“Mama, sobrang sakit na po talaga ng tiyan ko,” daing ng dalagang si Bianca sa kaniyang ina. “O, halika. Papahiran kita ng langis. Maigi ito sa sakit ng tiyan,” tugon naman ni Aling Lourdes sa anak.
“Ipinahid mo na sa akin iyan kagabi, mama, eh. Wala namang talab,” reklamo ng dalaga. Narinig naman ito ng kaniyang ama dahilan upang sumabat ito.
“Mahal, baka naman iba na talaga ang nararamdaman ng anak natin. Dalhin na kaya natin siya sa ospital?” alok ng lalaki. Halata na sa kaniyang mukha ang pag-aalala para sa kaniyang anak.
“Hilario, naman. Kaunting sakit ng tiyan ospital agad? Baka may nakain lang iyang anak mong kakaiba kaya ganiyan ang nararamdaman niya,” depensa pa ng ginang habang hinihilot ang tiyan ng dalaga.
“Mas maiging dalhin na natin sa ospital ang ating anak para matignan na rin ng doktor. May sapat naman tayong pera, eh,” giit ni Mang Hilario tsaka inilabas ang kaniyang pitaka.
“Tumigil ka nga. Akala mo naman pinupulot lang natin ang pera. Pagdating sa ospital limang daang piso na agad para sa doktor. Eh, may mga gamot pa. Madadaan naman ito sa hilot, eh.” sagot pa ng ginang. Galit na si Aling Lourdes dahil sa kagustuhang gumastos ng asawa.
“Ikaw nga, Bianca, bawas-bawasan mo ang kaartehan mo, ha. Mapapagastos tayo ng wala sa oras sa simpleng sakit ng tiyan mo, eh,” sermon naman ng babae sa kanilang anak tsaka ito binigyan ng mainit na inumin upang maibsan ang sakit ng tiyan.
Kilala si Aling Lourdes sa kanilang barangay bilang isang kuripot na babae. Kapag nga may nagso-solicit sa kanilang lugar kahit pa sobrang nakakaawa na ay hindi niya ito aabutan. Ang rason niya palagi, “Hindi naman pinupulot ang pera. Matuto kayong magtrabaho.”
Isang flight attendant noon ang ginang. Nang ipinanganak niya si Bianca ay napagdesisyunan niyang tumigil na lang sa pagtatrabaho at nagtayo na lamang ng isang maliit na negosyo para makatulong sa kaniyang asawa.
Masagana ang pamumuhay ng pamilya. Para kay Aling Lourdes ito ay dahil sa kasinupan niyang humawak ng pera. Ngunit tila naging sakit na ng babae ang pagpipigil sa paggastos ng pera dahil kahit namimilipit na ang kaniyang anak sa sakit ng tiyan ay ayaw niya pa rin itong dalhin sa ospital.
Nung sumapit ang gabi nung araw ding iyon ay humahagulgol na si Bianca dahil sa sobrang sakit. Iginigiit pa rin ng ginang na mawawala rin ito pero dahil nga labis nang naaawa sa anak ang kaniyang asawa kahit pa ayaw ni Aling Lourdes ay dinala na nito sa ospital ang anak.
“Sinasabi ko sa’yo, Hilario! Uuwi rin kayo dito kaagad dahil may ipapahid lang diyan sa anak mo ang mga doktor!” sigaw ni Aling Lourdes habang nilalagyan ng asawa ng jacket ang anak.
“Tumigil ka na. Mas importante ba ang pera mo kaysa sa anak mo? Matauhan ka naman. Hindi na biro ito,” depensa ni Mang Hilario tsaka ito umalis kasama ang anak. Naiwan namang nanggagalaiti sa inis si Aling Lourdes.
Wala pang isang oras ay nakatanggap na nang tawag si Aling Lourdes mula sa kaniyang asawa. Kinakailangan na raw operahan kaagad ang kanilang anak. Babagsak na raw kasi ang mga batong namuo sa apdo nito at maaaring maapektuhan ang ilang bahagi ng tiyan nito. Ang pinakamatinding puwedeng mangyari ay ang bawian ng buhay ang dalaga.
Halos napaluhod naman sa balitang narinig ang ginang. Tila nanghina siya at natulala. Naisip niya na kung hindi pala nagpursigi ang kaniyang asawa na dalhin na sa ospital ang kanilang anak ay baka mas lalo pang lumala ang kalagayan nito.
Agad na nag-empake si Aling Lourdes ng mga kakailanganing gamit. Labis na siyang nag-aalala at kinakabahan. Kumuha na rin siya ng sapat na perang pambayad sa ospital mula sa kaniyang bank account. Ika niya, “Tunay ngang mas mahalaga ang buhay ng anak ko kaysa sa pera ko.”
Sa kabutihang palad ay naging matagumpay ang operasyon ni Bianca. Labis ang tuwa ng ginang nang makitang maayos nang nakakatulog ang kaniyang anak.
“Pasensya ka na, anak. Sa sobrang katipiran ni mama nalagay sa peligro ang buhay mo. Hayaan mo. Ilalagay ko na sa lugar ang pagkakuripot ko,” iyak ni Aling Lourdes sa natutulog na anak. Agad naman siyang niyakap ng kaniyang asawa.
Simula nung araw na iyon ay mas binigyan na ng pansin ni Aling Lourdes ang kalusugan ng kaniyang pamilya kaysa sa kaniyang pera. Mapapalitan nga naman ang pera ngunit ang buhay ng tao ay iisa lamang.
Hindi naman talaga masama ang pagtitipid. Ang masama ay kung magbubulag-bulagan ka sa mga delikadong sitwasyon huwag lang mabawasan ang pera mo sa bulsa.