Inday TrendingInday Trending
Isang Linggong Pagbabalik-tanaw

Isang Linggong Pagbabalik-tanaw

“Ano ka ba naman, Oscar? Ano, wala ka na namang pera! Kakasweldo mo lang tapos malalaman ko wala ka na namang maaabot na pera sa akin, ha? Saan mo na naman inubos? Sa babae mo, ano? Pinangbayad niyo na naman sa upa niyo sa motel, tama ako, ‘no?!” sigaw ni Melly sa bagong dating na asawa nang malamang wala na naman itong pera pandagdag sa mga bayarin nila.

“Pwede ba, Melly, magtigil ka! Hindi ka ba nahihiya sa mga pinagsasasabi mo? Talagang pinaparinig mo pa sa mga kapitbahay natin, ha? Gusto mo pa talagang mapasama sa kanila ang pangalan ko, ha!” tugon naman ni Oscar saka sadyang inihagis ang kaniyang sapatos sa likuran ng kanilang pintuan.

“Aba talagang dapat nilang malaman kung gaano ka kababoy bwisit ka! May asawa ka tapos lantaran kang nambababae? Akala mo ba hindi masakit? Akala mo ba robot ako para hindi maapektuhan sa mga anumalyang ginagawa mo, ha?” ika pa ng ginang, tila unti-unti na siyang naiiyak.

“Naku Melly, kasalanan mo iyan! Dahil sa pagkukulang mo kaya ako nagkakaganito, tapos bandang huli ako pa ang masama? Gusto ko lang naman sumaya, makasiping ka, pero ayaw mo!” sagot naman ng lalaki, tila napupuno na siya sa pagkuda ng kaniyang asawa.

“Oscar naman! Alam mo naman ang pinagdadaanan ko ngayon! Naiisip mo pang makipagsiping? Ano ka ba naman?!” inis na sambit ng ginang.

“Diyos ko! Nakakapagod nang magpaliwanag sa’yo!” sigaw pa ng lalaki.

“Nakakasawa ka na ring intindihin! Kaya mabuti pa para matapos na lahat ng ito, maghiwalay na tayo!” hayag ng ginang saka tuluyang humagulgol.

“Mas mabuti pa nga. Hayaan mo, bukas na bukas, magpa-file na ako ng annulment!” pag sang-ayon naman ng lalaki saka padabog na pumasok sa kanilang silid.

Halos dalawang dekada nang kasal sina Melly at Oscar. Sa katunayan nga, mayroon na silang labing siyam na taong gulang na anak na babae. Maayos naman talaga ang pagsasama ng dalawa.

Ngunit tila nanlamig ang ginang sa asawa nang mawalan siya ng trabaho noong isang taon. Labis niya itong dinamdam, labis siyang naapektuhan dahilan upang kapag nais makipagsiping ng kaniyang asawa niya, tinataboy niya ito at sinisigawan.

Ito marahil ang naging dahilan upang ganoon na lang magawang mambabae ng kaniyang asawa.

Kinabukasan, agad ngang nag-file ng annulment si Oscar. Madali siyang nakakuha ng mga dokumento dahil sa kaibigan niyang nagtatrabaho sa munisipyo.

Nang tuluyan nang makuha ang mga dokumento, agad siyang umuwi. Nadatnan niya naman ang asawa niyang nagtitiklop ng damit sa may sala, agad niya itong nilapitan saka hinagis ang mga dokumento.

“Ayan, pirmahan mo na iyan!” sigaw nito dahilan upang mapalabas ang kanilang anak.

“Pa, Ma, ano pong problema?” pang-uusisa ni Daniela, ang kanilang anak saka pinulot ang mga nagkalat na dokumento, “A-annulment? Maghihiwalay na po kayo? Desidido na talaga kayo? Paano na lang ako? Ma, Pa?” mangiyakngiyak na tanong ng dalaga.

“Anak, parehas na naming nasasaktan ang isat-isa, mas mabuti na nga sigurong tapusin na namin ito. Andito pa naman kami, eh. Relasyon lang namin ang puputulin namin, hindi ang responsibilidad namin sa’yo.” pangungumbinsi ni Oscar sa umiiyak na anak.

“Isang linggo, pag-isipan niyo po sa loob ng isang linggo. Please Ma, Pa. Gawin niyo po ulit yung mga nakasanayan niyo, noon.” iyak ng dalaga.

Tila pinagbigyan naman ng mag-asawa ang anak. Kahit pa medyo nahihiya sa isa’t-isa, alang-alang sa anak, nilabanan nila ito. Nagsimula muli silang gawin ang mga bagay na lagi nilang ginagawa noon. Sabay kumain, nagluluto, namamalengke, naglalaba at kung ano-ano pang gawaing bahay na dati’y pinagtutulungan nila.

Sa ika-anim na araw nilang pagbabalik ng mga gawain nila noon ng magkasama, tila parehas silang natauhan.

“Alam mo, Melly, na-miss ko ito, namiss ko yung mga nakasanayan natin. Hindi pa rin nag-iiba yung gaan sa pakiramdam na nararamdaman ko kapag kasama ka.” bulong ni Oscar sa asawa habang naggagayat ng gulay, napangisi lang naman ang ginang sa sinambit niya.

Bigla namang sumulpot ang kanilang anak, dahilan para magulat ang mag-asawa.”Tama ba yung narinig ko, Papa? Ibig sabihin ba noon, hindi niyo na itutuloy ang annulment niyo?” pang-uusisa ng dalaga, sabay na tumango ang mag-asawa, “Thank you, Lord!” sigaw ng kanilang anak, napatawa naman sila dahil naglululundag ito.

Tila kinalimutan na ni Melly ang mga kasalanan ng asawa niya sa kaniya. Nangako na naman itong babawi at hindi na muling maghahanap ng iba. Siya naman, nangakong gagawin ang mga responsibilidad niya bilang asawa at ina.

Masayang ipinagpatuloy ng mag-asawa ang kanilang buhay na magkasama. Mapait man ang naranasan nila, natuto naman sila na kahit kailan hindi solusyon ang hiwalayan sa isang relasyon.

Advertisement