Inday TrendingInday Trending
Sa Loob ng Kloseta

Sa Loob ng Kloseta

“Junmer! Pagkain! Nasaan ang pagkain? Ipaghain mo na ako!”

Malayo pa lang ay dinig na niya ang kanyang ama na sumisigaw. Mukhang lasing na naman. Hindi nga siya nagkakamali, dahil nakita niya itong pumasok ng bahay mula sa salamin.

Naabutan siya nitong naglalagay ng sandamakmak na kolorete sa mukha.

Bilin kasi ng kaibigang si Kimberly na tignan niya kung maganda ba ang mga produkto.

“Anak ng— hoy! Itigil mo ‘yan! Hindi ka talaga matigil tigil sa kalandian mo e!” Umalingawngaw ang boses ng ama.

Nagtalksikan ang mga kolorete sa kung saan na lupalop ng bahay. Naramdaman niya ang mabigat nitong kamao sa kanyang pisngi. Masakit.

Napahawak siya sa pisngi ng awtomatiko. Muntik na tumulo ang kanyang luha sa sobrang sakit.

“Ano? Di ka ba talaga titino, ha? Sinabi ko na sayong wala akong anak na….” tinignan siya nito mula ulo hanggang paa.

Mistulang diring diri sa kanya.

Hindi na iyon bago. Ganon talaga ang kanyang ama sa kanya mula noong magladlad siya. Minsan ay naiisip niya na magpaka-lalaki na lang kaya siya?

Pero hindi, alam niya sa kanyang sarili na imposible iyong mangyari. Mula noong nagkaisip siya ay kilala niya na ang kanyang sarili.

“Burahin mo yang nasa mukha mo, kung hindi ako ang bubura sayo sa mundo! Ipaghain mo ako! Bilis!”

Sa kabutihang palad, doon natapos ang kanyang ama sa pananakit sa kanya.

Sa tuwing lasing ito ay ganoon ang nangyayari. Madalas itong lasing. Ngunit kung hindi man ito sadlak sa impluwensiya ng alak, ay hindi pa rin siya nito kakausapin.

Anim na taong gulang siya noong unang beses na mapansin na kakaiba siya sa lahat. Hindi niya gusto ang baril barilan, o kaya naman robot. Dahil ang totoo, mas gusto niya kasi ang Barbie, ang lutu-lutuan o di kaya ay Chinese garter.

Madalas ay tinutulungan siya ng kanyang ina para ipagtanggol sa kanyang ama ngunit dahil mahina lang naman ang kanyang nanay ay wala itong magagawa. Sa huli, masasaktan pa rin naman siya ng kanyang tatay.

Impyerno ang kanyang naranasan sa piling ng kanyang tatay. Kaya naman malayo ang loob niya dito kahit na nag-iisa siyang anak.

Marahil nabigo ito dahil siya ang inaasahan nitong magdadala ng kanyang apelyido. Anong magagawa niya kung ganito talaga siya?

“May pasa ka na naman? Nabugbog ka na naman ba ni Tito?” tanong ni Kim matapos tumunganga sa kanyang mukha.

Tumango na lang siya. Sanay na rin naman siya at ayaw niya na kaawaan na naman siya ng kanyang kaibigan.

“Ay naku, Kim! Wag mo na nga ako alalahanin. Galingan mo na lang diyan sa pag-aayos sakin dahil gusto kong manalo ngayon. May nakita akong magandang bestida para kay nanay,” aniya sa kaibigan.

Ngayon kasi ay sasali siya sa patimpalak ng kapwa niya ay mga pusong babae rin. Marami sa mga ito ay mga kaibigan niya rin naman.

Ngumiti ang kaibigan, “Syempre naman. Mananalo ka,” positibo nitong komento.

Kabado siya sa buong pageant. Hindi ito ang una niyang sinalihan ngunit ito ang pinakamalapit sa kanilang tahanan. Dati kasi ay pinipili niya yung malalayo para di makikita ng kanyang ama. Ngunit iba ang kabang ito ngayon.

Hindi niya matukoy kung saan nanggagaling.

Habang nasa entablado siya ay nakita niya ang kanyang humahangos na ina.

“Jun!” sigaw nito.

Napatingin dito ang mga taong nanonood. Maging siya. Namatay ang musika.

“N- nay?”

“Ang papa mo, Jun! Ang papa mo!” Naintindihan niya na agad ang sinasabi nito. May malubha itong sakit sa puso.

Nanlaki ang kanyang mata kasabay ng pagtakbo pababa ng stage. Di alintana ang takong na suot niyang sapatos. Karipas ang takbo niya.

Ngunit nang dumating sa bahay, ay huli na ang lahat. Wala na. Wala na ang kanyang ama. Matindi ang pagtangis ng kanyang ina.

Habang inaasikaso ito sa morgue ay umuwi siya sa bahay para kumuha ng damit na masusuot nito sa burol. Sa lumang kloseta, ay ang samu’t saring kolorete sa mukha.

Kalakip ang isang liham at mga litrato. Nanlaki ang kanyang mata habang tinitignan ang mga nasa litrato.

Ang kanyang ama ngunit pormang babae!

Kasama nito ang liham para sa kanya na humihingi ng tawad sa lahat ng kasalanan nito. Kagaya niya, ay pinagmalupitan din ito ng kanyang lolo noong bata pa ito at pinilit na magkaasawa. Sabi pa ng tatay niya, ayaw nitong danasin niya ang pangungutya at pagdurusa na naranasan nito dahil lamang sa pagiging bakla nito.

Tumulo ang kanyang luha at napatingin sa litrato. Tanggap ako ni Tatay. Ayaw niya lang na mahirapan ako. Ito ang napagtanto niya nang mga oras na iyon.

Malaya ka na ngayon, Tay. Pinapatawad na kita.

Pareho lang tayo, tay. naging mas matapang lang ako. Ngumiti siya.

Advertisement