Inday TrendingInday Trending
Maligayang Kaarawan, Tay

Maligayang Kaarawan, Tay

Patang-pata ang kanyang katawan. Halos wala siyang tulog noong nakaraang gabi dahil magdamag siyang pumasada.

Doble kayod dahil malapit na naman ang pagbabayad ng matrikula ng anak. Si Junjun, nagpapabili ng bagong sapatos. Habang si Elaine, sawa na raw sa itlog o sardinas na hinahain nila sa hapag.

“Sardinas na naman, ‘tay?” nakasimangot nitong wika pagdating galing sa kung saang lupalop.

Maikli ang suot nito tuwing gabi. Marami din itong kolorete sa mukha.

“Pasensya na. Hindi kasi ako nakapagtrabaho ng husto, kaya walang kinita. Medyo may sakit kasi ako,” aniya.

Umirap ito sa kanya. Halata sa mukha ang iritasyon.

“Siya, siya, siya. Matutulog na muna ako at gisingin niyo ako kapag may iba ng pagkain maliban dito…” anito sabay nagdadabog na pumasok sa isang maliit na kwarto.

Napapikit siya sa pagbagsak ng pinto. Naiintindihan niya ang anak. Kung minsan, ay gusto na rin niyang magreklamo sa buhay. Halos nalalasahan niya pa nga ang kinaing sardinas, ngunit heto’t iyon na naman muli ang nakahain sa hapag.

Kaya’t kinabukasan ay hindi na siya umuwi sa bahay. Maghapon magdamag siyang bumiyahe kahit pa may iniindang karamdaman.

Ayos lang, kung may kaunting manok naman siyang mabibili. Hindi niya maririnig ang pagrereklamo ni Elaine.

At may iba pang paggastos. Mahal na mahal niya ang mga anak kaya’t gagawin niya ang lahat para sa mga ito.

Magdamag siyang bumiyahe sa kanyang ruta. Nilalabanan ang sakit, pagod, antok at gutom.

“Manong, ayos lang kayo?” tanong ng isang pasahero nang mapansin ang kanyang katamlayan.

Ngumiti siya dito at tumango.

Maya-maya pa ay may isang lalaking pumara sa kanya. Agad niya itong hinintuan. Binata ito at may hawak na cellphone na nakatagilid.

Naglalaro yata ng video games. Yung “ML” na lagi niyang naririnig kay Junjun. Hindi raw nito malaro dahil wala naman itong cellphone. Kaya’t nangako siyang pag-iipunan ang cellphone nito.

Halos hindi mapuknat ang tingin sa cellphone nito, dumukot ito ng barya at iniabot, sabay sabing “Manong, happy birthday.”

Napatingin ang mga pasahero rito at nagsitawanan. Natawa rin ito ng maisip ang sinabi.

Halatang wala sa sarili.

“Ay sorry! Espanya ho pala!” bawi nito.

Tumango siya at ngumiti. “Pero salamat ha, kaarawan ko talaga ngayon. Buti at binate mo ako.”

Nagulat ito sa kanyang sinabi.

Kaarawan niya ngayon. Inaantay niya ang pagbati ng kanyang mga anak ngunit mas nauna pa ang isang pasaherong hindi niya kilala.

“Ay talaga? Happy birthday ho kung ganon!” Humalakhak na ito.

“Salamat!”

“Edi dapat di ka nagtatrabaho ngayon, manong. Wala ba kayong birthday leave?” usisa pa nito.

“Wala eh. Alam mo na, kailangang kumita.” paliwanag niya.

“Kantahan natin si manong!” panghihikayat nito sa mga kapwa pasahero na agad na sumunod.

“Happy birthday, manong! Happy birthday, manong! Happy birthday, happy birthday Happy birthday, manong!”

At naghiyawan at halakhakan ang mga ito na akala mo ay magkakakilala. Lumawak ang kanyang ngiti.

Wala ang mga ito sa tono ngunit hindi niya masupil ang ngiti. Sa wakas, may nakaalala ng kanyang kaarawan kahit na maging siya ay halos nakalimutan na ito.

“Maraming salamat kaya wag na kayo magbayad.” aniya at muntik na ibalik ang kanilang mga pera.

“Hindi na manong. Kailangan niyo yan, para maaga kayong makauwi. O, heto. Kaunting halaga. Sa inyo na lang at mukhang mas kailangan mo ito,” sabay abot nito ng dalawang daan sa kanyang kamay.

Umiling agad siya para tumanggi. Ngunit nang hawakan nito ang kanyang kamay para ilagay sa kanyang braso ay wala siyang nagawa.

“Ang init mo manong! May sakit ka ata…” Pahayag nito.

Tumango siya. “Ayos lang, uuwi rin ako maya-maya.”

Pagpatak ng alas singko ay umuwi na siya matapos makabili ng lechong manok mula sa kinita.

“Kakain na.” aniya.

Agad na dumalo ang kanyang mga anak. Si Junjun at Isabelle.

“Wow! Lechong manok!” ani Junjun.

“Oo, Jun. Espesyal ang araw na ito kaya naman tawagin mo na ang Ate Elaine mo para makakakain na.” utos niya sa bunsong anak.

Mabilis naman itong tumalima.

Nakita niyang lumabas na muli si Junjun at sa likod ay si Elaine. Inaasahan niya na ang matatabil nitong sasabihin. Ngunit nagkamali siya nang umiiyak itong humahangos na yumakap sa kanya.

“Patawad po tatay sa mga ginagawa ko! Pasensya na sa pagiging makasarili pero mahal na mahal po kita, Tay. Happy birthday po!”

Napangiti siya agad.

“Happy birthday po tay! Tignan niyo po, sikat na kayo!” ani Isabelle sabay pakita ng kanyang Facebook account sa ama. Nabasa niya ang pahayag na Happy birthday kay manong driver! Hindi matatawaran ang kanyang dedikasyon para sa pamilya. Mahalin natin ang ating mga tatay. Ang sunod niyang nakita ay ang kanyang larawan sa jeep kanina. Napangiti ulit si manong.

Advertisement