Inday TrendingInday Trending
Kabit Lang Pala

Kabit Lang Pala

Kinaiinisan si Jewel sa opisina dahil sa masama niyang pag-uugali. Sa kabila kasi ng maamo at maganda niyang mukha ay umaalingasaw ang pagiging mayabang at pintasera niya. Halos lahat tuloy ng kasama niya sa trabaho ay pina-plastik lang siya.

Mahilig mamintas ang dalaga. Kapag may nakita siya na hindi niya gusto sa isang tao ay sinasabi niya ito sa masakit na pananalita, iyong tipong tatagos sa damdamin ng taong pinagsabihan niya. Bukod doon ay mahilig din siyang magyabang na marami siyang pera at nabibili niya ang lahat ng magustuhan niya.

“Kita niyo itong suot kong damit? Branded ito. Binili ko talaga ito sa mall. Hindi kasi ako bumibili sa ukay-ukay at pipitsuging tindahan ng damit. Pinadadalhan kasi ako ng boyfriend kong mayaman ng pera para mabili ko ang mga gusto kong bilhin. ‘Di gaya ng iba diyan na kahit anong gawin ay hindi kayang makabili ng ganito. Gaya ni Sarah na taga-Accounting na palaging bili sa ukay-ukay ang mga suot na damit. Ew, ang cheap!” malakas na sabi ni Jewel.

Ang hindi niya alam ay lihim siyang kinaaasaran ng mga katrabaho niya sa mayabang niyang pagkukuwento. Rinig na rinig kasi sa buong opisina ang lakas ng boses ni Jewel habang pinapainggit ang suot niyang damit at mamahaling accessories na binili sa mall gamit ang perang bigay sa kaniya ng mayamang nobyo.

“Ayan na naman siya. Umarangkada na naman ang pagiging mahangin ng babaeng iyan!” inis na sabi ng kaopisinang si Yolly.

“Hay naku, walang ginawa kung ‘di mang-inggit at mamintas sa kapwa. Napakasama ng ugali,” wika naman ni Rhoda.

“Porke’t may mayamang boyfriend ay puro pabida ang ginagawa. Ano kaya ang pinakain niya sa lalaki at lokong-loko sa kaniya? ‘Di kaya ginayuma lang niya iyon?” nagtatakang tanong ni Yolly. “Siguro. Hindi iyon imposible. Sa sobrang trying hard ba naman ng babaeng iyan lahat yata ay gagawin makuha lang ang lahat ng gusto niya,” sabat pa ni Rhoda.

Mayamaya ay hindi nila namalayan na nasa harap na nila si Jewel at narinig pala ang pinag-uusapan nila. “Ako ba ang pinagtsitsismisan niyo?” tanong nito na nakataas pa ang mga kilay.

“Eh, ano naman kung ikaw ang pinag-uusapan namin?” mataray na sagot ni Rhoda.

“Aba, ang kapal ng mga mukha niyo na pag-usapan ako! Ano na bang napatunayan niyo dito sa kompaniya? At least ako mataas na ang posisyon ko kaysa sa inyo kaya may karapatang akong magyabang. Ano? Baka gusto niyong isumbong ko kayo kay boss na imbes na nagtatrabaho kayo ay puro tsismis ang inaatupag niyo!” singhal ni Jewel sa mga kasama.

Hindi na nakapagsalita pa ang dalawang babae at tahimik na bumalik sa kani-kanilang puwesto. Laking tuwa naman ni Jewel dahil natakot na naman niya ang mga ito. Malakas ang loob niya na gawin iyon sa mga katrabaho niya dahil assistant manager nga naman siya sa opisina at paborito siya ng kanilang boss kaya ilag sa kaniya ang mga ito.

Isang araw ay isang babaeng nagwawala ang sumugod sa opisina at hinahanap si Jewel. Hindi ito napasin ng babae dahil abala ito sa pagme-makeup sa loob ng CR.

“Miss, huwag po kayong manggulo dito!” awat ng guwardiya.

“Puwede ba huwag niyong itago ang malanding babaeng iyan na maninira ng pamilya?” sigaw ng babae habang inaawat ng guwardiya na pumasok sa departamento nina Jewel.

Gulat na gulat ang mga empleyado nang marinig ang pagwawala ng babae.

“Regalo para sa anak ko dahil birthday nito hindi mabili ng asawa ko pero ang babae niya nabibigyan niya ng pera. Ang kakapal ng mukha!” sigaw pa ng babae.

Nang lumabas si Jewel sa CR ay kitang-kita agad siya ng babae. Hindi ito nagdalawang-isip at sinugod siya nito.

“Walangh*ya kang babae ka! Akala mo hindi kita matatagpuan, ha! Ito ang bagay sa iyo! Haliparot ka!” sabi ng galit na galit na babae. Sinabunutan niya si Jewel ng ubod ng lakas at pinagsasampal niya ito sa mukha.

“Huwag! Tulong!” sigaw ni Jewel habang pinagsasabunutan at sinasampal siya ng babaeng nag-eeskadalo sa loob ng opisina.

“Ano, nahihiya ka? Naisip mo ba iyan nang kumabit ka sa asawa ko at huthutan mo siya ng pera? Ang kapal ng pagmumukha mo! Pera na nga lang para sa amin ng anak ko nakikisawsaw ka pa!” gigil na sabi ng babae.

Narinig ng mga katrabaho ni Jewel ang lahat ng sinabi nito kaya umugong ang bulung-bulungan sa opisina. Sina Yolly at Rhoda ay napapangiti at napapailing na lang sa sinapit ni Jewel.

“Ayan! Ang yabang-yabang kasi. Akala natin maraming pera ang ibinibigay ng dyowa niyang mayaman iyon pala ay kabit lang siya,” wika ni Rhoda na pinagtaasan pa ng kilay si Jewel habang walang awang itong sinasaktan ng nagwawalang babae.

Sinubukan ni Jewel na lumaban pero mas malakas ang asawa ng lalaking kinakalantari niya. Sa sobrang lakas ng sampal at sabunot nito sa kaniya ay halos mamaga na ang mukha niya at mapanot ang kaniyang buhok.

Wala siyang nagawa kung ‘di sanggahin na lang ang mga hampas at kalmot nito sa kaniya hanggang sa maawat din ito ng guwardiya at ilang lalaki niyang kaopisina at tuluyang nailabas ang babae.

Mabuti na lamang at wala roon ang boss nila at nasa meeting sa kliyente nito sa Makati kung ‘di ay mas malaking kahihiyan ang aabutin niya.

Naiwan si Jewel na nakalupasay sa sahig, hiyang-hiya sa nangyari. Kitang-kita niya ang nangungutyang titig ng kaniyang mga kaopisina lalung-lalo na sina Yolly at Rhoda. Wala siyang ibang nagawa kung ‘di ayusin ang sarili at maglipit ng mga gamit. Lumabas siya sa opisina at umuwi ng bahay.

Sa tindi ng balik sa kaniya ng KARMA ay wala ng mukhang maihaharap si Jewel sa kompaniyang kaniyang pinagtatrabahuan. Tampulan na siya ng tsismis ng mga kaopisina niya at siguradong nakarating na rin sa boss niya ang nangyaring eskandalo.

Sa pagkakakilala niya rito ay ayaw pa naman nito na may mga ganoong eksena sa opisina dahil mahigpit ito sa pamamalakad at gusto nito na palaging nasa magandang imahe ang kompaniya. Sa nangyari ay tiyak niyang matatanggal siya sa trabaho kaya naisip niya na mag-resign na lang at humanap ng ibang kompaniyang papasukan.

Mula noon ay hindi na nakipagkita o nakipag-usap pa si Jewel sa lalaking kinabitan niya. Tinapos na niya kung ano man ang namamagitan sa kanila. Ayaw na niyang maulit ang kahihiyang dinanas niya. Pinagsisisihan na niya ang ginawa niyang kamalian at nangako siya sa sarili na matututo na sa mga nangyari sa kaniya.

Advertisement