Inday TrendingInday Trending
Extra Rice Pa!

Extra Rice Pa!

“Manang, pa-order nga ho nito, saka nito, pati na rin po nito. Tapos, padagdagan po ng limang extra rice iyong order ko.”

Halos hindi magkamayaw sa pagtuturo ng ibaʼt ibang potahe ng ulam ang lalaking iyon sa karinderya ni Aling Pasing. Tuloy ay nakuha na naman niya ang atensyon ng mga taong kumakain din sa naturang lugar at siya na naman ang napagdiskitahan ng mga itong pag-tsismisan at pagtawanan.

“Napakatakaw naman talaga ng mamang ʼyan, ano? Kaya siguro ganiyan kataba iyan, e,” haka-haka ng isa sa mga regular ding kostumer ng karinderyang iyon na si Edna sa tindera na si Jocelyn.

“Ah, basta, ang mahalaga ay kumikita kami nang malaki sa kabibili niyan dito ng pagkain. Wala akong pakialam kung atakihin man iyan ng high blood dahil sa lakas niyang kumain,” natatawa namang sagot ni Jocelyn sa kausap.

“Palagay koʼy ʼdi na makakapag-asawa ʼyan. Abaʼy tingnan nʼyo naman ang hitsura! Ang taba-taba,” bigla namang singit ni Maria sabay hagikhik. “Daig pa ang baboy, e. Panlimang tao ba naman ang kain!” dagdag pa nito sabay halakhak muli nang malakas.

Hindi nakaligtas sa pandinig ni Carlo, ang lalaking tampulan ng tsismisan ngayon nina Edna, Jocelyn at Maria, ang mga panlalait na iyon ng mga ito tungkol sa kaniya. Ngunit minabuti na lamang niyang ipagsawalang bahala iyon at umalis na lamang ng karinderya matapos siyang makabayad, bitbit ang mga pagkaing binili niya.

Kinabukasan ay ganoon na naman ang senaryo sa karinderya nang muling bumili ng pagkain si Carlo. Ang kaibahan nga lang ay absent ngayon si Maria sa tsismisan, dahil hindi pa ito nakababayad ng utang kay Aling Pasing kayaʼt nagtatago na naman.

Nasa kalagitnaan ng pagtatawa kay Carlo sina Jocelyn at Edna nang sitahin sila ng napipikon nang si Aling Pasing…

“Ano ba ang problema nʼyong dalawaʼt ganiyan nʼyo na lang kung pagtawanan si Carlo sa tuwing bibili siya rito? Gusto nʼyo yatang mawalan ako ng mabuting kostumer, ano?” kunot-noong sita ni Aling Pasing sa dalawang tsismosa.

“Paano nʼyo naman ho nasabing mabuti ʼyang si Carlo? Dahil ba marami lagi siyang bumili ng pagkain?” nangingisi namang pamimilosopo Jocelyn sa amo.

“Kung ikukumpara sa inyong dalawa, masasabi kong talagang napakabuting tao ni Carlo. Abaʼy kahit kailan, hindi siya nanghamak ng kahit sino, ʼdi gaya ninyo! Isa pa, alam ba ninyo kung saan dinadala ni Carlo ang mga pagkaing binibili niya? Dapat, imbes na nagtatawa kayo riyan, alamin nʼyo na lang muna kung ano ang katotohanan. Tutal mga tsismosa naman kayo, subukan nʼyong sundan ngayon kung saan siya pupunta at kung saan niya dadalhin ang mga pagkain.”

Natahimik sina Edna at Jocelyn sa mahabang tinuran ni Aling Pasing. Parehas kasi silang nakaramdam ng pagkapahiya dahil sa tahasang pananampal ni Aling Tasing ng mga salitang iyon sa kanila mismong mga mukha. Ngunit pareho ring napaisip ang dalawa… bakit nga kaya hindi nila subukang sundan si Carlo upang patunayan kung gaano nga katakaw ito?

Tamang-tama dahil hindi pa naman gaanong nakalalayo si Carlo sa karinderya kayaʼt mabilis nilang nasundan ang binata kung saan ito pupunta—at ganoon na lang ang naramdaman nilang panliliit sa sarili nang makita nila ang unti-unting paglapit ng ilang mga batang kalye sa matabang binata upang tanggapin ang pagkaing ibinibigay sa kanila nito.

Doon nalaman nina Edna at Jocelyn na si Carlo pala ay isang mabuti at mapagkawanggawang estudyante sa kolehiyo. Ang mga pagkain kasing ibinibigay nito sa mga bata ay reward pala ng mga ito para sa patuloy na pag-aaral na sumulat at magbasa, mula sa pagtuturo ni Carlo nang libre sa kalsada bago ito pumasok sa eskuwela!

Bagsak ang mga balikat na bumalik ang dalawang tsismosa sa karinderya ni Aling Pasing. Ayaw man nilang aminin ay tama nga ang sinabi ng may-ari ng karinderya sa kanila kanina.

Natatawang sinalubong sila ng may katandaan nang si Aling Pasing…

“Oh, ano? Edi nakita na ninyo? ‘Yan ang sinasabi ko sa inyo, e. Mahilig kayong mamuna ng akala ninyoʼy kapintasan ng iba, samantalang iyong sarili nʼyo, hindi ninyo nakikita. Tingnan ninyo iyang si Maria, kung lait-laitin noʼn si Carlo ay grabe. Pero hindi man lang magawang unahin muna iyong problema niya sa utang,” muli ay pangangaral ni Aling Pasing sa dalawa.

Mula nang araw na iyon ay hindi na kailan man inulit nina Edna at Jocelyn ang panlalait kay Carlo. Ang maganda paʼy mataas na kung tingnan nila ito kumpara noon. Talagang nakuha ni Carlo ang kanilang respeto dahil sa mabuting gawi ng binata.

Advertisement