Inday TrendingInday Trending
Mahal Kita, Mama

Mahal Kita, Mama

“Sana’y ‘di magmaliw ang dati kong araw… nang munti pang bata sa piling ni nanay… Nais kong maulit ang awit ni inang mahal… awit ng pag ibig habang ako’y nasa duyan…”

“Ma, naalala mo ba ‘yung kantang ‘yan? ‘Di ba paborito mo ‘yang kantahin para sa’kin? Madalas nga nakakatulog pa ako sa kandungan mo dahil sa ganda ng boses mo,” sambit ni Josefina habang pinakikinggan ang kanta sa dala niyang mp3 player.

“Naalala mo mama yung isang beses na kinulit kita sa videokehan ni Aleng Tinay? Nakakatawa ‘yon kasi pinilit kitang kantahin ‘yan. Iyong alkansya ko binuksan ko para sa limang pisong buo,” natatawang sambit ng dalaga.

“Mama, ang ganda ng boses mo, sabi diba nung mga tambay sa videokehan dapat daw nag apply kang singer d’on para naman may extra kang kita. Kaso, si tatay kasi masyadong istrikto kaya hindi ka niya pinayagan. Kesyo dapat daw eh nasa bahay ka lang, nag-aasikaso ng mga gawaing bahay,” dagdag pa niya habang hawak-hawak ang kamay ng ina.

Si Josefina ay bunso sa tatlong magkakapatid, ang Kuya Jerold at Kuya Jeffrey niya ay pawang may mga kani-kaniya nang pamilya at siya naman ay nangibang bansa upang tuparin ang kaniyang pangarap na maging isang magaling na doktor. Simula pa lamang noong bata pa ay pangarap na ni Josefina maging isang tanyag at mahusay na doktor. Iginapang sa pag-aaral ng kaniyang ina at mga kapatid ang pinakabata sa pamilya dahil sa murang edad na kinse ay sumakabilang buhay na ang ama ng kanilang tahanan sa sakit na tuberkulosis.

Naging tindera ng gulay sa palengke ang kanilang ina upang matustusan ang pang araw-araw nilang pangangailangan. Nang makatapos ang panganay na si Jerold sa pamamagitan ng pagiging working student, ay nakapagtrabaho ito bilang isang store clerk sa isang sikat na mall sa kalakhang Maynila. Tumulong ito sa pag aaral ng mga kapatid at kalaunan ay napagtapos si Jeffrey. Nagkaroon ng oportunidad na makapag-abroad si Jeffrey kung kaya’t nagpasya itong mangibang bansa, para na rin makatulong sa kaniyang pamilya.

Ilang taon ang nakalipas at sa pagsisipag at tiyaga ng kanilang ina at ng dalawa niyang kapatid ay nakapagtapos si Josefina ng medisina sa isang tanyag na unibersidad. Nakapagtrabaho ito bilang isang doktor sa isang pampublikong ospital at saka nagpursigi upang makarating sa ibang bansa upang doon ay magpaka-dalubhasa.

Dalawang mahabang dekada rin ang nakalipas bago nakauwi sa Pilipinas si Josefina, na siya nang nakapag-asawa at nagkaanak sa banyagang bansa.

“Mama, tingnan mo po ito oh, dala ko iyong photo album na ipinabaon mo sa akin nung umalis ako papuntang Amerika. Tingnan mo ito oh! Hindi ba’t itong litratong ito ay kinuhanan noong unang beses tayong makapasyal sa zoo? Mama, naalala mo ba natakot ako rito sa elepante kaya umiiyak ako sa litratong ito!” halata ang pagka-sabik sa boses ni Josefina habang ipinapakita sa ina ang mga litrato sa photo album.

Ilang lipat pa ng mga pahina ay biglang napaluha ang bunsong anak.

“Ma, heto iyong huling litrato natin nang magkasama,” sambit ni Josefina sa gitna ng kaniyang mga hikbi. “Naalala mo, hindi ka pumayag na hindi tayo magpa-litrato kay Kuya Jerold bago ako umalis papunta ng airport? Dahil kamo matagal pa muli tayong magkikita. Mama, naririto na po ako. Naalala mo ba iyong pinadala kong litrato ng dalawa kong anak? Kasama ko sila ngayon, saka si Benedict, nag leave siya sa trabaho para makarating kami ritong mag anak,” lalong nalugmok si Josefina.

Ilang minuto pang tumagal ang pag-iyak ng babae at pumasok ang dalawang nakatatandang kapatid nito.

“Bunso, oras na para umalis. Hindi na tayo maaaring magtagal dito. Pinagbigyan lamang tayo ng mga nars sa iyong pakiusap na makita si mama sa huling pagkakataon,” ani Jeffrey na siyang yumakap kay Josefina.

Nagpupumiglas ang babae at tila ayaw pang umalis sa tabi ng ina ngunit hindi na pinayagan pang maglagi nang mahaba pang oras sa loob ng morgue si Josefina.

Bago pa man makauwi ng Pilipinas si Josefina ay napag-alaman ng kaniyang mga nakatatandang kapatid na ang kanilang ina ay dinapuan ng malubhang sakit na siyang ikinahina ng katawan nito. Habang isinasagawa ang ilang buwang gamutan ay nag-aasikaso naman ng papeles si Josefina upang makauwi ng Pilipinas kasama ang kaniyang pamilya. Ibinilin ng kanilang ina na nais nitong makita ang bunsong anak bago siya mamaalam.

Ngunit sa kasamaang palad, ilang oras bago makarating si Josefina at kaniyang pamilya sa ospital kung saan nakaratay ang ina ay tuluyan na itong pumanaw. Labis labis ang paghihinagpis ni Josefina sa kadahilanang hindi na niya naabutang buhay ang ina. Makailang ulit na humingi ito ng tawad bago siya tuluyang sumama palabas ng morgue ng ospital.

Ilang araw na ibinurol ang mga labi ng kanilang ina sa dati nilang maliit na bahay, na ngayo’y pag-aari na ni Jerold. Matapos ang ilang araw ay inilibing ito katabi ang puntod ng kanilang ama. Bago umuwi ay nag-alay ng mga bulaklak at nagpalipad ng mga puting lobo ang magkakapatid upang magsilbing pag-alala sa ina, at bilang pasasalamat sa lahat ng paghihirap at sakripisyo nitong mag-isa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.

Images courtesy of www.google.com

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement