Paano na si Kuya?
“Eh, ikaw ang pinakamalapit kay kuya ‘di ba? Bakit hindi ikaw ang magpalibing?” sambit ni Celia kay Olga, sabay turo rito.
“Ano namang magagawa ko d’yan, eh ni pambaon nga ni Bugoy wala akong maibigay? Mabuti ba kung may naiwan ‘yong magaling niyang ama. Bakit hindi yang si bunso ang hingan ninyo? Hindi ba ‘yan lang ang nakatapos ng hayskul sa’tin? Wala namang binubuhay na pamilya yan. Baka nga sa barkada lang napupunta ang sinusweldo nyan sa factory,” ani Olga habang binibihisan ang anak ng pang eskwela.
“Aba’y ako na nga ang nagpapalamon sa inyo pati sa mga anak ninyo simula nang pumanaw ang nanay at tatay, ako pa rin ang gagastos d’yan? Baka naman may natitira pa kayong hiya sa katawan?” tugon ni Boyet na siyang nag aayos ng hapag.
“Ikaw pala itong walang hiya eh!” sagot ni Ferdie sabay amba ng suntok sa bunsong kapatid. “Nagsitigil kaming lahat para lang matustusan ‘yang pag aaral mo, ikaw pa ang mataas ang ihi?” dagdag pa nyang galit na binitawan si Boyet.
Panandaliang tumahimik ang lahat.
“Kumain na tayo, baka mahuli pa sa klase yang si Bugoy.” ani Boyet.
Nagsipag-upo na sa kani-kaniyang puwesto ang magkakapatid. Ipinagsandok ni Olga ng kanin ang anak, pagkatapos ay kumuha na rin ng para sa sarili, at saka ipinasa ang bandehado sa bunsong kapatid. Habang kumakain ang lahat ay nagsalita si Ferdie.
“Bakit kasi hindi nalang kayo pumayag sa plano ko? Tutal pare-pareho naman tayong walang mailuluwal na kuwarta? Kaysa naman mabulok at mangamoy ang kuya riyan sa kuwarto.”
Natigilan ang lahat.
“Imposible naman kasi ‘yang sinasabi mo kuya eh. Mapapahamak tayo riyan eh. Parang mas masisikmura ko pang magnakaw sa bangko kaysa d’yan sa pinaplano mo,” ani Celia at saka ipinagpatuloy ang pag kain.
“Iniisip ko pa lang ‘yang pinaplano mo, para na akong magkakasakit eh. Pero, hindi ko rin naman maiwasang sumang-ayon. Ano nga naman bang magagawa natin kundi iyon nalang?” tugon ni Olga.
“Ganon nalang ‘yon? Itutuloy na natin ‘yang plano na ‘yan? Eh, baka magkasakit pa ang bata ‘pag nagtagal pa ang kuya dito. Ni pambayad sa morgue e wala tayo,” sambit ni Boyet kasunod ang pagsubo ng isang kutsarang kanin.
“Wala naman nang ibang paraan eh. Susundin natin yung plano ko, at tapos ang problema. Isa pa, wala na rin naman kayong matinong suhestyon,” ‘ika ni Ferdie. “Mamayang gabi, pag-uwi ng lahat, gawin natin,” dagdag pa nya.
Tumango ang bunsong kapatid at saka tumayo at kinuha ang mga gamit ng pamangkin.
“Halika na Bugoy, mahaba-haba pa ang lalakarin natin, baka mahuli ka na sa klase,” sabi ni Boyet habang bahagyang tinatapik si Bugoy.
Tumayo na ang bata at umalis na ang dalawa. Kasunod na tumayo si Olga at niligpit na ang mga pinagkainan. Bumuntong hininga si Celia at saka pumasok sa kuwarto kung saan nakahimlay nang pansamantala ang kapatid. Si Ferdie naman ay nanatiling nakaupo sa hapag, aktong nag-iisip-isip.
Ilang linggo bago pumanaw si Roger ay nagpaalam itong luluwas ng Maynila para humanap ng trabaho. Isang gabi ay may kumatok na lamang sa bahay ng mga magkakapatid na limang lalaki at iniuwi si Roger na isa nang malamig at walang buhay na katawan. Ani ng mga lalaki, nakapasok sa isang illegal na trabaho sa isang malaking pasugalan ang kanilang kapatid.
