
Kababalaghan o Mapanghusgang Mata ng Tao Lamang?
Bagong salta sa probinsya si Janine. Lumaki siya sa Maynila kaya halos lahat ng bagay sa probinsya ay nakakapanibago para sa kanya.
“Janine, huwag kang magpasaway rito sa lola mo. Dinala ka namin dito para matuto,” bilin ng mama niya sa dalaga.
Simula noong mag-asawa ulit ang ina ni Janine ay nagsimula nang magrebelde ang dalaga sa ina. Kaya minabuti niyang iwan muna sa probinsya ang anak niya sa pagbabaka-sakaling magtino ito.
“Ma, ikaw nang bahala kay Janine. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kanya, hindi niya ako sinusunod. Lagi niyang binabastos ang Tito Dominic niya. Nag-iinom na siya at nagsisigarilyo pa, sinisira na niya ang buhay niya!” maluha luha pang kinakausap ni Elena ang ina.
“Kung bakit kasi hindi mo siya kinausap bago ka nag-asawa ulit? Alam mo namang sobrang malapit ‘yang anak mo sa papa niya,” sagot ng matanda sa anak.
Hindi nalang umimik si Elena. Alam niyang nabigla si Janine sa agaran niyang pag-aasawa.
Dahil sa galit ni Janine sa ina, hindi ito lumabas ng kwarto magdamag. Dahil naninibago sa probinsya, hindi siya makatulog.
Lumabas siya ng kwarto upang magpahangin sa labas. Hanggang sa bumungad sa kanya ang lola niya sa may pinto.
“Lola naman e! Bakit ka ba nandyan? Nagulat ako sa’yo!”
“Saan ka ba pupunta? Mag hahating-gabi na.”
“Ang init sa loob, hindi ako makatulog. Lalabas lang ako saglit at magpapahangin,” paalam nito sa kaniyang lola.
“Janine, huwag ka nang lumabas. Iba ang Maynila at probinsya, apo. Kung sa Maynila may mga masasamang-loob sa gabi. Dito sa probinsya ay may mga maligno at aswang.”
“Lola, ano ba naman kayo? Ang tanda ko na! Hindi na ako natatakot sa mga ganyan,” ipinagkibit-balikat na lang ito ng dalaga.
“Hindi ako nagbibiro sa iyo. Matagal nang usap-usapan sa bayan na may aswang na nakatira sa lumang bahay diyan sa kanto. May isang matanda at isang kuba doon. Kailanman, wala pang nakakapasok sa bahay na iyon. Ang sabi nila, doon daw kinakatay ang mga taong biktima nila. At bahay natin ang pinakamalapit sa bahay na iyon, kaya mas mainam nang hindi ka lumabas.”
Tumindig ang balahibo ni Janine sa narinig. Hindi naman siya naniniwala sa mga multo kaya lang ay nakakatakot magsalita ang lola niya!
Parang pinipigilan talaga siyang lumabas.
Kaya pumasok na lang siya ng kwarto. Mga ilang minuto pa siyang kunwaring naiidlip pero, hindi pa talaga siya inaantok.
Hanggang sa mag-ring ang cellphone niya.
“Hello? Janine?” tugon ng nasa kabilang linya.
“Lyra! Mabuti tumawag ka!”
“Ikaw kasi, hindi ka nagtetext man lang! Nasaan ka ba?”
“Yun na nga! ‘Di ako makapagtext dahil wala akong load! ‘Di ako binigyan ng pera ni Mama. Iniuwi pa ako sa probinsya!”
“Ibig sabihin nasa probinsya ka ngayon?!”
“Tumpak! Nandito ako at sobrang bored na ako rito! Loadan mo ’ko!”
“Okay sige, wait mo mag lo-load ako.”
Mga ilang minuto lang dumating na hiningi niyang load. Kaya lang saktong nawalan na ng signal ang kaniyang cellphone!
Kaya napilitan siyang lumabas ng bahay at maglakad-lakad.
“Signal! Nasaan ka?! Sige na please!”
Hindi niya namamalayan na malayo na pala siya sa kanila. At saktong bumuhos ang malakas na ulan!
Walang na siyang nagawa kundi ang sumilong sa pinakamalapit na bahay sa pwesto niya.
“Tao po! Tao po! Pasilong po!”
Agad naman siyang pinagbuksan ng isang kuba.
Napasigaw pa sa takot si Janine dahil sa itsura nito!
“Pasok po kayo, para ‘di na kayo mabasa ng ulan,” alok sa kanya nito.
