Sa isang maliit na at tagpi-tagping tirahan, nagsisiksikan kasama ang kanyang ama’t ina at dalawang nakababatang kapatid, bumangon mula sa kaniyang maliit na espasyo ng banig si Jenny. Kahit ganoon ang estado ng kanilang buhay, napakalaki ng ngiti sa kanyang mga labi. Hindi dahil sa buo at nagmamahalan ang kanilang pamilya, kundi dahil sabik na siyang pumasok ng opisina.
Iba kasi ang katauhan ni Jenny sa opisina. Kung sa kanilang lugar ay isa sila sa pinakamahirap na pamilya, ang kwento niya sa opisina ay ibang-iba. Tatlong palapag ang tinitirhan nilang bahay, parehong sikat na doktor sa ibang bansa ang kanyang ama’t ina, habang ang dalawa naman niyang nakababatang kapatid ay may tig-isang kasambahay upang mag-alaga sa kanila. Ilan lamang iyon sa mga kathang-isip na kwento ni Jenny patungkol sa kaniyang pamilya.
Pagkaligo gamit ang tubig na inigib kagabi ng kanyang ama mula sa poso ng isang kapitbahay, nagbihis ng magara itong si Jenny at saka nagpahid ng samu’t saring kolorete sa mukha na pinag-ipunan niya pang bilhin mula sa sinasahod niya sa trabahong pinapasukan.
“Guys! Good morning! Grabe talaga ang traffic today, buti na lang mabilis magmaneho ang driver ko,” bati ni Jenny sa mga kasamahan sa trabaho.
Agad naman siyang nginitian at binati pabalik ng mga ito.
“Good morning, ganda! Buti nga at may sarili kang sasakyan, may driver pa! Ako, muntik na naman akong ma-late kanina. Grabe kasi ang dagsa ng tao sa MRT. Dalawang oras at ang ipinila ko, para lang makipagsiksikan sa loob ng tren,” kwento naman ni Vera, isa sa mga malalapit na kaibigan ni Jenny.
“Hay sis! Ako rin! LRT naman ang sinakyan ko kanina. Malas, pagkasakay ko e natapat pa ako sa pawisang kili-kili ng lalaking katapat ko habang nakatayo,” natatawang sabi naman ni Tina, isa pa sa kasamahan nila.
“‘Di ba sa Commonwealth sa Quezon City ka nakatira, Jenny? Bakit hindi mo isabay ‘yang si Vera tutal halos magkalapit lang ang bahay ninyo?” sabat naman ng isa sa pinakamasusungit nilang katrabaho na si Mabel.
Nagkatinginan si Tina at Vera, at saka sumagot ang isa.
“Nako, hindi na po! Inalok naman ako ni Jenny dati, pero mas komportable akong mamasahe kaysa sumakay sa magara niyang kotse. Baka lalo akong antukin e!” sagot ni Vera at saka bumalik sa ginagawa niyang mga resibo.
Mag-iisang taon nang nagtatrabaho si Jenny sa kompanyang iyon. Hindi niya inaasahang makakasundo ng sobra ang dalawang dalagang sina Vera at Tina. Madalas silang magkakwentuhan at magkakasama maging sa labas ng opisina. Gayunpaman, hindi pa rin sinasabi ni Jenny ang katotohanan sa dalawa tungkol sa tunay na estado ng buhay niya. Malaki kasi ang takot niya na sa oras na mawalan ng dalawa ang totoo’y mawala na ang mga ito bilang kaibigan niya.
Isang gabi, napagkasunduan ng mga empleyado na sabay-sabay nang umuwi dahil sa gaganaping party sa kanilang opisina. Bilang selebrasyon daw ito sa magandang performance ng mga empleyado sa buwang iyon.
Magandang-maganda na naman ang porma ni Jenny, siniguro niya kasi na hindi mahahalatang galing lamang sa ukay-ukay ang mga sosyaling damit at sapatos na suot-suot niya. Maya-maya pa’y narinig niya si Mabel na kausap ang dalawa niyang kaibigan.
“Bakit pa nagpapauto kayo doon? Mga t*nga ba kayo? Halata namang nagpapanggap lang ‘yon!” bulalas ni Mabel kay Tina at Vera.
Nanlamig si Jenny dahil ramdam niyang siya ang pinag-uusapan ng tatlo. Naluluha na siya, ngunit sa isip niya’y gumagawa na siya ng kwentong kasinungalingan na siyang sasabihin niya mamaya kina Vera at Tina. Pero natigilan siya nang marinig ang sagot ng dalawa.
“Alam namin! Hindi kami mga inutil!” sagot ni Tina sa nanggagalaiting si Mabel.
“Simula’t sapul, alam namin ang lahat. Pero mabuting tao si Jenny. Iniintindi na lang namin ang kalagayan niya. Hangga’t wala siyang inaapi at tinatapakang tao, hahayaan namin siyang gawin kung anong nagpapasaya sa kanya,” dagdag pa ni Vera, na siya namang dahilan sa pagtulo ng luha ni Jenny.
Natameme si Mabel sa kanyang narinig na sagot mula sa dalawa. Dala ng inis ay agad na itong bumalik sa party, at naiwan si Vera at Tina sa silid. Maya-maya pa’y napansin nilang papasok na ang lumuluhang si Jenny.
“Jenny! Anong nangyari?! Bakit?” nag-aalalang tanong ng dalawa.
“Sorry! Sorry na! Akala ko kasi, mag-iiba ang tingin niyo sa’kin kapag nalaman niyo ang tunay na estado ko sa buhay,” umiiyak na pahayag ng dalaga sa harap ng dalawa niyang kaibigan.
Niyakap ni Tina at Vera ng mahigpit ang kaibigan, at saka pinagsabihan.
“Jenny, gusto naming malaman mo na hindi ka namin nagustuhan bilang kaibigan nang dahil lang sa estado mo sa buhay. Naging magkakaibigan tayo dahil sa samahan natin at sa magandang pag-uugali mo. Hindi mo na kailangang magpanggap,” sabi ni Tina.
Magmula ng gabing iyon, itinigil na ni Jenny ang lahat ng kwentong kathang-isip patungkol sa kaniyang pamilya at estado sa buhay. Sa simpleng bagay na iyon, naging napalaking ginhawa ang kanyang naramdaman. Aniya, iba ang pakiramdam na wala kang tinatago sa ibang tao at tunay na pagkatao ang pinapakita mo.
Mabuti na lamang at maunawain sina Vera at Tina sa kaibigan nilang si Jenny, dahil sa kanila’y tuluyan nang nagbago ang dalaga at binigyang konsentrasyon na lamang ang pagtatrabaho ng maigi upang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan.