
Maglaway Ka!
“Belen, hiwalay na ba kayo ni Charles?” pag-uusisa ni Paula, matalik na kaibigan ng dalaga. “Ha? Hindi. Tsaka bakit naman kami maghihiwalay? Napakabait kaya ng nobyo ko,” tugon ni Belen habang sinusuklay ang kaniyang buhok.
“Naku, mukhang doon ka nagkakamali. Nakita ko kasi si Charles kagabi sa bar. May kasamang babae. Naglalampungan pa nga sila sa isang gilid. Akala ko nga hiwalay na kayo kasi ang lagkit kung makahawak ang nobyo mo sa balakang ng babae,” kuwento ni Paula. Bahagya namang napatigil si Belen sa mga narinig.
“Hindi ko alam na nasa bar siya. Totoo ba iyan? Sigurado ka? Baka nagkakamali ka lang? Paula, huwag mo naman ako pakabahin ng ganito,” sambit ni Belen, Nanggigilid na ang kaniyang mga luha.
“Belen, kilalang-kilala ko ang nobyo mo. Palagi niyo akong kasama sa mga date niyo noong hindi pa kayo legal sa mga pamilya niyo. Gusto mo sumama ka pa sa’kin mamaya. Baka nandoon ulit iyon. Balita ko kasi palaging itong nandoon tuwing gabi,” alok ni Paula. Mangiyak-ngiyak namang tumango si Belen tsaka siya niyakap ng kaibigan.
Limang taon nang magkasintahan sina Belen at Charles. Kahit isang beses ay hindi pa nag-aaway ng malala ang dalawa. Mabait kasi ang binata habang sobrang hinhin at mahinahon naman ang dalaga. Kaya naman sobra ang kirot na nararamdaman ni Belen nang marinig niya ang balita mula sa kaniyang kaibigan.
Kinagabihan ay sumama ang dalaga sa kaniyang kaibigan upang masaksihan ang pagtataksil ng binata. At kung sinuswerte ka nga naman ay kitang-kita ni Belen kung paano halikan ng kaniyang nobyo ang isang babae. Maiksi ang suot nito, naka-sleeveless, malaki ang dibdib, bakat na bakat ang hubog ng katawan.
Tsaka napatingin si Belen sa kaniyang sarili. Nakasuot siya ng pantalon, t-shirt at sumbrero. Wala rin siyang dibdib o balakang man lang. Kaya naman imbes na sugurin niya ang babaeng kahalikan ng kaniyang nobyo ay umuwi na lang siya kasama ang kaniyang kaibigan habang umiiyak.
Naisip ni Belen na kaya siguro nagawa ni Charles na mambabae ay dahil sa hindi siya isang kaakit-akit na babae kaya naman napagdesisyunan niyang magparetoke ng kaniyang katawan upang makaganti siya sa kaniyang nobyo.
“Ano? Nasisiraan ka na ba?” gulat na tanong ni Paula.
“Sige na. Samahan mo ako. May sapat naman akong pera,” iyak ni Belen dahilan upang mapapayag niya ang kaniyang kaibigan.
Nagtungo sila sa isang tagong klinika. Dito raw nagpapadagdag ang mga binabae ng dibdib, balakang at pwet. Abot kaya lang ang bayad dito dahilan para pagsabay-sabayin ni Belen ang pagpapadagdag sa kaniyang katawan. Buong-buo ang loob niyang paglawayin ang kaniyang nobyo.
Matagumpay ngang nakapagpaturok at nakapagpaopera ang dalaga. Mayroon na siya ngayong malambot at naglalakihang dibdib, korteng bote na katawan at matambok na pwet. Hindi nga siya nakilala agad ng kaibigan pagkalabas niya ng klinika.
“Samahan mo akong bumili ng mga damit sa mall. Kailangan ko ng mga sando, shorts at heels,” saad ni Belen sa kaibigan habang nangangamba naman si Paula sa mga biglaang desisyon ng dating mahinhin na kaibigan.
Kinagabihan ay rumampa si Belen sa bar kung saan palaging nagpupunta ang kaniyang dating nobyo. Agad niyang nakuha ang atensyon ng lalaki.
“Belen? Ikaw ba ‘yan?” tanong ni Charles. Nagulat ang lalaki nang makita niya ang bagong itsura ng kaniyang dating nobya. “Oo, ako nga. ‘Yung sinayang mo,” mataray na sambit ng dalaga tsaka niya nilagpasan ang binata.
Agad na kumandong si Belen sa isa sa mga lalaking umiinom sa bar habang malagkit siyang nakatingin sa dating nobyo.
Halos gabi-gabi ay ganoon ang ginagawa ni Belen. Minsan nga ay siya lang mag-isa ang nagpupunta sa bar dahil ayaw niyang makita ng kaniyang kaibigan kung paano siya nabaliw sa pagkawala ng kaniyang nobyo. Matagumpay naman niyang nakukuha ang atensyon nito.
Isang buwan pa lang ang nakalilipas simula nung magpadagdag si Belen ngunit tila nag-iiba na ang korte ng katawan ng dalaga. Lumaylay ang dibdib, balakang at pwet niya dahilan upang hindi na siya makalabas ng bahay.
“Paula, anong nangyayari sa akin?” tanong ni Belen sa kaniyang humahangos na kaibigan. Tinawagan niya ito para puntahan siya.
“Naku, nadali ka ata ng pekeng nagtuturok. Diyos ko! Nakakadiri! Magpatingin ka na sa totoong doktor. Halika sasamahan kita,” sambit ni Paula tsaka nito binalutan ng tela ang kaibigan.
Nalaman ng magkaibigan na naimpeksyon na pala ang balat ng dalaga. Sising-sisi si Belen dahil matagalang gamutan ang kailangan niyang gawin.
“Kung hindi lang ako nagpakain sa inggit ko, eh, ‘di sana hindi nagkaganito ang katawan ko. Diyos ko, patawarin mo ako!” iyak ni Belen sa sarili
“Sana maging aral ito sa iyo, Belen. Hindi mo naman kailangang ibahin ang pagkatao mo para lang mapanatili ang isang tao. Dahil kung mahal ka niyang talaga ay hindi na siya maghahangad pa ng iba. Tanggapin mo na lang na wala na siya at alagaan mo ng mabuti ang sarili mo,” pangangaral ni Paula. Wala namang magawa si Belen kung ‘di ang umiyak sa balikat ng kaibigan.
Sumailalim ang dalaga sa matagalang gamutan at unti-unti niya muling minahal ang kaniyang sarili. Wala man siyang nobyo ngayon ay tahimik at payapa naman ang puso’t isip niya.
Minsan talaga sa kagustuhan nating makamtan ang pambihirang pangangatawan ay mas lalo nating nailalagay sa peligro ang ating sarili. Mas mabuti nang makuntento kung anong mayroon ka dahil kahit ano mang itsura mo may tamang taong tatanggap at magmamahal sa’yo balang araw.