Ipaglalaban Ko, Kahit Mali Na Ako!

Kakaiba ang pag-uugali ng bunsong anak ng mag-asawang sina Jeffrey at Susan. Kasalungat ng panganay nila, ang bunsong si Alfred ay may katigasan ang ulo at talagang hindi nakikinig sa kanilang mga payo.

Nakapagtapos naman ang lalaki ng kolehiyo at nakapasok sa isang disenteng trabaho sa opisina, gayunpaman, nadala niya hanggang doon ang kinaiinisan niyang pag-uugali.

“Alfred, may mali sa ginawa mong design na hinahanap ni boss. Ayusin mo na bago pa niya makita,” payo sa kaniya ng katrabahong si Joe.

“Ha? Ayos naman ‘yan ah? Tama ‘yan! Bakit ka ba nagmamagaling? Hindi pa nga tinitingnan ni boss, pinupuna mo na naman. Akala mo naman e ang husay-husay mo,” inis na inis na sagot ng binata.

Kung sa bahay, sanay siyang napagbibigyan ng kanyang ama’t ina sa pabalang na pagsagot niya sa mga ito, sa opisina ay iba ang eksena. Madalas mapaaway ang binata sa mga katrabaho niya, lalo na sa panahong sinusubukan ng mga ito na pagsabihan o bigyan siya ng payo.

“Ang tigas ng ulo mo, Alfred! Hindi ka naman kagalingan para hindi makinig sa mga payo namin sa’yo. Bahala ka! Tandaan mo, may araw ka rin,” nanggagalaiting sabi sa kaniya ng isa sa mga katrabaho niya.

Ngunit tulad ng dati, tinatawanan lamang ni Alfred ang mga ganoong bagay. Kahit ano pang marinig niya, palagi niyang ipinaglalaban na siya ang tama at nasa katwiran.

Isang maulang Lunes at late na namang pumasok sa opisina itong si Alfred. Pagpasok niya sa loob mismo ng kanilang silid, napatigil siya ng saglit nang makita ang isang napakagandang binibini. Napukaw nito ang kanyang atensyon nang dahil sa mayumi niyang mukha na akala mo ay isang artista, sa kinis at puti ng kutis nito, at sa balingkinitan niyang pangangatawan.

Advertisement

“O, laway mo, baka tumulo!” pang-aasar sa kanya ng katrabahong si Jessica.

“Sino siya?” maiksing sagot ng binata habang nakapako pa rin ang tingin sa magandang dilag.

“Isa siya sa limang bagong pasok na empleyado sa deparment natin. Mayumi ang pangalan niya,” sagot ni Jessica.

“Mayumi? Wow! Bagay na bagay sa mala-anghel niyang mukha,” tugon ni Alfred.

Lagot na! Tinamaan ng kupido ang puso ng isang lalaking matigas ang ulo!

Desidido si Alfred na makilala pa nang lubusan ang dalaga. Kinahapunan nang sa wakas ay nakahanap siya ng tiyempo na makausap ng personal at pribado si Mayumi nang magkasabay sila sa pantry, kung saan nakita niyang nagtitimpla ng kape ang dilag.

“Hi, miss! Mayumi raw ang pangalan mo? Tama ba?” todo-ngiting bungad ni Alfred sa dalaga.

“Ah… Eh… Oo, tama ka,” nakangiti ngunit halatang nahihiyang sagot nito sa kanya.

Advertisement

“Huwag kang mahiya! Ako nga pala si Alfred. Matagal-tagal na rin ako rito sa kompanya, kaya’t kung may mga katanungan ka e nandito lamang ako para tumulong sa’yo,” pagmamayabang na alok ng binata na akala mo ay hindi delingkwenteng empleyado.

“Ganoon po ba? Salamat po! Katunayan, napaka-mahiyain ko po talaga. Mabuti po at lumapit kayo upang makipagkilala,” magalang na sagot naman ni Mayumi.

Matapos ang ilan pang salitan ng pag-uusap ay napagdesisyunan na ng babae na bumalik sa trabaho, nang bigla siyang yayain ni Alfred na lumabas mamayang gabi upang sabay na kumain ng hapunan. Dala ng hiya sa pagtanggi, napilitan na um-oo ang dalaga. Para sa kanya ay mukha rin namang mabuting lalaki si Alfred kaya’t tila walang masama kung sabayan niya itong kumain ng hapunan.

