Inday TrendingInday Trending
Kulam Para sa Kawatan

Kulam Para sa Kawatan

Lango sa ipinagbabawal na gamot ang lalaking nagngangalang Jun nang siya’y sumakay noon sa isang ordinary bus na biyaheng Cubao. Suot ang kaniyang kulay itim na jacket at sumbrero ay malakas ang kaniyang loob na isagawa roon ang isang masamang balak. Ang mang-holdap!

Natalo siya kanina sa sabungan. Kinulang tuloy ang pambili niya ng bisyo dahilan upang magpasya siyang gawin ang bagay na ito. Pakiramdam kasi niya ay hindi siya mapapakali kung hindi siya makukuntento sa hinithit niya kanina bago siya sumakay ng bus. Masyadong kaunti iyon kumpara sa dami ng regular niyang tinitira.

Lihim na nagpalinga-linga si Jun sa paligid upang magmasid kung sino ang mas dapat niyang biktimahin. Ang hanap niya’y iyong may kaya at mukhang maraming pera.

Isang babae ang namataan niyang nag-iisang nakaupo sa pandalawahang upuan sa bus. Suot nito ang isang maganda at mukhang mamahaling bag pati na rin sapatos. Nagmumuni-muni ito sa pagtingin sa mukhang mamahalin din nitong selpon at mas lalong hindi nakaligtas sa paningin ni Jun ang kumikislap-kislap pang bracelet at singsing na suot ng naturang babae sa tuwing tatamaan ito ng liwanag ng ilaw.

Kulang na lang ay pagkiskisin ni Jun ang sariling mga palad dahil sa pagkasabik. Agad niyang tinabihan ang naturang babae sa upuan nito.

Hindi agad kumilos ang kawatan bagkus ay pinakiramdaman niya muna ang lahat. Sinisigurado niya munang walang nakatingin at walang makikialam kapag isinasagawa na niya ang masamang balak upang hindi mapurnada ang kaniyang kita.

Lingid sa kaniyang kaalaman ay kanina pa pala nakararamdam ang babaeng kaniyang binabalak na gawan ng kasamaan, si Aurora. Na isang lihim palang mangkukulam!

Naging lalo pang alerto ang pakiramdam ni Aurora. Alam niya kung ano ang nasa isip ng katabi niya ngayong kawatan. Alam niyang isa itong taong lango sa dr*ga at alam niya rin ang plano nitong pangho-holdap sa kaniya. Kaya naman agad niyang ginamit ang itinatagong kakayahan upang pigilan ang masama nitong binabalak.

Handa na sanang banggitin ni Jun ang mga katagang, “Miss, holdap ito. Akin na ang bag at mga alahas mo!” nang sa isip ni Jun ay bigla na lamang may nangyaring kakaiba.

Kumirot ang kaniyang ulo at napapikit siya sa sakit! Nasapo ni Jun ang kaniyang ulo dahil sa matindi nitong pagkirot. Mabuti na lamang at mayamaya’y nawala rin iyon kaagad.

Ngunit laking pagtataka na naman ni Jun nang sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay tila ibang lugar na ang kaniyang nakikita!

Sakay pa rin siya ng bus na nananatiling matulin ang pagtakbo ngunit wala na ang mga taong kanina lang ay kasama niyang nakasakay roon. Kapag tumitingin siya sa paligid ay nakakatakot na tanawin lang ang kaniyang nakikita. May mga taong naglalakad nang nakalutang sa labas, may mga manananggal at iba’t iba ring aswang na nagkalat sa daan! Kung mayroon mang hindi nagbago ito ay ang pananatili ng babaeng katabi niya sa upuan. Ang babaeng binabalak niya kaninang holdapan!

Sinampal-sampal ni Jun ang sarili ngunit hindi siya nagigising kaya’t nasisiguro niyang hindi siya nananaginip! Doon siya nilukob ng sobrang takot. Ano itong nangyayari sa kaniya?

“Itutuloy mo pa ba ang balak mo?” Biglang nagsalita ang babaeng katabi ni Jun kasabay nang paglingon nito sa kaniyang direksyon.

Lalong nadagdagan ang hilakbot na nadarama ng kawatang si Jun nang makita niya ang hitsura ng babae.

“Halimaw!” hiyaw ng lalaki nang bigla siyang dakmain nito!

Nakaamba nang kagatin ng babae ang kaniyang leeg nang bigla na lamang siyang magising mula sa pagkakahimbing!

“May bababa ba?” sigaw ng konduktor nang huminto ang sinasakyan niyang bus sa isang terminal ng jeep doon sa Cubao.

Hindi na nag-atubili pa si Jun. Nagmadali siyang bumaba ng bus bago pa man siya muling bangungutin doon.

Grabeng takot ang kaniyang naranasan sa panaginip na iyon. Tila nahulasan pa nga siya mula sa pagkakalango sa dr*ga. Ganoon na lang ang takot niya kanina. Mabuti na lang at nagising pa siya!

Napailing si Jun bago muling napasulyap sa bus na kaniyang sinakyan kanina. Nananatili kasing nakahinto sa kaniyang tapat ang naturang sasakyan. Ganoon na lamang ang pangingilabot niya nang makitang nakatingin sa kaniya habang nakangisi ang babaeng binalak niyang gawan ng masama kanina. Doon ay napagtanto niyang hindi siya nananaginip. Totoo ang lahat ng kaniyang nakita lalo na nang makapa niya ang sugat sa kaniyang leeg!

Advertisement