Inday TrendingInday Trending
Likhang Gawa Sa Basura

Likhang Gawa Sa Basura

“Manny, itapon mo na nga yung ginawa mong istatwa! Nakaharang na naman doon sa pintuan natin! Paano na lang kung may dumating na bisita? Nakakahiya’t pagpasok pa lang nila ng gate makikita na agad nila yung basura mo!” bulyaw ni Aling Lerma sa kaniyang anak, kakatapos lang nitong gawin ang kaniyang proyekto.

“Nay, hindi po basura ‘yon. Pinaghirapan ko kaya ‘yon. Saka pwede ko pa ‘yon ibenta kapag nabigyan na ako ng grado ng professor ko,” nakangiti’t puno ng pag-asang tugon ni Manny.

“Anong hindi basura ‘yan? Basura ‘yan! Ang isang bagay na gawa sa basura, basura pa rin! Tignan mo nga, ‘yan ang pinagmamalaki mo? Eh, ang pangit pangit ng itsura! Halatang gawa sa basura! Sabi naman sayo, huwag ka na mag-aksaya ng oras at panahon na tapusin iyang walang kwentang kurso mong tungkol sa sining! Hindi mo ikayayaman ‘yan! Sayang lang mga ginagastos namin ng tatay mo sa’yo!” sigaw pa ng ginang, bahagya namang napasimangot sa mga katagang narinig ang binata.

“Makakabayad rin po ako sa inyo, Nay. Hintayin niyo lang po, sisikat ako bilang isang iskultor na gumagawa ng mga istatwa na gawa sa basura,” sagot ng binata, pilit niyang pinapaintindi sa ginang ang kaniyang pangarap ngunit tumayo lamang ito sa kinauupuan at lumabas ng bahay.

“Sa panaginip mo, makakabayad ka sa’min, pero sa tunay na buhay, hindi! Taas ng pangarap mo para sa istatwang ‘yan! Lumipat ka na ng kurso! Mag-doktor ka na lang, Diyos ko!” tugon nito saka bahagyang tinadyakan ang gawa niyang proyekto, buti na lang at hindi ito nasira. Tinabi na lang ng binata ang nasabing istatwa saka pumasok sa kaniyang silid at doon niya binuhos lahat ng sama ng loob.

Nasa pangawalang taon na sa kolehiyo ang binatang si Manny ngunit katulad dati, hindi pa rin talaga bilib sa kaniya ang kaniyang ina. Lagi siya nitong pinapagalitan dahil nga ika nito, sinasayang niya lang ang pangpaaral sa kaniya dahil sa kursong napili.

Kahit pa madalas maganda naman ang likha ng binata, lagi nitong sinasabing pangit. Kung minsan pa nga, sabik na sabik ipakita sa kaniya ng binata ang proyekto niya, ngunit ihahagis niya lang ito o itataboy. Masakit para sa binata lahat ng husga ng kaniyang ina. Tila wala siyang nararamdamang kahit katiting na suporta mula sa ina.

Nang araw ring iyon, bandang ala una ng tanghali, umalis na ang binata sa kanilang bahay upang pumasok. Bitbit-bitbit niya ang kaniyang istatwang proyekto nang makasalubong ang ina na galing sa bahay ng kumare niya.

“O, huwag mo nang iuuwi ‘yan mamayang gabi sa atin, ha? Idiretso mo na sa tambakan. Ayokong may kalat sa bahay,” masungit na sambit nito saka siya tuluyang nilampasan, napabuntong hininga na lang ang binata sa asal ng ina.

Nang makarating sa kaniyang paaralan, dali-dali niyang ipinasa sa kaniyang professor ang kaniyang likha. Tuwang-tuwa ito at tila manghang-mangha sa kaniyang masining na proyekto. Napansin naman ito ng principal ng kanilang paaralan nang napadaan sa kanilang silid.

“Gawa mo ‘yan? Grabe ang ganda! Sakto, may patimpalak sa ibang bansa sa paggawa ng mga bagong likhang gawa sa basura! Gusto mo sumali? Ako bahala sa’yo! Isasali natin itong gawa mo!” ika nito na naging dahilan upang matabunan lahat ng sama ng loob na tinatago niya sa loob niya, tila napalitan na ito muli ng saya’t pagkasabik.

Noong oras ring iyon, dali-dali nang inasikaso ng naturang principal lahat ng kailangan niya. Passport, registration fee, registration form, LAHAT. Tila tuwang-tuwa ito sa pagiging malikhain ng binata. Ngunit kailangan niyang magpapirma ng kasulatang nagsasabing pinahihintulutan siya ng kaniyang mga magulang. Dito siya nagdalawang isip dahil marahil, hindi ito pipirmahan ng kaniyang ina.

Umuwi siyang malungkot, tila ayaw na niyang ituloy ang pag-alis.

“O, buti naman itinapon mo na ang proyekto mo.” bungad nito

“Yung basurang ‘yon, makakarating na sa ibang bansa.l,” ika niya, tila nagulat naman siya nang mapagtantong nadulas siya sa kaniyang ina.

“Makakapunta ng ibang bansa?” paninigurado ng ina, saka siya nilapitan at tila ngiting-ngiti, “Kailan ang alis mo?” agad na tanong nito halatang bahagya itong nasabik, doon na pinakita ng binata ang kasulatan na agad namang pinirmahan ng ginang.

Hindi nagtagal, tuluyan nang nakaalis ang binata sa bansa upang dumalo sa naturang patimpalak. Dahil sa labis na kagandahang taglay ng kaniyang likha, ito ang tinaguriang kampyon at nag-uwi siya ng malaking halagang salapi.

Nagtutumalon naman sa tuwa ang kaniyang ina nang malaman ang balitang ito.

“Nak, pasensya ka na kay Nanay kung lagi kitang pinapagalitan sa gusto mong pangarap, ha? Pinatunayan mo sa akin na hindi ako laging tama. Simula ngayon, ibibigay ko ang buong suporta ko sa pangarap mo,” ika nito na labis na nagpaiyak sa binata, tila mas masaya siya sa balitang ito kaysa sa salaping hawak niya.

Sumikat sa halos buong mundo ang likha ng binata dahil sa patimpalak na ito. Patuloy siyang gumawa ng iba pang likha na talaga nga namang pinag-aagawan ng iba’t-ibang bansa.

Labis ang kasiyahan ng binata, habang labis naman ang pagmamalaki ng ginang sa anak niyang pinaglaban ang pangarap niya.

Kapag talaga nasa puso mo ang iyong pangarap walang anumang dahilan ang makakahadlang dito.

Advertisement