Inday TrendingInday Trending
Joke Lang!

Joke Lang!

“Pareng Mike, may tatlo akong jokes sa ʼyo,” bigla na lang kinalabit ni Manuel ang kaibigan at kasama sa bahay na si Mike habang naggagayat ito ng sibuyas para sa ilulutong ulam nilang magkaka-dorm.

“Ano na naman ʼyan, Manuel? Ayan ka na naman,” kaagad namang sita nito sa tila naiiritang tinig.

“Basta, iba ʼto!” ngunit giit pa rin ni Manuel.

“O sige, ano ʼyang tatlong joke na ʼyan nang matapos na tayo?” Sumusuko na lamang na napakamot sa ulo si Mike dahil sa makulit na kaibigan.

“E di, joke-joke-joke!” saad pa nito sabay halakhak nang malakas habang nakahawak pa sa tiyan.

Napailing naman si Mike dahil sa kakulitan ng kaibigan. Ngali-ngali niya itong kutusan kung hindi nga lang masamang manakit ng kaibigan.

“Ewan ko sa ʼyo, Pare!” tanging nasabi na lamang ni Mike bago minabuting pagtuunan na lang talaga ng pansin ang kaniyang ginagawa.

Pumasok sa kwarto si Manuel at humilata roon. Bagot na bagot siya dahil wala siyang magawa, kaya naman isang kalokohan ang naisip niyang gawin…

“Magnanakaw! Magnanakaw!”

Binulabog ng mga sigaw na iyon ni Manuel ang buong kabahayang inuupahan nilang magkakaibigan kasabay ng mga kalampag at kalabog na nagmumula sa kaniyang kwarto.

Dali-dali namang nagsipagpanhik ang kaniyang mga kasama sa bahay na sina Mike, Joshua at Allen upang sa kaniya ay sumaklolo.

“Pare! Pareng Manuel, anoʼng nangyayari sa ʼyo?!” ang hiyaw ni Mike sa nag-aalalang tono.

“Pare, buksan mo ‘tong pinto!” banat naman ni Joshua kasabay ng malalakas na pagkatok nito.

Ngunit nananatiling tahimik si Manuel sa loob habang patuloy ang mga kalampagan at kalabog, kayaʼt minabuti na lamang ni Allen na sipain ang pinto upang mabuksan na iyon.

Umalingawngaw sa paligid ang malakas na tunog ng pagkasira ng pintuan ng kwarto ni Manuel—na nang mga sandaling iyon ay naabutan nilang gumugulong na sa katatawa sa sahig. Hawak nito ang isang monoblock chair na ginagamit pala nito upang gumawa ng mga tunog na narinig nina Mike, Joshua at Allen kanina.

Laking pagkainis ng tatlo sa inasal ng kaibigan nila.

“Joke lang naman, mga pare! Kayo naman, ‘di naman kayo mabiro!” sabi ni Manuel sabay muling humagikhik na muntik nang ikapikon sana ni Allen. Kung hindi lang naawat nina Mike at Joshua ang huli, malamang ay nasuntok na nito ang mapagbiro nilang kaibigang si Manuel.

Sa totoo lang ay wala na ni isa man sa kanila ang natutuwa sa paulit-ulit na pangti-trip ni Manuel. Sumusobra na kasi ito. Talagang hindi na nakatutuwa ang mga biro nitong madalas ay below the belt na.

Minabuti na lamang na palampasin ng tatlo ang nangyari upang hindi naman sila magkasirang magkakaibigan. Nangako naman si Manuel noon na hindi na uulit, ngunit alam nilang sabi lang nito iyon at hindi naman tutuparin.

Hindi nga nagkamali sina Mike, Joshua at Allen, dahil makalipas lang ang tatlong araw ay inulit na naman ni Minuel ang masama niyang biro.

“Magnanakaw! Tulungan nʼyo ako! May magnanakaw dito!” hiyaw nito katulad noong isang araw.

Sinundan iyon ng matitinding kalampagan at kalabugan, ngunit sa pagkakataong ito ay walang ni isang kumilos sa tatlo. Hindi na nila balak pang paloko sa kaibigan nilang ito.

Lingid sa kanilang kaalaman, tunay na at hindi na biro ang mga sigaw na iyon ni Manuel. Talagang pinasok na ito ng magnanakaw nang gabing iyon at tinutukan pa ito ng kutsilyo.

Takot na takot si Manuel, ngunit walang saklolong dumating upang tulungan siya. Alam niyang ang akala ng mga kaibigan niyaʼy nagbibiro na naman siya.

Nalimas ang gamit ni Manuel nang gabing iyon at naiwan na lang siya sa kwarto niya, na butas ang tagiliran. Pinilit niyang maglakad at buksan ang pintuan upang makapunta sa mga kaibigang nooʼy naabutan niyang prenteng nanunuod lang ng TV sa salas.

“M-mga pare tulungan nʼyo ako, n-nasaksak ako!” hinang-hina nang tawag ni Manuel sa tatlong kaibigan na nang lingunin siyaʼy pare-parehong walang mga ekspresyon sa mukha.

Kung hindi pa nila nakitang bumubulwak na ang dugo sa tagiliran ni Manuel ay hindi pa sila maniniwalang totoo na palang nasaksak ito!

Isinugod nila si Manuel sa ospital at salamat sa Diyos, dahil wala namang masamang nangyari sa binata bukod sa muntik nang mahagip ng kutsilyo ang kaliwa niyang bato.

Isang malaking leksyon ang natutunan ni Manuel sa mga nangyaring iyon. Kung hindi lang sana siya naging maloko ay hindi sana nalagay sa alanganin ang kaniyang buhay at hindi sana nasira ang tiwala ng mga kaibigan niyang handa sanang sa kaniyaʼy umagapay.

Advertisement