Inday TrendingInday Trending
Pangarap Kong Sasakyan

Pangarap Kong Sasakyan

Mga sasakyang pang lupa, kotse, motor, tricycle, bus, at kung anu-ano pa. Para sa atin ay normal lang natin itong nakikita araw-araw ngunit para kay Mark bawat sasakyan sa kaniya ay espesyal.

Si Mark ay dalawampu’t isang taong gulang. Bata pa lamang si Mark ay hilig niya na ang pag-aayos at pagdidisenyo ng mga sasakyan. Ngayong taon ay magtatapos na siya sa kursong Automotive Engineer.

Isang araw ay kinausap si Mark ng kaniyang guro.

“Mark, maganda lagi ang pinapakita mo sa klase. Ngayong magtatapos ka na tutulungan kitang makahanap ng magandang trabaho,” saad ng guro ng binata. “Naku, sir, maraming salamat po hindi ko po tatanggihan ang tulong niyo.”

Dumating na ang araw ng pagtatapos ni Mark sa kolehiyo. Napuno ang araw na iyon ng mga masasayang luha dahil sa magandang bunga ng lahat ng kaniyang paghihirap sa kaniyang pag-aaral at pagsasakripisyo ng kaniyang mga magulang makapagtapos lang siya ng kolehiyo.

“Anak, hindi mo kami binigo ni papa mo sa iyong pag-aaral. Salamat at hindi ka nagpabaya sa klase,” saad ng ina ng binata.

“Oo nga, Mark. Buti hindi ka naging bulakbol. Ano na ang balak mo ngayong nakapagtapos ka na ng kolehiyo?” tanong ng ama ng binata. “Salamat din sa inyo ma, pa, sa sakripisyo niyo. May inalok na tulong sa’kin ‘yung isa kong guro. Tutulungan niya daw ako kapag nakapagtapos na ako,” sagot naman ni Mark sa kaniyang ama.

“Talaga? Aba, eh, ‘di maganda makakahanap ka kaagad ng trabaho,” natutuwang sagot ng ama ng binata.

“Kaso nga lang hindi pa tumatawag sa’kin si sir, eh. Tine-text ko pero hindi din sumasagot,” saad pa ni Mark.

“Huwag mo na munang isipin ‘yan, anak. Halika at kumain na tayo para makapagpahinga ka na din pagkatapos,” payo ng ina ni Mark.

Lumipas ang mahigit isang linggo nang may tumawag na kompaniya kay Mark. Isang car company na kung saan kinukuha nila ang binata para magtrabaho doon.

Kinabukasan ay agad na nagtungo si Mark sa kompaniya.

“Magandang araw. Ako si Mark Dela Cruz. Nandito po ako dahil natanggap ko po ‘yung tawag ninyo. Gagawin ko ang lahat para maging parte ng kompaniyang ito. Ito ang aking resume,” panimula ni Mark at agad na iniabot ang kaniyang resume.

“Hindi ko na kailangan ‘yang resume mo,” agad na pagtanggi ng nakausap ng binata.

“Sir? Bakit naman po, sir?” nagtatakang tanong ni Mark.

“Ako si Chris at ako ‘yung matalik na kaibigan ng guro mo. Matagal ka na niyang sinasabi sa’kin. Nakita ko na ang lahat. Kung paano ka magdisenyo, pag-uugali mo at kahit grado mo. Naipakita na niya sa’kin,” masayang saad ng lalaki.

“Ibig sabihin po ba nito, sir, tanggap na ko?” gulat na tanong ni Mark. “Oo, tanggap ka na and gusto ko mag-start ka na sa Lunes,” masayang saad ni Chris sa binata.

“Maraming, maraming salamat po sa inyo, sir. Hindi ko po akalain na makakapasok ako agad,” maluha-luhang sabi ni Mark.

“Huwag ka sa’kin magpasalamat, sa teacher mo. Sa kaniya ka magpasalamat,” masayang sabi ni Chris at agad na kinamayan ang binata.

Matapos ang kanilang pag-uusap ay agad pinuntuhan ni Mark ang kaniyang guro para makapagpasalamat.

“Sir, pasok na ako sa kompaniya ng best friend niyo. Maraming salamat talaga, sir, tinulungan niyo akong makahanap ng trabaho,” masayang balita ni Mark sa kaniyang guro. “Wala ‘yun basta galingan mo. Alam kong malayo ang mararating mo,” tugon ng guro.

Ilang buwan ng nagtatrabaho si Mark sa kompaniya. Hindi niya iniinda ang pagod dahil gusto niya ang kaniyang ginagawa. Kakaiba ang kaniyang mga gawa. Bawat dinisenyo niyang kotse ay nagugustuhan ng kanilang mga kliyente kaya’t marami ang bumibili sa kanila.

Lumipas ang ilang taon at nagkaroon ng pagbabago sa mga likha ni Mark. Napansin ito ni Chris kaya kinausap niya ito. “Mark, pansin ko parang hindi ikaw ang gumawa ng mga dinisenyo mo nitong mga nakaraan. Hindi na kasing ganda ng mga gawa mo noon.”

“Pasensya na, sir. Nam*tay na po kasi si mama at papa. Halos magkasunod na araw lang dulot ng katandaan kaya’t nahihirapan akong magdisenyo,” malungkot na pahayag ni Mark.

“Nakikiramay ako sa pagkawala ng iyong mga magulang. Wala namang problema kung hindi ka muna pumasok ng ilang araw,” pakikiramay ni Chris sa lalaki.

“Hindi na, sir. Alam ko naman na nasa mabuti ng kalagayan ang mga magulang ko. Siguro ay hindi ko lang matanggap kaya nagkakaganito ako.” tugon naman ni Mark.

“Tama ‘yan, Mark, isipin mo na lang na pinapanood ka ng mga magulang mo kaya’t dapat lang na huwag ka ng malungkot,” wika ni Chris na nagpalakas ng loob ng lalaki.

“Opo, sir. Salamat po. Aayusin ko na ang mga gawa ko at mas lalo ko pang pagagandahin ang bawat sasakyan,” lakas loob na sabi ni Mark.

Makalipas ang maraming taon ay marami na ang nagbago. Marami na ang nangyari. Maraming problema ang sumubok kay Mark. Pagod at hirap ang kaniyang hinaharap araw-araw. Nagsimula ito noong nam*tay ang kaniyang mga magulang pero hindi ito naging hadlang sa kaniya para tumigil sa buhay.

Ngayon ay may sariling pamilya na si Mark. Ang asawa niya ay si Alice na dati niyang classmate. Meron silang dalawang anak na lalaki, si Justin at Miguel.

Naging matagumpay ang kompaniyang pinagtatrabahuhan ni Mark. Ang talento niya ang nagdala sa tagumpay na ito kaya’t malaki ang pasasalamat ni Chris kay Mark.

Ngunit gusto nang mag-retiro ni Mark. Gusto niyang mamasyal sa iba’t ibang lugar kasama ng kaniyang pamilya. Malaki na ang kaniyang ipon. May natabi na din siyang pera para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Nakapagpundar na din siya ng magandang bahay at lupa. Wala nga lang siyang sasakyan dahil wala siyang mahanap na istilo ng sasakyan na pasok sa kaniyang nais.

“Mark, alam mo kung hindi dahil sa sipag at talento mo hindi magiging ganito ang kompaniya,” wika ni Chris.

“Hindi, sir. Naging matagumpay ang kompaniya dahil sa pagtutulungan ng lahat ng mga empleyado,” sagot naman ni Mark.

“Next week may kakausapin ulit tayong client,” saad ni Chris. “Sir, tungkol nga pala sa pagtatrabaho ko dito. May gusto akong sabihin sa inyo,” panimula ni Mark na tila nahihiya sa gustong niyang sabihin.

“Sige, Mark, sabihin mo na. Hanggang kaya ko ay tutulungan kita lalo pa at ikaw ang nagdala ng milyung-milyong pera sa kompaniya dahil sa mga dinisenyo at ginawa mong sasakyan,” natatawang wika ni Chris.

“Gusto ko na sana mag-retiro, sir,” malungkot na sabi ni Mark na ikinagulat ng lalaki.

“Hindi ako makapapayag, Mark. Hindi ako papayag na iiwanan mo ang kompaniya ko. Mahirap makahanap ng katulad mo, Mark,” pagtanggi ni Chris.

“Pero, sir, sa dalawampu’t taong pagseserbisyo ko dito madalang ko lang nakasama ang pamilya ko. Gusto ko nang magpahinga, sir. Gusto ko namang makabawi sa kanila. Gusto ko silang ipasyal sa iba’t ibang lugar,” paliwanag ni Mark.

“Sige. Ibibigay ko kung ano ang gusto mo, Mark, pero sana ay pagbigyan mo ko sa huling proyektong ipapagawa ko sa’yo. Sa halagang dalawampu’t milyong piso gusto kong gumawa ka ng sasakyan. Ikaw ang bahala kung anong klase at kung anong disenyo,” saad ni Chris.

“Sige, sir. Bigyan niyo ako ng isa o dalawang buwan. Matatapos ko ‘yang proyekto na ‘yan.”

Buong pusong ginawa ni Mark ang huling proyekto na binigay sa kaniya. Makalipas ang dalawang buwan ay agad niya itong ipinakita kay Chris.

“Sir, ito na po ang pinapagawa ninyo,” Inabot ni Mark ang susi ng sasakyan ngunit hindi ito kinuha ng lalaki.

“Iyang huling sasakyang ipinagawa ko ay para sa’yo. Pasasalamat ko dahil malaki ang naitulong mo para maging matagumpay ang kompaniya,” paliwanag ni Chris.

“Talaga, sir? Akin ‘to? Maraming, maraming salamat, sir. Malaki din ang utang na loob ko sa inyo dahil pinagkatiwalaan niyo ako.” Tuwang-tuwa si Mark sa sasakyang ibinigay sa kaniya.

Naiyak si Mark sa regalong ibinigay ng kaniya ng kaniyang boss. Hindi niya mapaliwanag ang sayang kaniyang nararamdaman. Bata pa lamang siya ay gustung-gusto na niyang magkaroon ng ganoong klaseng sasakyan ngunit ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataong maisakatuparan ito. Sa tulong ng kaniyang boss ay mayroon na siyang sasakyan na ginawa niya ng buong puso.

May mga naging problema man si Mark hindi ito naging hadlang para huminto siya sa kaniyang gustong gawin. Nilisan ni Mark ang kompaniya ng may mga ngiti sa labi dala ang sasakyang siya mismo ang gumawa at nagdisenyo.

Advertisement