“Mars, tignan mo nga kung positive na, mukhang hindi na naman, eh. Mukhang isang pulang linya lang ‘to. Nakakawala na ng pag-asa. Baka hindi na nga talaga ako mabubuntis, may edad na rin kasi ako, eh. Kung alam ko lang na ‘to ang magiging kapalit ng pagiging flight attendant ko dati, hindi na ako papasok sa trabahong iyon. Natagtag tuloy ang obaryo ko,” dismayadong sambit ni Juanita sa kaniyang kumare, kakalabas niya lamang ng banyo saka iniabot ang ginamit niyang pregnancy test sa kumare.
“Teka, teka, masyado kang madrama. Hindi mo muna hinintay na magproseso itong pregnancy test. Tignan mo o! Isang linyang pula, at may isang medyo malabong linya pa! Saglit, mukhang buntis ka na!” ika ni Dindin saka nagtatatalon sa tuwa.
“Talaga? Patingin nga!” paninigurado ng ginang, halos maluha siya ng makita na totoo ngang nagdadalawang linya na ang pregnancy test na ginamit niya.
“Totoo ba ito? Naku, Mars! Kung panaginip man ‘to gisingin mo ako,” iyak na Niya sa kumare habang hinihimas-himas ang kaniyang tiyan
“Hindi ‘to panaginip! Dininig na ang isang dekadang pananalangin mong magka-anak!” sabi pa nito saka siya mahigpit naniyakap.
“Diyos ko! Maraming salamat, Panginoon ko!” iyak niya sa Maykapal.
“Mars, para mas makasigurado tayo, samahan mo ako magpa-ultrasound mamaya, ha? Baka nagkakamali lang tayo eh,” yakag niya saka nagpunas ng luha, bakas pa rin sa mukha niya ang kasiyahan.
“Oo ba. O siya, uuwi muna ako. Lulutuan ko muna ng ulam ang mga anak ko. Huwag ka masyadong maggagagalaw, ha? Baka naman makunan ka pa!” paalam nito saka tuluyang umalis ng bahay. Naiwan namang nakangiti’t nakamasid sa naturang pregnancy test ang ginang. Wala pa rin siyang tigil sa pag-iyak, “Siguradong matutuwa ang asawa ko nito!” ika niya sa sarili.
Isang dekada nang kasal si Juanita sa kaniyang hayskul sweetheart na si Hanz. Ngunit tila hindi mabuntis-buntis ang ginang dahil nagkaroon siya ng komplikasyon sa kaniyang trabaho dati bilang isang flight attendant.
Base sa sabi ng doktor, bahagya raw natagtag ang kaniyang katawan sa walang tigil niyang paglipad noong kabataan dahilan para hindi siya mabilis mabuntis. Sumalang siya sa gamutan ngunit tila hindi ito epektibo kaya naman wala na siyang magawa kundi manalangin na lamang.
Kaya naman labis na lang ang kasiyahan niya nang malamang buntis na siya sa wakas. Sabik na sabik na siyang ibalita ito sa kaniyang asawa.
Bandang alas nuwebe ng gabi, dumating na nga ang kaniyang asawa. Lasing ito, kaya naman agad niya itong inasikaso. Ngunit, paghubad niya ng damit nito upang palitan, tila nakita niyang puro kalmot ito sa likuran.
“Hanz! Ano ‘to? Bakit puro kalmot ka sa likod mo? Huwag mong sabihing…” inis na sabi ni Juanita.
“Oo! Tama yung iniisip mo, bakit? Wala kang karapatang magalit dahil hindi mo ako mabigyan ng anak! Edi ako na ang gumawa ng paraan para magkaanak ako!” bulyaw nito saka mag-isang nagsuot ng damit
“Hanz naman! Paano na ang gagawin ko dito ngayon?” mangiyakngiyak na tanong ng dalaga saka inihagis sa asawa ang pregnancy test na ginamit niya kanina
“Wala na akong pakialam dyan. Sigurado naman akong hindi iyo yan! Baog ka nga, diba?” tugon nito saka tuluyang nagpahinga. Hindi niya pinansin ang inihagis ng asawa, naiyak lang ang ginang sa inasta ng asawa.
Napagdesisyunan niyang huwag na muna matulog sa kanilang bahay at nagpunta sa kaniyang kumare. Doon niya nilabas lahat ng sama ng loob niya. Tila hindi niya matanggap na nagawa siyang ipagpalit ng asawa dahil sa karamdaman niya.
Kinabukasan, sa bahay ng kumare niya, nagulat na lamang siyang nasa tabi na niya ang asawa. May nakahanda na ring almusal at isang tangkay ng rosas.
“Anong ginagawa mo, dito? Hindi ba’t wala ka nang pakialam sa akin?” tanong ng ginang, nilayo niya ang sarili sa asawa.
“Anong walang pakialam? Nagulat na nga lang ako na wala ka na sa bahay tapos nasa lapag itong pregnancy test mo! Alam mo ba sobrang saya ko? Todo iyak nga ako kanina, eh.” sabik na sabik na sambit ni Hanz saka hinimas ang kaniyang tiyan.
“Maniwala ako sa’yo! Sabi mo sa’kin kagabi, nambabae ka dahil hindi kita mabigyan ng anak! Tapos puro kalmot ka pa sa likuran!” iritableng tugon nito saka inialis ang kamay ng asawa sa kaniyang tiyan, tawang-tawa naman ito sa inasta ng ginang.
“Ano ka ba? Parang hindi ka naman nasanay na kung anu-ano ang nasasabi ko kapag lasing ako. Saka yung mga kalmot? Hinagisan kasi ako ng katrabaho ko ng pusa sa likod kagabi, sakto namang nakahubad ako sa bahay nila,” paliwanag ng lalaki.
“O, huwag ka na magalit, hindi ko naman magagawang palitan ka pa. Lalo na ngayong may anghel na tayo. Daddy na ako sa wakas!” sigaw niya saka niyakap ng mahigpit ang asawa.
Paglipas ng siyam na buwan, nagsilang na ng isang lalaking sanggol ang ginang, sobrang lusog nito at kamukhang-kamukha ng tatay. Labis namang naiyak ang lalaki ng makitang matagumpay na nanganak ang kaniyang asawa.
Muling naayos ang kanilang pagsasama. Lalo pa itong tumibay lalo pa’t mayroon na silang munting anghel na aalagaan.
Wala talagang imposible kapag ang Diyos ang gumawa ng paraan. Kahit pa nasa edad ka na, kung plano Niyang magkaanak ka, magkakaanak ka.