Kinaiinggitan ng marami ang relasyon nina Nikko at Angeli, dahil kitang kita ng lahat kung gaano ka mahal ni Nikko ang dalaga at kung paano alagaan ni Angeli ang binata. Nakilala ang tandem nila bilang “couple goals” na ginagamit nilang hashtag sa tuwing magpopost sila sa social media.
“Kayo yung couple goals ‘di ba?” tanong ng isang babae na nakasalubong ng dalawa.
“Opo, paano niyo nalaman na kami yun?” sagot naman ni Angeli dito. Agad naman na tinamaan ng kilig ang babae at humiling ng isang litrato mula sa magkasintahan. Nang matapos ang pakikipag-ugnayan ng dalawa sa babae ay agad na silang umalis para tumuloy sa kanilang kakainan.
“Ayos ah, ok pala maging sikat no? Naglalandian lang tayo, kumikita pa tayo,” tatawa-tawang sabi ni Nikko sa kanyang nobya matapos nilang marating ang isang sikat na kainan.
“Ganoon talaga! Kung hindi ako ang girlfriend mo, sigurado akong hindi ka sikat ngayon,” panlalait nito sa nobyo. Tila nainis naman dito si Nikko kaya sinagot niya ang kanyang nobya.
“Nako, kung hindi naman dahil sa akin ay wala ka rin. Wala ka kung wala ako,” pang-iinis naman nito. Dahil dito ay tuluyang napikon ang babae dahil sa sinabi ni Nikko. Subalit nang iiwan na niya ang binata ay bigla silang kinausap ng isa sa pinakakilalang reporter.
“Nikko? Angeli? Kayo ba ‘yan?” tanong nito sa dalawa. Dahil sa pagtataka ay nilingon agad nila ang tumatawag sa pangalan nila.
“Tita Aly! Kamusta po? Kami nga ito, couple goals,” sagot naman ng dalawa na agad na naghawak kamay para ipakitang wala silang problema, gaya ng mga ipinopost nila sa social media.
“Ayos naman ako, iimbitahan ko sana kayo sa talk show ko. Sana pagbigyan niyo ako,” pakiusap nito sa magkasintahan. Agad naman na pumayag ang dalawa dahil alam nila na malaki ang kikitain nilang pera rito.
Kinagabihan ay nakauwi na ang dalawa sa kanilang tinutuluyan at dapat magpapahinga na sila, subalit inutusan muna ni Angeli si Nikko na tulungan siyang magligpit ng kalat sa bahay.
“Ano ba naman yan?! Kita mong pagod ‘yong tao tapos uutusan mo pa? Ipagpabukas mo na lang ‘yan kung ‘di mo kayang gawin ‘yan mag-isa,” inis na sabi ni Nikko at tuluyan nang nagpahinga. Dahil dito ay nagplano ang dalaga kung paano siya makakabawi sa nobyo niyang masama ang ugali.
Kinabukasan ay naghanda na ang dalawa para sa kanilang dadaluhang talk show kasama si Tita Aly.
“Alam mo na gagawin mo?” tanong Nikko kay Angeli.
“Oo naman, babe,” naka-ngising sagot ng dalaga dito. Agad silang nagtungo sa istasyon ni Tita Aly para ipaalam na nakarating na sila.
“Hello! Buti at talagang sumipot kayo. Magiging masaya kayo sa talk show natin,” nakangiting sabi nito habang inaalalayan ang dalawa papunta sa mga pwesto nila.
Ilang minuto lang ang lumipas nang simulan na ni Aly ang talk show na inabangan ng lahat ng tao at mga tiga-hanga ng dalawa.
“Magandang umaga sa inyong lahat! Ako si Tita Aly at kasama natin ngayon ang couple goals na sina Nikko at Angeli! Palakpakan natin sila sa pagpayag sa aking paanyaya,” pagbati nito sa mga manonood.
“Magandang umaga Tita Aly! Bago pala tayo magsimula, hindi ko na sasayangin ang oras niyo. Ako si Angeli ng couple goals, ibubunyag ang mainit-init na sikreto ni Nikko,” panimula ni Angeli na siyang ikinagulat ng kanyang nobyo maging ang host ng talk show.
“Sa social media lang magaling ‘tong boyfriend ko! Pagdating sa personal na ay sobrang walang kwenta na niyan. Hindi marunong sa gawaing bahay, puro kaplastikan lamang ang pinapakita sa ating lahat,” sabi Angeli bago pa umalis sa kanyang pwesto. Naiwan naman na tulala si Tita Aly at si Nikko. Pati ang mga manonood ay naguluhan sa ginawa ni Angeli.
Dahil sa nangyari, inilabas ni Angeli ang lahat ng videos sa likod ng kunyaring napakatamis nilang pagsasama ni Nikko. Napakabilis, nawala lahat ng mga taong sumusuporta sa kanila. Hindi kasi sila makapaniwalang ginawa na lamang na trabaho ng dalawa upang pagkakitaan ang kanilang relasyon bilang magkasintahan, kahit ang totoo ay hindi na sila nagmamahalan.
Hindi sukatan ng pag-iibigan ang pagpo-post ng magkasintahan sa social media. Ika nga ng iba, mas masaya pa ang mga magsing-irog na tahimik sa social media dahil sa personal nila ipinakikita ang pagsinta nila sa isa’t isa.