Nag-iisang anak ni Mario at Flor si Lorna kaya naman sobra kung ingatan at alagaan nila ang kanilang unica hija kahit na ito ay dalaga na.
“Anak, gising na. Kakain na tayo,” pagyayaya ng ina habang ginigising ang natutulog na anak.
“Gising na po, mama. Ano pong ulam?” tanong naman ng anak nito. “Siyempre pinagluto kita ng paborito mong ulam,” nakangiting sagot naman ng ina kaya nagmadaling tumayo si Lorna para makapag-ayos bago kumain.
“Akala ko nananaginip lang ako kanina. Kaya po pala amoy kare-kare kasi may kare-kare,” masayang sabi ni Lorna na siyang ikinatuwa ng ina nito.
“O siya, iintayin ka namin ng papa mo sa baba, ha? Mag-ayos ka na rin para pagkakain mo papasok ka na lang sa eskwelahan,” sabi ng ina ng dalaga bago pa tuluyang bumaba.
Ilang minuto lang ang lumipas ay nakababa na rin si Lorna para saluhan ang kaniyang mga magulang sa pagkain.
“Alam mo, mama, kapag nagtayo po tayo ng kainan tapos bida itong kare-kare niyo sigurado akong yayaman tayo agad,” natatawang sabi ni Lorna habang patuloy sa pagkain ng paboritong kare-kare.
“Ikaw talaga, o, ganiyan ka naman palagi pag iyan ang ulam natin,” natatawang sabi naman ng ama nito.
Nang matapos na sa pagkain si Lorna ay dinala na nito ang kaniyang pinagkainan at hinugasan bago pa tuluyang magpaalam sa mga magulang.
“Sabi sa’yo ako na ang maghuhugas ng pinggan, eh,” sabi ng ina ng dalaga habang pinupunasan ang nabasang parte ng uniporme ng anak.
“Nawala lang sa isip ko na may butas ‘yung tubo natin, ma. Ok lang ‘yan,” sagot naman ni Lorna bago pa tuluyang umalis ng kanilang tahanan.
Pagdating ni Lorna sa kaniyang paaralan ay agad siyang tinanong ng kaniyang kaklase kung nakagawa siya ng kanilang takdang-aralin.
“Nakagawa ka ba ng homework natin?” tanong ng kaklase ni Lorna. Nginitian naman ito ng dalaga at inasar.
“Siyempre naman. Masipag akong estudyante ng ating paaralan at masipag na anak na tumutulong sa aking mga magulang sa mga gawaing-bahay. Hindi ako ‘yung tulad ng iba na pagkauwi ay video games agad ang inaatupag hanggang sa abutan ng antok. Mangongopya ka na naman ba?” sabi ni Lorna.
“Grabe naman ‘to. Sinubukan ko naman na mag-homework muna kaso nga lang pagkauwi ko nakita ko ‘yung laptop ko. Para bang tinatawag niya ko. Sabi niya laruin ko raw siya saglit. Tapos ‘yon ang saya namin,” natatawang sagot ng kaklase ng dalaga.
“Last na ‘yan, Jericho, ah? Matuto kang maging responsable,” sabi ni Lorna habang inaabot ang kwaderno sa kaibigan.
“Kaya gustung-gusto kita, eh,” pabirong sagot naman ng binata habang kinokopya na ang mga sagot ng kaibigan.
“Alam ko. Sabi kaya ng iba nating kaklase na nagtatanong ka raw kung anong mga gusto ko,” natatawang sabi ni Lorna na siyang ikinagulat ng kaibigan nito. Halos nanginginig ang pagsusulat nito habang nakayuko sa kahihiyan.
Pagkatapos kopyahin ang mga sagot ni Lorna ay agad nang ibinalik ni Jericho ang kwaderno at nagpasalamat. Nang patayo na ang binata para umalis sa tabi ng dalaga ay muli itong bumalik sa pagkakaupo para kausapin si Lorna.
“Lorna, puwede ba kitang ligawan?” mautal-utal na tanong ni Jericho habang nakayuko pa rin sa tabi ng dalaga. Nagulat naman si Lorna dahil hindi niya inaasahan na ganun kabilis ang pag-amin ni Jericho kahit nagsinungaling siya sa sinabi niya kanina tungkol sa mga kaklase nila.
“Alam mo para mas pormal kila mama ka magpaalam. Kasi sa akin okay lang naman,” nakangiting sagot ng dalaga dahilan para iangat ng binata ang kaniyang mukha.
Magtutuluy-tuloy pa sana ang kanilang pag-uusap subalit dumating na ang kanilang guro kaya kailangan na nilang bumalik sa kaniya-kaniyang upuan.
Pagkatapos ng kanilang klase ay agad na nagligpit ng gamit si Lorna para maagang makauwi sa kaniyang mga magulang. Habang naglalakad ito ay agad naman itong sinabayan ng kaniyang manliligaw.
“Sabayan na kita, Lorna. Hatid na kita sa inyo tutal magkalapit lang naman ang bahay natin,” sabi ni Jericho habang sinasabayan ang malalaking hakbang ng nililigawan.
Nang makarating sila sa bahay ni Lorna ay nakita ni Jericho ang ina ng dalaga na naghihintay sa tapat ng bahay nila.
“Good afternoon po,” magalang na bati ni Jericho.
“Hello, anong pangalan mo, hijo?” nakangiting sagot naman ng ina ni Lorna.
“Mama, si Jericho po pala. Kaklase ko po. May sasabihin daw siya sa’yo,” singit ni Lorna habang inilalapit ang binata sa ina.
“Ano po… Hmm… Puwede niyo po ba ako payagan na manligaw kay Lorna?” nauutal na sabi ni Jericho. Nagulat naman ang ina ni Lorna. Pero kahit ganoon ay binigyan niya ng isang pagkakataon ang binata.
“Jericho, unica hija namin ‘yan. Prinsesa kung ituring namin si Lorna. Kaya kung desidido ka talagang ligawan ang anak ko magsikap ka,” sabi ng ina ni Lorna.
Natuwa naman ang binata sa sinabi ng ina ng dalaga kaya pinilit niyang baguhin ang kaniyang sistema ng pamumuhay para lang mapatunayan na sapat ang pagmamahal na ipaparamdam niya kay Lorna at para sagutin siya ng sinisintang dalaga.
Lumipas ang ilang buwan at dumating na ang graduation nila Lorna at Jericho. Dito ibinigay ni Lorna ang regalo na hinding-hindi kayang ibigay ng kahit na sino sa binata.
“Jericho, congratulations. Sabi sa’yo kayang-kaya natin maka-graduate, eh. Akalain mo ‘yun magkasunod pa tayo sa listahan ng honor students,” sabi ni Lorna.
“Kaya nga, eh. Nagulat din ako. Kaya ko pala. Iba kasi ata talaga kapag inspired mag-aral,” pabirong sagot ni Jericho.
“Jericho, para sa matagal mo nang pinaghihirapan. Oo. Oo ang sagot ko,” biglang sabi ni Lorna sabay yakap sa binata.
Labis ang tuwa na naramdaman ni Jericho dahil hindi niya akalain na yayakapin siya ng babaeng pinakamamahal niya sa harap ng mga kaklase nila at ng kanilang mga magulang.
Doon na nagsimula ang tagumpay ni Jericho at Lorna nang magkasama. Ipinangako ni Jericho sa mga magulang ng dalaga na hindi lamang prinsesa ang magiging turing niya kay Lorna kung ‘di isang reyna dahil ang dalaga raw ang gagawin niyang nag-iisang reyna ng kaniyang mundo.