Todo-ngiti naman bumalik sa trabaho si Alfred. Hindi niya inaasahang mapapa-oo ang dalaga sa alok niyang dinner date dito. Ilang oras na lamang ang bubunuin niya sa trabaho at sa wakas ay makakasama na niya ang binibini.

Maya-maya pa’y tumunog na ang orasan sa opisina. Alas singko na ng hapon at hudyat na ng uwian ng mga empleyado.

Agad na nilapitan ni Alfred si Mayumi upang sabayan sa paglabas ng opisina.

“Sandali lang, Alfred ha? Kukunin ko lang ang bag ko sa locker ko, tapos magpupunta lang ako sa CR sandali. Magkita na lang tayo sa lobby?” sambit ni Mayumi sa halatang eksayted na lalaki.

“Okay! No problem, Mayumi!”

Advertisement

Nakaupo sa mahaba at malambot na sofa habang naghihintay itong si Alfred, nang bigla na lamang tumunog ang kanyang telepono. Tumatawag ang kanyang ina.

“Hello? O, ma? Bakit? Busy ako!” bungad na sagot nito sa ina.

Hindi pa man niya alam ang kailangan ng kaniyang ina, ngunit inis na inis na ang tono ng kaniyang pananalita.

“Ha? Ano kamo?! Bakit kita susunduin? May sarili ka namang sasakyan ah! P*ta naman! May lakad nga ako, mama!” sigaw pang muli ng binata sa kabilang linya ng kaniyang cellphone. Sa lakas ng boses niya’y pinagtitinginan na siya ng mga tao.

“Ayoko! Bahala kayo diyan! Sinabi ko na sa’yong may lakad ako. Bye!” sigaw pa nitong muli sabay baba ng tawag ng kanyang ina.

Nang tumingala siya ay nakita niyang nakatingin at kanina pa pala nakikinig si Mayumi sa kanilang pag-uusap.

“Ay, sorry! Mama ko ‘yon. Tara na?” tanong ni Alfred habang inaakay si Mayumi palabas ng lobby ng kanilang opisina.

“Mama mo ‘yon? E bakit ganoon kayo mag-usap?” nagtatakang at tila ba naiinis na tanong ng dalaga.

Advertisement

“Ah, eh, oo. Ang engot kasi e! Hindi makaintindi. Sinabi ko nang may lakad tayo, tapos nagpupumilit pang magpasundo sa akin. Tara na, diyan lang sa malapit naka-park ang sasakyan ko,” paliwanag at pagyaya ni Alfred.

Laking gulat niya nang napaatras ang dalaga.

“Pasensiya ka na, Alfred. Hindi ko kayang makipagdate sa lalaking ganoon kabastos sa kanilang sariling magulang. Kung pwede lang, layuan mo na rin ako sa opisina. Nakakadiri ang ganiyang pag-uugali,” matigas na sabi ni Mayumi at saka dire-diretsong lumabas.

Naiwan namang pahiya at nag-iisa si Alfred. Hindi niya maintindihan, ngunit tila ba nang dahil sa sinabi ni Mayumi ay natauhan siya.

Nang dahil sa pangyayaring iyon, sinubukan at ginawa ni Alfred ang lahat ng makakaya niya upang mabago ang pangit niyang pag-uugali. Sinimulan niya sa loob ng kanilang tahanan, hanggang sa sinunod niya ang pakikitungo sa mga tao sa opisina. Matapos ay sinunod niya na rin ang pakikipagkapwa-tao sa kahit na sino sa paligid niya. Pursigido kasi siyang mabago ang ugali upang hindi na maulit pa ang nangyari noon kasama si Mayumi.

Lumipas ang ilang buwan, at sa wakas ay nakakilala nang muli ng isa pang magandang binibini si Alfred. At nang dahil sa mga pagbabago sa kanyang pag-uugali, mabilis niyang nakamit ang matamis na oo ng dalaga. Natutunan niyang ang magandang pag-uugali ay mas matimbang sa kahit na anong bagay sa mundo.