Nagkaroon ng raid sa kaniyang pinagta-trabahuhan kung saan siya nabaril at natagpuang wala nang buhay. Ilang araw na hinanap ng mga awtoridad ang pamilya ni Roger bago pa ito nabawi ng mga kapatid sa isang morgue sa Maynila. Dahil walang pambayad gawa ng pagkasalat sa kabuhayan ay iniuwi na lamang ng magkakapatid sa kanilang bahay sa probinsya ang kanilang nakatatandang kapatid gamit ang naiwang traysikel ng kanilang yumaong ama.
Ilang oras ang lumipas at nagsalo-salo na si Olga, Ferdie at Celia sa pananghalian. Nanatiling tahimik ang magkakapatid hanggang sa matapos kumain ang lahat. Si Celia ang nagligpit ng pinagkainan at naghugas ng mga pinggan. Nagpaalam naman na lalabas si Olga para sunduin ang anak sa eskwela. Samantalang si Ferdie naman ay lumabas para linisin ang traysikel.
Matapos mag-asikaso ni Celia ay lumabas siya at pinuntahan ang kapatid na si Ferdie.
“Kuya, papayag ka talagang gano’n nalang ang kahahantungan ng Kuya Roger? Ang ibig kong sabihin eh, maaari naman siguro tayong humingi ng tulong sa iba nating kamag anak para makahiram ng pampalibing man lang ng kuya. Eh, malapit na rin namang maaprubahan ang inaplayan kong trabaho sa Taiwan,” ani Celia.
“Ayun na nga ang problema Seling, hindi ba’t doon ka na humiram ng pambayad mo sa recruiter mo para maproseso ‘yang mga papeles mo? Sa tingin mo ba ay magluluwal pa sila ng pera para sa atin? Eh, baka isumbat pa nila sa atin yan eh. Alam mong ayaw kong nagkakaroon ng utang na loob sa iba,” sagot ni Ferdie.
Sakto namang pagdating ng mag-inang si Olga at Bugoy, kasunod ang bunsong si Boyet. Dumiretso na sa loob ng bahay ang tatlo at sumunod na si Celia.
Alas-otso ng gabi at nakatapos anng maghapunan ang lahat. Inasikaso ni Olga ang anak at saka pinatulog ito. Saktong alas nueve nang paandarin ni Ferdie ang makina ng traysikel. Ibinalot ni Boyet ang labi ng nakatatandang kapatid sa kumot at saka isinakay ito sa noon ay nakaabang na traysikel. Si Ferdie ang magmamaneho at nakaangkas sa likuran ng traysikel si Boyet. Ang dalawang babaeng kapatid naman nila ay naiwan na lamang sa bahay, pawing may hawak ng rosaryo at nagdarasal sa harap ng altar.
Mag aalas diyes ng gabi ay nakarating sa may mabanging parte ng bundok ang magkapatid na si Boyet at Ferdie. Bumuntong hininga ang bunso at saka bumaba sa pagkaka angkas sa traysikel. Pinatay ni Ferdie ang makina at saka bumaba.
“Sigurado na ba talaga tayo rito, kuya? Maaari pa naman nating iuwi ang Kuya Roger, ano kaya kung sa bakuran na lamang natin siya ilibing?” ani Boyet na kahit may kadiliman ang paligid ay aninag ang namumuong luha sa mga mata.
“Mapapatawad tayo ng Diyos at ng kuya, bunso. Maiintindihan niya kung bakit natin ito nagawa,” sagot ni Ferdie at saka nagpatulong sa bunsong kapatid para buhatin ang labi ni Roger.
Magkatulong na binuhat ng dalawa ang mabigat na katawan ng kanilang nakatatandang kapatid at sa bilang ng tatlo ay inihagis nila ito sa bangin. Hindi na nagtagal ang dalawa at sumakay na si Boyet sa traysikel. Sunod namang pinaharurot ito ni Ferdie sa pagmamadaling makauwi.
Alas onse y medya ng gabi nang makauwi ang magkapatid at naabutan nila sina Olga at Celia na siya pa ring nagrorosaryo sa harap ng altar. Nang marinig ng dalawang babae ang tunog ng motor ng traysikel ay napatigil ang mga ito sa pagdarasal saka sinalubong sina Ferdie at Boyet. Nagyakap ang magkakapatid at saka sabay-sabay na pumasok at nagpahinga.
Kinabukasan, bali-balita sa lugar ang katawang wala nang buhay na itinapon sa gilid ng bundok. Habang maugong ang mga usap-usap sa baryo ay nanatiling kibit-balikat ang magkakapatid na tila walang alam sa mga pangyayari.