Inday TrendingInday Trending
May Ipon Ka Ba?

May Ipon Ka Ba?

Alas singko pa lamang ng umaga ay nakabangon na si Sheena kahit na alas nuwebe pa ang pasok niya. Sinisiguro niya kasi na bawat araw sa opisina ay nangingibabaw ang ganda niya sa iba pang mga kasamahan sa bangko na pinapasukan. Mula bata pa lamang kasi’y pangarap na rin niyang makakilala ng mayamang lalaki na magbibigay sa kaniya ng mala-reynang pamumuhay.

“Sheena! Iba talaga ang beauty mo. Pati puso ng bago nating sekyu nabihag mo na ata, ah! Kanina pa tingin nang tingin sa iyo, o,” pang-aasar sa dalaga ng isa sa mga kasamahang teller sa bangko na si Cara.

“Ew! ‘Di mo ba ko kilala? Bakit naman ako papatol sa security guard? Sigurado akong mas malaki pa ang sahod ko riyan. Baka ako pa ang magbayad kapag kumain kami sa labas, noh!” bulalas ni Sheena na para bang diring-diri sa kaniyang narinig.

“Grabe ka naman! Kahit simple lang si Kuyang Sekyu tignan mo ang mukha. Gwapo! Matipuno pa ang katawan. At mukhang mabait at magalang,” tugon ni Cara na nakaramdam ng awa para sa sekyu dahil sa mga sinabi ni Sheena.

Nagkibit-balikat na lamang si Sheena at nagpatuloy sa kaniyang trabaho. Para sa kaniya siguradong-sigurado siya na ni katiting ay walang pag-asa itong sekyu na Tristan pala ang pangalan sa kaniyang matapobreng puso.

Ilang linggo ang lumipas at panay ang pagsusungit ni Sheena kay Tristan. Napapansin niyang sa pagpasok ay naka-tsinelas lamang ang binata na kung ilarawan niya ay “pang mahirap” lamang at ang kinakain nitong pananghalian araw-araw ay baon lamang na isda o kung minsan ay ginisang gulay.

Isang Biyernes ng gabi ay nagtipon-tipon ang mga empleyado dahil mayroon daw party na isasagawa bilang pag-welcome sa pinakabagong service manager sa kanilang branch. Siyempre’y siniguro ni Sheena na siya pa rin ang pinakamaganda dahil ang totoo’y nang makita niya si Bryan, ang nasabing manager, kaninang umaga sa bangko ay agad tinamaan ang kaniyang puso. Bukod sa gwapo at matangkad ay sigurado rin kasi siyang marami na itong pera.

“Matalinong paglandi lang ang kailangan sa ekonomiya ng Pilipinas ngayon,” natatawang bulong ni Sheena sa sarili habang naglalagay muli ng pulang lipstick bago lapitan si Bryan.

Bago pa makalapit si Sheena sa lalaki ay nagulat siya nang bigla na lamang sumulpot si Tristan sa kaniyang tabi.

“O, ano?” masungit na bati ni Sheena sa sekyu. “Napakaganda mo naman ngayong gabi. Hindi ko alam na may igaganda ka pa,” nakangiting sabi ni Tristan sabay abot ng isang piraso ng rosas.

“Tigilan mo ako! Hinding-hindi ako papaligaw sa’yo, Tristan. Unang-una sa lahat, may ipon ka ba para buhayin ako o kahit pakainin man lang sa labas? Wala ‘di ba? Kasi isa ka lamang hamak na security guard! Kaya lubayan mo ako!” bulalas ni Sheena sa kawawang binata pagkatapos ay dumiretso na sa kaniyang target na si Bryan.

Naiwan na lamang na nakayuko si Tristan habang pinupulot ang rosas na ibinalibag sa sahig ni Sheena.

Ilang oras ang lumipas at halos hindi na mapaghiwalay si Sheena at ang bagong manager na si Bryan. Hindi mo naman masisi ang lalaki dahil sino nga ba naman ang tatanggi sa bukod tanging ganda ni Sheena. Nang matapos ang kainan at kaunting inuman mayamaya pa’y nagkayayaan nang umuwi.

“Sir, gusto mo pa bang uminom? Tara sa inyo. Gusto mo ba?” nang-aakit na alok ni Sheena kay Bryan.

