Buking si Mister
Excited si Clara dahil apat na araw na lang at first wedding anniversary na nila ng kanyang asawa na si Greg.
“Babe, anong regalo mo sa akin sa isang taon natin?” malambing niyang tanong sa mister.
“Ha? W-wala pa akong maisip, babe, e! Ano ba ang gusto mo?” balik na tanong ng lalaki.
“Kahit ano, basta galing sa iyo ay tatanggapin ko,” sagot ng misis.
“Sige. Bibilhan kita. Siguradong matutuwa ka sa regalo ko sa iyo.”
“Sinabi mo iyan ha? Aaasahan ko iyan, babe!”
Pagkagaling sa trabaho ni Greg ay dumiretso agad siya sa mall para bumili ng ireregalo para sa kanyang asawa. Habang naglilibot-libot ay biglang tumunog ang cell phone niya at sinagot iyon. Nabigla siya nang malaman kung sino ang nasa kabilang linya.
“Bakit ka napatawag?” aniya.
Nang sabihin ng kausap ang pakay ay napakamot na lang siya sa ulo.
“Okay sige, ipapadala ko kapag may oras ako o ako mismo ang magbibigay sa iyo,” sagot niya.
Namili siya ng magandang pangregalo kay Clara at nang makabili ay iniisip niya kung ano pa ang maaari niyang bilhin ng gabing iyon.
Nang umuwi siya sa bahay ay agad niyang itinago ang binili niyang regalo para hindi ito makita ng kanyang misis. Gusto niya itong sorpresahin.
Nang sumunod na araw, habang kumakain sila ng almusal ay muling naglambing si Clara at may hinihiling sa kanya.
“Babe, gusto ko memorable ang anniversary natin kaya napag-isipan ko na sa isang mamahaling restaurant tayo mag-dinner o magbakasyon tayo sa Boracay,” hiling ng babae.
“Mukhang magandang ideya iyan, babe. Hayaan mo at magpapa-reserve ako sa restaurant para sa dinner date natin. Ang pagbabakasyon naman ay gawin na lang natin sa katapusan ng buwan dahil medyo marami akong trabaho ngayong linggo sa opisina,” aniya.
“Ganoon ba? Push natin ang restaurant. Excited na talaga ako! Isuusot ko iyong binigay mo sa aking damit noong nagdaang kaarawan ko.”
“Tamang-tama sa ibibigay ko sa iyo,” bulong ni Greg sa sarili.
Nang bigla siyang marinig ni Clara.
“Ano iyon babe? May sinasabi ka ba?” tanong ng asawa.
Natauhan si Greg. Hindi pa niya maaaring sabihin kay Clara ang tungkol sa kanyang binili kundi masisira ang sorpresa.
“W-wala, wala babe,” tanggi niya.
Bago ang espesyal nilang araw ay muling may tumawag sa kanya sa cell phone.
“Hello, sino ito?” panatag na sabi niya sa kabilang linya.
Nang malaman ulit kung sino ang tumawag ay muli siyang napakamot sa kanyang ulo.
“May importante akong pupuntahan bukas, e. Sa Sabado na lang tayo magkita,” mahinahon niyang sagot sa kausap.
Mayamaya ay ibinaba na niya ang cell phone at tila nag-iisip ng malalim.
Alas siyete ng gabi ay dinala ni Greg ang kanyang asawa sa isang mamahaling restaurant. Tuwang-tuwa si Clara sa pinagdalhan sa kanya ng mister.
“Napaka-sosyal naman ng lugar na ito, babe. Pakiramdam ko ay para tayong celebrity,” manghang wka ni Clara.
“Nagustuhan mo ba, babe? Talagang pinili ko ang isa sa pinakamahal na restaurant para dito natin iselebra ang anniversary natin.”
“Naku, nakakatuwa naman, pinaghandaan mo talaga ang anniversary natin ha. Labs na labs mo talaga ako, babe ko!”
Tinawag ni Greg ang waiter at um-order na sila ng makakain nila. Pagkatapos ay inilabas na niya ang sorpresa niya sa kanyang misis.
“O, babe, sorpresa ko sa iyo!” aniya sabay abot ng isang regalo.
Napamulagat si Clara sa ibinigay ng mister.
“Wow, nag-abala ka pa, babe! Thank you!” tuwang-tuwang sabi ni Clara.
“Buksan mo na, babe. Siguradong matutuwa ka!” utos ni Greg.
Nagmamadaling inalis ng babae ang balot ng regalo at nang buksan ang kahon ay laking gulat sa tumambad sa kanya.
“A-ano ito?” nagtatakang tanong ni Clara nang makita ang dalawang pirasong ‘underwear’ na kulay itim. May nakalakip na sulat sa loob ng kahon at nang mabasa niya ito ay mas lalo niyang ikinawindang.
To: Lovely
“Para sa iyo ito, mahal ko! Sana magustuhan mo Happy Birthday! ;)”
From: Greg
Nag-init ang bumbunan ni Clara at kinompronta ang lalaki.
“B-bakit ganito ang regalo mo? S-sinong Lovely? Walang hiya kang lalaki ka, regalo mo yata ito sa babae mo tapos ibibigay mo sa akin?” galit na sabi ng misis.
Ikinagulat ni Greg kung bakit iyon ang laman ng kahon na naibigay niya sa asawa. Bigla niyang naalala na magkapareho pala ng kulay ng pambalot ang dalawang regalong binili niya, ang isang regalo na para sana sa kanyang asawa ay kulay pulang kamison at ang isang regalo naman ay kulay itim na ‘underwaer’ para naman sa kabit niyang si Lovely na magdiriwang ng kaarawan. Napagtanto niya na ibang regalo pala ang nadala niya, imbes na ang regalo para sa misis niya ang nakuha niya sa aparador ay ang regalo para sa kabit niya ang nabitbit niya.
“S-sorry, babe, h-hindi ko sinasadya…” nautal na paliwanag ni Greg sa asawa.
“Buwisit kang lalaki ka! Kung di ko pa nakita itong puny*tang regalong ito ay hindi ko malalamang may kinakalantari kang ibang babaeng hay*p ka!” malakas na singhal ni Clara.
Laking kahihiyan nang ginawa ni Greg dahil sa pagwawala ng kanyang misis ay pinagtinginan sila ng mga tao sa loob ng restaurant. Nabunyag pa tuloy ang sikreto niyang pangangaliwa sa asawa.
Labis ang pagsisisi ni Greg, imbes na masayang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo ang nangyari ng gabing iyon ay sa hiwalayan humantong ang lahat. Nang malaman ni Clara ang itinago niyang kalokohan ay di ito nag-atubili na iwanan siya.
Sa isang pagkakamali ay nasira ang pinakaingat-ingatan niyang relasyon sa kanyang asawa. Pagkakamali na dadalhin niya habang siya ay nabubuhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!