Inday TrendingInday Trending
Nadala Sa Pagtakas

Nadala Sa Pagtakas

“Mama, sama po ako sa mga classmate ko mag-Divisoria, ha? Kailangan ko po kasi bumili ng uniform ko. Eh, doon daw po mura. Diyan kasi sa palengke natin doble ang patong,” paalam ni Ivon sa kaniyang ina habang iniimis ang mga damit na kaniyang gagamit sa pag-alis.

“Naku, anak, diyan ka na lang bumili sa palengke. Parehas din naman. Mamamasahe ka, kakain ka doon, eh, ‘di ganoon rin ang gastos,” tugon naman ni Aling Resie. Bahagya namang napakunot ang noo ng dalaga.

“Hindi po, ma. Siyempre marami po kaming bibilhin, eh, ‘di may discount pa kami. Tsaka magaganda po ‘yung klase doon kaysa diyan sa palengke natin,” giit pa ng dalaga. Halata sa kaniyang mukha ang kagustuhang umalis.

“Kahit na. Makakamura nga kayo, eh, baka mapahamak naman kayo doon. Wala pa kayong kasamang matanda. Diyan ka na lang bumili sa palengke. May suki naman ako doon. Sasamahan na lang kita bukas ng umaga,” sagot naman ng kaniyang ina dahilan upang unti-unti nang mainis ang dalaga.

“Pero, mama, kailangan po kasi na pare-parehas kami. Tsaka, mama, labing siyam na taong gulang na ako. Hindi na po ako bata,” pangungumbinsi pa ni Ivon. Pero buo ang loob ng kaniyang ina na huwag siyang payagan.

“Ivon, makinig ka sa’kin. Huwag ka nang makipagtalo. Inaalala lang kita,” mahinahong sambit ni Aling Resie.

“Mama naman, eh!” inis na sigaw ni Ivon tsaka pumasok sa kaniyang silid. Padabog nitong isinara ang kaniyang pintuan.

Nag-iisang anak ni Aling Resie ang dalaga kaya naman ganoon na lamang siya kahigpit dito. Nang minsan niya kasi itong payagang sumama sa field trip nila noong elementarya ay nadisgrasya ito at muntik nang hindi makalakad. Natakot ng husto si Aling Resie kaya’t ngayon ay ayaw na ng babae na payagang umalis ang kaniyang anak lalo na kung hindi siya nito kasama.

Ngunit dahil na rin sa malaki na ang kaniyang anak ay palagi na itong magpupumilit na umalis. Kesyo raw kaya na niya ang kaniyang sarili o dahil sa matanda na siya. Ngunit kapag pinapayagan ng babae na umalis ang anak ay madalas umuuwi ito nang umiiyak dahil nawalan ito ng wallet o selpon na labis namang ikinababahala ni Aling Resie.

Nung araw ding iyon, bandang tanghalian pagkatapos nilang kumain ay nagpaalam ang dalaga na pupunta siya sa computer shop para gumawa ng kaniyang assignment. Agad naman itong pinayagan ni Aling Resie dahil doon lang iyon sa kabilang kanto.

“O, huwag mo nang dalhin ang lahat ng pera mo, ha? Baka mamaya maiwan mo pa iyan sa computer shop,” bilin ng ina sa nagsusuklay na dalaga. Tumango naman si Ivon at dali-daling umalis.

Lumipas na ang tatlong oras ngunit hindi pa rin nakakabalik ang dalaga. Nagsimula nang mag-alala si Aling Resie kaya tinawagan na niya ito.

“Anak, nasaan ka na? Bakit ang tagal mo?” pag-uusisa ni Aling Resie. “Nasa computer shop pa rin po. Marami kasi itong ginagawa ko, mama, eh. Mayamaya po ay uwi na rin ako,” sambit ni Ivon tsaka nito ibinaba ang tawag.

Nakatulog na ang ginang dahil sa paghihintay. Magdidilim na noong siya’y nagising ngunit tila wala pa rin ang anak niya. Hindi na siya mapakali kaya tinawagan niya itong muli. Kaso nakapatay na ang selpon nito. Upang makontak si Ivon ay binuksan ni Aling Resie ang tablet ng anak. Sakto namang nakabukas ang messenger ng dalaga. Doon niya nabasang tumuloy pa rin pala ang kaniyang anak sa Divisoria.

Labis na inis at kaba ang nararamdaman ni Aling Resie. Wala pang ilang minuto ay nakatanggap na siya ng tawag mula sa anak, “Mama, sunduin niyo po kami dito sa Divisoria. Na-holdap po kaming lahat. Buti naitago ko sa sapatos ko itong selpon ko. Sorry po, mama.” iyak ni Ivon dahilan para mapahangos si Aling Resie nang wala sa oras dahil sa pag-aalala.

Isang oras ang nakalipas nang makarating si Aling Resie sa lugar kung nasaan ang kaniyang anak. Nang makita siya nito ay agad siya nitong niyakap at tsaka humagulgol ng iyak.

“Mama, takot na takot ako. Ayoko na dito. Umuwi na tayo,” iyak ni Ivon na parang bata. Doon na naikuwento ng mga kaklase ni Ivon na muntik na silang paslangin ng mga kawatan dahil ayaw nilang ibigay ang mga pera nila. Tinutukan sila ng mga ito ng baril kaya naman lahat ng pera nila ay ibinigay na nila.

Napabuntong-hininga na lang ang ginang dahil sa sinapit ng anak. Huli man ang lahat dahil halos lahat ng kaklase ng anak ay tila na-trauma na ang mahalaga ay makakauwi na ang mga ito at mabibigyan ng babala ang kanilang mga magulang.

“Anak, sana sa susunod huwag mo na akong takasan, ha? Gusto ko lang naman na masigurong ligtas ka. Pero siguro kailangan mong ngang makaranas ng ganito upang matuto ka. Tahan na. Nandito na si mama,” pangangaral ni Aling Resie sa anak na wala pa ring tigil sa pag-iyak kahit pa nasa sasakyan na sila.

Paghatid niya sa mga kabataan sa kani-kanilang mga bahay ay ipinagbigay alam ni Aling Resie sa mga magulang ng mga kaklase ng anak ang nangyari. Iminungkahi niya ring huwag na silang pagalitan bagkus ay pangaralan na lamang at pakalmahin.

Simula nung araw na iyon ay hindi na muling tumakas ang dalaga. Kapag ayaw ng kaniyang ina ay hindi na siya tumutuloy na labis namang ikinatuwa ng ginang.

Minsan talaga ay hindi natin makokontrol ang ating mga anak. Ngunit kahit anong mangyari ay marapat lamang na intindihin natin sila.

Advertisement