Hindi na nagdalawang-isip si Janine kaya pumasok na lamang siya sa loob. Huli na nang pumasok sa isip niya ang sinabi ng lola niya.
‘Yong tungkol sa aswang! ‘Yong aswang na nakatira sa lumang bahay!
Gusto na niyang sumigaw dahil napagtanto niya na ang bahay na tinutukoy ng Lola niya ay ang bahay kung nasaan siya ngayon!
Bago pa siya makasigaw, biglang tumakbo sa kanya ang matandang babae!
“Lolaaaaaaaaaaaaa!” umalingawngaw sa buong baryo ang matinis na sigaw ng dalaga.
Tumigil nalang siya ng mapansing wala namang ginagawa sa kanya ang matanda. Bagkus, umiiyak ito.
“Lola Andeng, huwag na kayong umiyak. Tama na. Tinatakot mo ang bisita natin,” saway ng kuba sa matanda.
Mas lalo lang lumakas ang iyak na matanda. Hindi ito magkamayaw sa kaiiyak. Nag-alala si Janine kaya hindi niya napigilang tanungin ito.
“Lola, bakit po kayo umiiyak?”
“Lola tahan, hindi iyan si Beverly. Panauhin natin yan, nakisulong lang kasi umuulan,” singit ng kuba sa usapan.
“Kuya, sino po ba si Beverly? Sino po kayo?” nagtatakang tanong ni Janine.
“Kami ang pinaniniwalaang aswang sa lugar na ito. Pero huwag kang mag-alala dahil walang katotohanan iyon. Sadyang mapanghusga lang ang mga tao,” malungkot na pahayag nito.
Huminto muna ito bago tuluyang magsalita.
“Si Beverly ang nag iisang anak ni Lola Andeng. Naglayas ito noong dalaga pa siya, dahil sa pag-aasawa ni Lola. Simula noon ay hindi na ito bumalik. Kaya laging sarado ang bahay na ito, dahil ang bilin ni Lola tanging si Beverly lang ang pagbubuksan ko ng pinto. Pero hanggang ngayon, hindi na siya nagpakita. Ngayon bulag at pipi na si Lola Andeng, kaya akala niya noong bumukas ang pinto ikaw si Beverly.”
Nalungkot si Janine sa kwento ni Lola Andeng. Hindi siya makapaniwalang may malalim na dahilan pala ang mga kilos nito. Awang-awa siya sa matanda.
“Dito ka na, magpalipas ng gabi. Delikado sa daan, malakas pa naman ang ulan,” alok sa kanya ng kuba.
“Salamat… Kuya?”
“Casian. Kuya Casian na lang ang itawag mo sa akin. Katiwala ako ng bahay na ito, at kagaya ni Lola Andeng iniwan din ako ng mga anak ko dahil sa kapansanan ko,” bakas sa mukha ng lalaki ang lungkot.
Doon lang napaisip si Janine sa sitwasyon ng kaniyang ina. Hindi niya lubos maisip kung paano kinakaya ng mama niya ang mga pambabastos niya dito. Nang dahil sa nangyari ay natauhan siya!
Nagdesisyon siyang magpalipas ng gabi sa lumang bahay. Kinaumagahan, nadatnang niyang may mga pulis sa bahay nila.
“Lola? Lola?” dali-dali siyang tumakbo papunta sa loob.
“Lolaaaaa?!” umiiyak na siya sa takot na may nangyari sa Lola niya.
Tumambad sa harap niya ang nag-aalala niyang pamilya.
“Janine! Anak!” mangiyak-ngiyak na lumapit sa kanya ang ina.
“Apo! Pinag-alala mo ako!”
Hindi inasahan ni Janine ang mahigpit na yakap ng kanyang Tito Daryll, ang pangalawang asawa ng mama niya.
“Huwag mo nang uulitin ‘yon anak, sobrang pinag alala mo kami.”
Doon lang napagtanto ni Janine kung gaano siya kamahal ng pamilya niya. Simula noon, naging mabuting anak na siya. Hindi na siya nag rebelde sa mama niya.
Naging madalas na rin ang pagdalaw niya sa lumang bahay, kung minsan ipinapasyal pa niya sa labas si Lola Andeng.
Nawala na ang mga usap-usapan sa baryo tungkol sa mga aswang. Kahit na hindi na bumalik si Beverly, naging masaya si Lola Andeng dahil maraming tao na ang nagmamahal sa kanya.