
Nambabae Ka? Lalasunin Kita!
“Shaira, nakikita mo ba iyon? Hindi ba’t asawa mo yung lalaking naka-blue na polo shirt? Sino yung kasama niyang seksing babae? Ang iksi ng palda, ha?” bulong ni Cherry sa kaibigan, isang araw habang kumakain sila sa isang restawran.
“Lintik talaga. Kapag sinuswerte ka nga naman. Oo, walang duda. Si Unique yan. Ang lakas talaga ng loob na mambabae, ano? Porket siya nagpapalamon sa amin! Hindi talaga makuntento sa isa!” inis na tugon ni Shaira saka padabog na inilapag ang hawak na kutsara.
“Ano pang hinihintay mo? Sugurin mo na nang magulat!” utos ng kaniyang kaibigan saka siya bahagyang tinulak patayo.
“Hindi, hindi ako ganoong klaseng babae. Humanda siya sa ganti ko,” kalmadong sagot ni Shaira, tila may naisip na siyang ideya kung paano makakaganti.
“Anong binabalak mo?” pang-uusisa ni Cherry sabay inom ng juice, tila kasi nag-iba na ang awra ng kaniyang kaibigan.
“Sa dinami-dami ng kasalanan niya, hindi sapat na ipahiya lang siya, dapat bawian na siya ng buhay,” hayag nito, gulat na gulat naman ang dalaga sa sinabi ng kaibigan.
“Sira ka talaga! Kung ako sa’yo ngayon pa lang sugurin mo na, para tapos na. Tapos yung babae hubaran mo nang mapahiya doon sa mamahaling restawran na yon! Kaysa gawin mo iyang balak mo. Naku, baka makulong ka pa!” saway nito saka tinapik ang kaibigan.
“Huwag kang mangialam kung ayaw mong mapasama sa hukay,” banta ni Shaira saka umalis sa nasabing restawran. Naiwang tulala si Cherry dahil sa banta ng kaibigan. Tila sobra na itong nasasaktan upang makapag-isip ng ganoong bagay.
Halos isang dekada pa lang simula noong mag-isang dibdib sina Unique at Shaira. Masaya naman sila noong mga unang taon nila, dahilan para magbunga ang pag-iibigan nila. Ngunit tila sinubok ang kanilang relasyon ng bigla na lang natutong mambabae ang lalaki.
Halos buwan-buwan nababalitaan na lamang ni Shaira na may dinadala itong babae sa opisina. Sumbong pa nga sa kaniya ng mga guard doon, madalas lumalabas ito tuwing tanghali kasama ang iba’t-ibang babae para magtanghalian na labis na nagpapasikip sa dibdib niya.
Sakto namang tila nahuli na niya ang kaniyang asawa. Dahilan upang mapagdesisyunan niyang tapusin na ang lahat ng sakit kasama ng kaniyang asawa.
Plano na niyang tapusin ang buhay nito sa pamamagitan ng paglalagay ng lason sa pagkain ng lalaki. Bago pa man ito makauwi, naghanda na siya ng kanilang makakain. Inihiwalay niya ng luto ang pagkain ng kaniyang asawa.
Mayamaya pa, narinig na niyang bumukas ang kanilang gate, narinig niya na ring tumigil na ang makina ng kotse nito at ang boses ng kaniyang makulit na anak. Dahilan upang mataranta siyang itago ang lason na ginamit niya.
“Mommy! Andito na po kami ni Daddy! Nagpunta po kami sa park kanina, nag-see-saw po kami ni Daddy saka duyan! Tapos Mommy, nag-slide pa ako! Kaya lang po biglang may tumulak sa akin, tingnan niyo po, may sugat po ako sa tuhod,” dire-diretsong kwento ng bata.
“Buti na lang po andoon si Daddy para itayo ako saka kausapin yung bata, agad naman po siyang humingi ng sorry sakin. Binigyan niya pa ako ng chocolates!” Dagdag pa nito, bakas sa mukha ng paslit ang kasiyahang nadarama kasama ang kaniyang tatay dahilan para magdalawang isip ang babae kung itutuloy niya pa ang binabalak sa asawa.
“O, mukhang masarap iyang niluto mo, ha? Patikim nga.” sabi ni Unique saka akmang isusubo ang isang kutsarang ulam na sinandok niya.
“Naku, saglit. May langaw o, saglit papalitan ko itong iyo.” awat ni Shaira saka tuluyang inialis ang tasa ng ulam na nasa pwesto ng asawa, tila napaisip naman ang lalaki sa inasta ng asawa kaya sinundan niya ito sa kusina.
“Shaira, Mahal ko, may problema na naman ba tayo? Bakit naman bigla mong inalis yung pagkain ko?” usisa ni Unique nang makitang itinapon ng asawa ang kaniyang ulam.
“A-ano kasi..” utal na tugon ng kaniyang asawa.
Mayamaya pa tila bigla nang umiyak ang babae saka niya inamin ang kaniyang binalak sa asawa. Nagulat naman ang lalaki sa kaniyang mga sinabi, doon na binulgar ng babae ang lahat ng kaniyang mga nalaman tungkol sa mga anumalya niya.
“Diyos ko, Mahal! Naniniwala ka talaga doon? Pawang usap-usapan lang ang mga iyon. Wala akong karelasyon doon, mga katrabaho ko lang iyon. Hindi ako nagpakasal sayo at nag-anak para lang lokohin ka. Sana sinabi mo agad sa’kin para hindi tumindi yung galit mo sa’kin ng ganito. Muntik mo pa ako malason. Hayaan mo, lilinisin ko ang pangalan ko sayo. Babawi ako para sa’yo, at para sa anak natin. Ayokong lumaki siyang walang ama,” mangiyakngiyak na sambit ni Unique saka niyakap ang humahagulgol na asawa.
Simula nang pagkakataong iyon, tila naayos na muli ang kanilang relasyon. Nagawa na ulit ni Shaira na magtiwala sa asawa at tila bumabawi naman sa kanya ang lalaki. Kada tanghalian niya, imbis na lumabas pa kasama ang mga katrabaho, umuuwi ito at sinasamahan siyang kumain.
Minsan dahil sa tsismis, nasisira talaga ang isang relasyon. Sa kasamaang palad pa, nagbubunga ito ng maling desisyon. Matuto na nawa tayo na magtiwala sa kapareha natin.