot sa mukha ni Elisa.
“Alam mong ikaw ay mahal ko, noon pa lamang. Ngunit ngayo’y kailangan ko yata ulit turuan ang aking pusong mahalin ka, dahil magpasa hanggang ngayo’y hindi pa matutunang limutin ng aking isipan ang lalaking aking inibig noong ako’y nangulila sa iyo,” dagdag pa nito.
“Naintindihan ko ang iyong sentimiyento, aking binibini. Alam kong lubos ang iyong kalungkutan nang ako’y lumisan, ngunit maniwala kang iyon din ang aking naramdaman nang ako’y mawalay sa iyo. Hayaan mong mahalin kita, at ating sariwain an gating mga masasayang alaala,” ani Apolonio habang hawak ang kamay ng dalaga.
Napabuntong hininga ang dalaga at pagkatapos ay tumayo ito upang pumasok na sa loob ng bahay na siya namang sunod ng binata.
“Mawalang galang na ho, Inang. Nais ko lamang hong inyong malaman na ako’y pakakasal sa binatang ito na inyong ipinagkasundo sa akin,” sambit ni Elisa matapos hawakan ang kamay ng kaniyang dating kababata.
Lahat ng tao sa sambahayang iyon ay nagkaroon ng ngiti sa kanilang mga labi, at lubos na ikinasiya ni Aplonio ang sinabi ni Elisa. Matapos ang gabing iyon ay araw araw na muling nagsasama ang dalawa, at sila na mismo ang nag-asikaso ng nalalapit na kasal. Naroon si Apolonio noong magtapos si Elisa ng abogasya at nangako itong sususportahan ang dalaga sa mga pangarap nito.