“O, sige ba! Halika na,” tugon ng lalaki sabay hawak sa beywang ng dalaga. Napangiti naman ng bahagya si Sheena dahil sa wakas ay tila makakabingwit na siya ng mayamang lalaki!

Nang makalabas ng kanilang opisina ay lilinga-linga si Sheena na tila ba may hinahanap.

“Sir, saan ka naka-park?” tanong ng dalaga. “Ay naku, wala pa akong kotse, eh. Hindi pa kasi naa-approve ‘yong car loan ko,” sagot ni Bryan na halatang ikinadismaya ng dalaga.

Napatigil ang dalawa nang makarinig ng busina mula sa isang magarang sasakyan.

“Sir! Sheena! Sabay na ba kayo? Magkakalapit lang naman ang bahay natin sa isa’t isa,” alok ni Tristan na siyang may-ari pala ng magarang sasakyan na palaging naka-park sa harapan ng kanilang opisina!

Sa labis na pagkapahiya ni Sheena ay pinilit niya si Bryan na sumakay na lamang ng taxi at hindi na sumabay pa kay Tristan. Nang makasakay ay agad napakuwento si Bryan tungkol sa kanilang sekyu.

“Bilib talaga ako diyan kay Tristan, eh. Mas mapera pa kaysa sa’kin na naturingang manager, eh! Masinop daw kasi sa pera kaya maagang nakapagpundar sa buhay,” kuwento ni Bryan na walang kaalam-alam na tinanggihan ni Sheena ang kawawang sekyu.

Tahimik ang dalawa sa loob ng sasakyan nang mapadaan sila sa isang napakagandang bahay.

“Tignan mo ‘yon, Sheena! Bilis!” wika ni Bryan sabay turo sa magandang bahay.

“Bakit, sir? Dito na ba tayo bababa?” tanong ng dalaga. “Hindi! Bahay ‘yan ni Tristan! Ang galing talaga, noh? ‘Di mo akalaing isang sekyu ang may-ari ng ganiyang kagandang bahay at lupa,” dagdag pa ni Bryan na labis ding nakadagdag sa panghihinayang ni Sheena.

Kinabukasan ay nakasimangot na pumasok si Sheena sa trabaho. Gayunpaman ay nakangiti pa rin siyang binati ni Tristan bilang sekyu sa kanilang opisina.

Laking gulat ng lalaki nang bigla na lamang naging malambing ang babae sa kaniya.

“Tristan! Ang aga mo talagang pumasok. Malapit lang pala ang bahay ko sa bahay mo, eh. Baka minsan gusto mong magsabay na lang tayo,” alok ni Sheena kay Tristan.

Hindi pa nakakasagot ang sekyu nang biglang sumingit sa kanilang usapan si Bryan.

“Sir Bryan! Good morning po!” bati ni Tristan. Napansin naman ng binata na lalong sumimangot itong si Sheena.

“Kamusta ang gabi mo, Tristan? Minalas ako, eh. May nakasama akong babae pauwi at nang makita niyang simple lamang ang bahay namin alam mo kung anong ginawa? Nagdabog na parang bata sabay walk out sa eksena! Grabe, hanggang ngayon nga’y ‘di ako makapaniwala. Kaya ikaw, Tristan, mag-iingat ka!” nakangising sabi ni Bryan na halatang nagpaparinig kay Sheena.

Agad na pumasok ang lalaki sa opisina at naupo sa estasyon nito kaya’t naiwan muli ang dalaga at si Tristan.

“Ano, sabay ba tayo mamaya?” tanong pa rin ni Sheena sa kabila ng nangyari.

“Pasensiya ka na, Sheena, ha. Pero binabawi ko na ang mga sinabi ko dati pati ang intensyon kong manligaw sa’yo. Sa katunayan ay hindi ako interesado sa mga babaeng pera lamang ang habol sa isang lalaki,” diretsang sabi ni Tristan na siyang ikinagulat ni Sheena.

Kinabukasan ay nagulat ang lahat nang mabalitaang nag-resign na raw itong si Sheena.

Dahil sa labis na kahihiyan ay napilitang lumipat ng trabaho ang dalaga. Laking panghihinayang niya sa pag-ibig at ginhawang handog sana ni Tristan sa kaniya. Kung hindi lamang sana niya minata ang lalaki at hindi pinairal ang kaniyang pagiging matapobre baka masaya na siya sa piling ng binata at maginhawa pa ang kaniyang buhay. Ang bilis nga naman ng karma.

Advertisement